"MAKISAMA ka na lang muna sa akin, okay? Hindi naman kita pipigilan kung gusto mo talagang pakasal sa kapatid ko. Kaya lang, may usapan kaming hindi niya tinupad. Kailangan ko siyang sindakin," sabi ni Robertito. He sounded reasonable at parang gusto na nga ni Perdita na makipag-cooperate dito. "Please?" pakiusap nito. And he looked adorable like Baby Andoy.
"Ano ba ang kasunduan n'yo na hindi niya tinupad?" tanong niya.
"Gusto kong kumbinsihin niya sina Papa na aprubahan ang loan ko sa kompanya. May share naman ako roon at karapatan kong mangutang." Kinabig ni Robertito pakaliwa ang manibela. Papasok na sila sa isang bayan sa Tarlac.
"Bakit ka naman nangungutang? Ayaw mo ba n'on, lumalago pa ang parte mo dahil mahusay naman ang pamamalakad ni Ronald?"
"Dahil hindi ko iyon magamit sa gusto kong paggamitan. Hindi sa wala akong malasakit sa kompanya, pero matagal ko nang tinanggap na iyon ay para kay Kuya. Linya niya iyon. Bata pa siya, na-groom na siya para i-manage iyon. I just want to run my own business. Gusto ko rin namang may mapatunayan ako sa pamilya ko, at sa sarili ko. Kaso, ginigipit nila ako dahil ayokong tanggapin ang posisyong ibinibigay nila sa akin sa opisina."
"Bakit?" Kung si Perdita ang may pribilehiyong kagaya ni Robertito, hindi niya iyon tatalikuran.
"Dahil nasasakal ako sa necktie. Dahil hindi ako makapaglakad kapag nakabalat na sapatos." Pinandilatan siya nito na para bang dapat ay alam na niya iyon.
"Ano ba ang negosyo mo?" Kunsabagay, hindi nga niya ito ma-imagine na nakasuot ng kagaya ng isinusuot ni Ronaldo araw-araw. And he definitely did not talk like his brother. Kulang sa pasensiya at diplomasya ang kilos at pananalita ni Robertito; hindi nga siguro uubra ang ganoon sa corporate world.
"Mamaya, makikita mo," sabi nito.
"Paano kung ipapulis ka ni Ronald?"
"Hindi niya gagawin 'yon."
"Paano ka nakakasiguro?"
"Dahil tutulungan mo ako," paniniguro nito.
"S-sa paanong paraan?" Ano ba itong napasukan niya? Ang gusto lang naman niya ay mapabuti ang lagay ni Baby Andoy. Pero siya ngayon ang parang nalagay sa alanganin.
"Sasabihin mo ang totoo kina Papa kapag hindi tumupad sa kasunduan namin si Kuya."
Lumabas sila ng bayan papasok sa isang baryo. Hindi na niya napagtuunan ng pansin kung anong bayan ang pinanggalingan nila o kung anong baryo ang pinapasok nila ngayon dahil overwhelmed siya sa bilis ng mga pangyayari.
"Hindi puwede!" protesta ni Perdita. "Nangako ako kay Ronald na kahit ano'ng mangyari, ililihim ko ang totoo. Naiintindihan ko naman siya kung bakit. Ayaw niyang magdamdam ang parents n'yo at naniniwala akong wala namang kabutihang maidudulot kapag nalaman pa ng lahat na bading siya."
"Sa maniwala ka't sa hindi, naiintindihan ko siya and I agree with him, too. Kaya lang, dapat din niya akong intindihin. At kung hindi mo ako tutulungan, hindi kita ibabalik sa kanya at ako mismo ang magsasabi kina Mama na hindi ikaw ang totoong ina ni Andoy. Madali nang patunayan 'yon sa DNA testing. Mapapahiya ka, magagalit sa 'yo sina Mama. At kapag nagalit si Mama, believe me, gagawin niya ang lahat para hindi ka maging masaya."
She believed Robertito. Ramdam na ramdam naman niyang kaya lang siya pinakikisamahan nina Mrs. Pangan ay dahil kay Ronaldo at kay Baby Andoy.
Nagulat si Perdita nang biglang hagipin ng binata ang kamay niya. "Please, tulungan mo muna ako. Pangako, pagkatapos nito, kakampi mo ako sa lahat ng bagay. Kahit anong pabor ang hingin mo sa akin, ibibigay ko."
BINABASA MO ANG
Señorito Series 2: Robertito COMPLETED (Published by PHR)
RomanceAng balak lang ni Perdita ay ipakilala ang anak ng yumaong kaibigan niya sa ama nito para mabigyan ng magandang kinabukasan ang bata. Pero hindi ganoon ang nangyari. She ended up agreeing to marry Ronald, the child's father. Pumayag lang siya sa pro...