"K-KAPATID? Kapatid ng amo mo si Ronaldo Pangan?" nakangiwing sabi ni Perdita nang klaruhin sa kanya ni Binoy, houseboy ni Robertito, na hindi ito dyowa ng ama ni Baby Andoy. Diyata't kailangan niyang humingi ng paumanhin sa lalaking iyon? Pero bakit hindi nito itinama iyon kaninang magkausap sila? Bakit hindi ito nagpakilala?
"Oho. Dalawa lang sila. Si Bosing ang bunso. Tulog na ho yata ang baby. Puwede n'yong ihiga sa itaas, sa guest room."
"Mabuti pa nga. Kanina pa ako nangangawit, eh." Nang padedehin ni Perdita ng infant formula ang sanggol ay ayaw nitong tanggapin iyon; nasanay yata kasi ito sa am. Pero parang na-realize din yata agad nitong mas masarap ang bagong nourishment. Saglit lang at naubos na nito ang tinimpla niya. Ngayon, tulog na.
Sinamahan siya ni Binoy sa guest room. Sparsely furnished ang kuwarto. Isang pang-isahang kama, isang side table, at isang silya lang ang nandoon. Hindi air-conditioned, pero may ceiling fan.
Maingat niyang ibinaba sa kama si Baby Andoy. "Sige na. Iwan mo na muna kami. Magpapahinga rin ako. Mukhang mamaya pa darating ang amo mo," sabi niya sa houseboy. Gusto niyang mapag-isa dahil may gumugulo sa isip niya. Palaisipan ang inakto ni Robertito kanina at wala siyang maisip na dahilan. Kung siya ang lalaki at napagkamalan siyang dyowa ng bading, agad-agad ay itatama niya ang maling akala at malamang na magalit pa siya.
Something is wrong, baby.
Pero wala siyang makukuhang sagot hangga't hindi dumarating si Robertito. Ang alam lang niya, relieved siya nang malamang hindi ito dyowa ng bading.
Nahiga si Perdita sa tabi ni Baby Andoy. Hindi niya napigilang maidlip. Kahit sanay siyang magpuyat dahil sa trabaho, iba pa rin ang puyat na hatid ng pag-aalaga ng sanggol.
Nagising lang siya nang umiyak ito. Mag-aalas-kuwatro na ng hapon, ayon sa wall clock. Tiningnan niya ang diaper ng alaga—kailangang palitan, dahil umuu na. Nilinis niya ito at kinuha sa bag nila ang huling disposable diaper.
"Don't worry, baby. Pagdating ng tito mo o daddy, magkakaroon ka na ng maraming diapers. Kahit maya't maya ka nang umuu." Kinarga niya ang sanggol at bumaba sila. Nasa sala si Binoy, nakikipag-text.
Mabuti pa ang houseboy na 'to, may cell phone, sa loob-loob niya.
Iyong sa kanya, nakasanla sa isang kasamahan sa boardinghouse. "Hindi ba tumawag ang amo mo?" tanong niya rito.
"Padating na raw sila." Ang atensiyon ng houseboy ay nasa cell phone.
"Ano'ng trabaho ng amo mo?" Mas dapat niyang pag-interesan ang ama ni Baby Andoy dahil iyon ang sadya niya, pero masama bang magkainteres sa tito ng alaga niya?
"Nag-aalaga ho ng manok—"
"Manok? 'Yong ibinebenta sa palengke?"
"Hindi ho. 'Yong isinasabong."
Nge! "Mga tandang? Nagsasabong siya?"
Sunod-sunod ang tango ng houseboy. Dismayado na naman siya. Sa lahat, ang hate na hate niya ay ang sabong. Iyon ang sanhi ng pagbagsak ng kabuhayan nila sa probinsiya dahil nalulong doon ang tatay niya. Kaya nang magkasakit ang nanay niya, wala na silang pambayad sa matinong ospital. Halos isumpa na niya noon ang ama. Pero hindi naman niya magawang labanan ito nang harapan. Kaya ang mga panabong nito ang pinagdiskitahan niya. Tinatadyakan niya ang mga iyon tuwing makikita niya. Isang beses ay nahuli siya ng ama sa aktong pagmamaltrato sa mga tandang, pinagbuhatan siya nito ng kamay.
BINABASA MO ANG
Señorito Series 2: Robertito COMPLETED (Published by PHR)
RomanceAng balak lang ni Perdita ay ipakilala ang anak ng yumaong kaibigan niya sa ama nito para mabigyan ng magandang kinabukasan ang bata. Pero hindi ganoon ang nangyari. She ended up agreeing to marry Ronald, the child's father. Pumayag lang siya sa pro...