Chapter 1

34.7K 539 11
                                    


After many years...

KAHIT narinig na ni Miliza ang pamilyar na tunog ng mga yabag palapit sa silid niya ay hindi pa rin siya tuminag. Nanatili siyang nakatitig sa naka-off na TV na para bang may pinapanood siyang palabas. Hindi na siya nagulat nang bigla na lang bumukas ang pinto nang wala man lang siyang narinig na warning knock—iyon ang signature move ni Theodore "Theo" Knight, ang best friend slash knight niya. Bagay rito ang apelyido nito dahil iyon mismo ang role nito sa buhay niya—tagapagligtas sa lahat ng mga kapalpakan niya mula noong six years old pa lang siya.

Dalawang taon ang tanda nito sa kanya. Kaedad nito ang stepsister niya kaya magkaklase ang mga ito. Doon din siya pumasok sa eskuwelahan na pinapasukan ng mga ito.

Nagtatrabaho sa Canada ang kanyang ama na si Marlon at ang kanyang madrasta na si Lannie bilang caregiver. Doon na nagkakilala at nagkaibigan ang mga ito. Pagbalik ng kanyang ama sa Pilipinas ay ikinasal ito kay Mama Lannie sa huwes. Kinuha siya ng kanyang ama sa pinsan nito na nag-aalaga sa kanya dahil ang bahay raw ng madrasta niya ang magiging bagong tahanan niya.

Pag-alis ng mga ito ay naiwan siya at ang stepsister niya sa pangangalaga ni Tita Lenna, ang matandang dalaga na kapatid ni Mama Lannie. Napakahigpit ni Tita Lenna, animo ay galit ito sa mundo. Ang stepsister naman niya ay laging tahimik. Hindi siya pinapansin nito pero hindi rin siya inaaway. Pinilit niyang mag-adjust sa bago niyang buhay at kapaligiran. Mahirap man ay sinabi niya sa kanyang sarili na kakayanin niya iyon.

Likas na mahina ang katawan ni Ate Lia kaya madalas ay siya ang inuutusan ni Tita Lenna. Sinusunod niya ito kahit para na siyang katulong doon. Mainit ang mga mata nito sa kanya na para bang ang lahat ng ginagawa niya ay mali. Bumabait lang ito sa kanya tuwing nagbabakasyon ang papa at madrasta niya sa Pilipinas—na dalawang beses pa lang nangyari sa nakalipas na walong taon.

Gayunman, hindi niya iniisip na inaapi siya sa bahay na iyon dahil bibigat lang lalo ang pakiramdam niya. Inisip na lang niya na kaya naghihigpit sa kanya si Tita Lenna ay para mapabuti siya. At ang tila pang-aalipin nito sa kanya ay paraan nito upang turuan siya. May natutuhan naman siya sa mga ipinapagawa nito kaya nag-focus na lang siya sa mga positibong bagay sa sitwasyon niya.

Ngayon ay nasa ikalawang taon na siya sa high school. Nagbago na ang pakikitungo ng Ate Lia niya sa kanya. Madalas na itong mainis sa kanya at parang ayaw na siyang makasama nito sa iisang eskuwelahan. Parang galit ito sa kanya at hindi niya alam kung bakit. Inintindi na lang niya ito. Nagbago na rin ang pakikitungo ni Tita Lenna sa kanya. Hindi na siya masyadong sinusungitan nito. Siguro ay dahil may love life na ito—na pakana ni Theo...

"Alam mo kung bakit galit sa mundo ang tita-titahan mo? Wala kasi siyang love life, eh. Ang bitter ng buhay niya at fifty—I mean, forty pala," sabi ni Theo pagkaupo nito sa tabi niya.

Naroon siya sa likod-bahay at nagpipigil ng iyak dahil pinagalitan siya ni Tita Lenna. Na-late kasi siya sa pag-uwi sa bahay nang tatlong minuto.

"Kapag umiyak ka ngayon sa harap ko, gagantihan ko ang tita-titahan mo," banta nito.

Tiningnan niya ito.

Madilim ang anyo nito at nakasimangot. Siguro ay napagalitan din ito ng Amerikanong daddy nito na bigla na lang nagbalik sa buhay nito ilang buwan pa lang ang nakalilipas. Hindi pa raw ito nakakapag-adjust sa pakiramdam na mayroon itong ama. Dating militar sa Amerika ang daddy nito. Kasal ang mga magulang nito ngunit mas pinili raw ng daddy nito ang serbisyo kaysa mag-ina nito. Ipinagbubuntis si Theo ng mommy nito nang umuwi sa Pilipinas ang huli. Ngunit pagkapanganak nito kay Theo ay bumalik uli ito sa Amerika at naiwan si Theo sa pangangalaga ng lola nito. Sa ngayon ay nakauwi na uli sa Pilipinas ang ina nito.

Knight's Sweet Vow COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon