Chapter 8

22.3K 492 21
                                    


"ANO NA naman?" paasik na tanong ni Miliza kay Theo na nakatayo sa labas ng gate nila. Ang mga kamay nito ay nakatago sa likod nito. "Hindi pa rin ba tapos ang tantrums mo at gusto mo na naman akong idamay sa kamiserablehan? Mag-isa ka!" Inirapan niya ito. Nasa kuwarto na niya siya at naghahanda na para matulog nang marinig niyang tinatawag siya nito.

"Sorry..."

Naudlot ang akmang pagtalikod niya rito. pinagmasdan niya ang mukha nito.

Ilang segundo na tinitigan siya nito bago ito ngumiti. "Sorry," ulit nito. Mula sa likod nito ay inilabas nito ang kanang kamay. Hawak nito ang isang tangkay ng puting rosas at iniabot nito iyon sa kanya.

Hindi niya iyon tinanggap, sa halip ay sumimangot siya. "Ano 'ko, patay na nasa kabaong?" naaasar na tanong niya. Naalala niya ang paisa-isang puting rosas na ipinapabaon ng mga kamag-anak sa namatay kapag ililibing na iyon. Manunuyo na lang ito ay pinagmukha pa siyang patay. Mabuti pa si Santi, may estilo ang pagpapa-cute kay Trini.

Natigilan siya. Bakit ba niya pinagkokompara ang mga ito? Espesyal ang pagtingin ni Santi kay Trini samantalang asungot ang papel ni Theo sa buhay niya.

"Ang arte mo naman," reklamo nito pero nakangiti naman. Tila inaasahan na nito ang reaksiyon niya. Kilalang-kilala talaga siya nito. "Ikaw at ang friendship natin ang sinisimbolo ng white rose na 'to—pure," paliwanag nito, pagkatapos ay inilabas nito ang kaliwang kamay nito na may hawak na isang tangkay ng pulang rosas. "'Eto naman ay para sa sorry ko sa 'yo. Sorry dahil idinamay kita sa bad mood ko kanina." Pinagsama nito sa kanang kamay nito ang mga rosas at may kinuha ito sa likod nito. Isang papel na rosas ang ipinakita nito sa kanya. "Ginawa ko 'yan para sa 'yo."

"Papel?" bulalas niya. "Fake rose ang bukal sa loob mo na ibigay sa 'kin? Wow! Ang bait-bait mo talaga, Theodore Knight! Super touch ako," sarkastikong wika niya.

"Buksan mo muna ang gate at papasukin mo 'ko," reklamo nito.

Tumalima naman siya.

Pagpasok nito ay hinila agad siya nito palapit dito. Ibinigay nito ang dalawang bulaklak sa kanya. Hawak pa rin nito ang papel na rosas. "Alam mo ba kung bakit paper rose ang ginawa ko? Kasi ikaw 'to."

"Ako?" nagtatakang tanong niya.

"Lahat ng mga babae sa paligid ko ay parang mga rosas na hawak mo, magkakaiba man ng kulay ay rosas pa rin. Samantalang ang papel na 'to ay rosas din pero naiiba sa kanilang lahat. Gano'n ka para sa akin, Isay. Isang espesyal na rosas." Hinila pa siya nito kaya lalo silang nagkalapit. "Bati na tayo?" nakangiti at malambing na tanong nito.

Paano ba niya matitiis ito? Kahit madalas ay hindi niya ito maintindihan, hindi naman kayang punan ng iba ang espasyong nilikha nito sa puso niya.

Kinuha niya ang paper rose dito. "Bati na tayo," nakangiting sagot niya. "Salamat."

"Puwedeng pa-hug?"

Humilig siya sa dibdib nito.

Niyakap siya nito nang mahigpit. "Na-miss kita," pabulong na sabi nito.

Tumawa siya. "Sinungaling!" akusa niya rito pero para siyang gaga na kinilig naman. "Kanina mo lang ako inaway, 'tapos, sasabihin mong na-miss mo 'ko—"

"Ang dami mo pang sinasabi. Eh, sa na-miss nga kita."

"Ganyan ka naman lagi, eh."

"Nami-miss naman talaga kita kapag hindi mo 'ko pinapansin dahil sa tampuhan natin."

"Nakakainis lang kasi hindi kita matiis," nakalabing sabi niya.

Ngumisi ito. "Hindi mo 'ko matiis kasi mahal mo ako?"

Umingos siya. "Oo, eh."

Tumawa ito nang malakas. Lalong humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. "Naaalala mo pa ba ang vow ko sa 'yo?"

"Siyempre naman."

"Ako pa rin ba ang knight mo kahit may nagbibigay na ng bulaklak sa 'yo?"

"Bulaklak? Ah... Oo naman, ikaw pa rin ang knight ko."

Bahagya itong kumalas sa kanya. "One and only knight?" paniniguro pa nito habang nakatingin sa mga mata niya.

Tila nagrigodon ang puso niya. Nakasanayan na niya ang mga titig nito ngunit hindi ang klase ng titig na ibinibigay nito ngayon sa kanya. Halos magdikit na ang mga labi nila. Hindi tuloy matahimik ang puso niya.

"O-oo..."

Tila nasisiyahang ngumiti ito. Kinabig nito ang likod ng ulo niya at hinagkan siya sa noo. "Goodnight, uuwi na 'ko." Iyon lang at naglakad na ito palabas ng gate. Ngunit bigla itong huminto. Patakbong bumalik ito sa harap niya. "Gusto kong mag-renew ng vow."

"A-ano 'kamo?"

Hinawakan nito ang mga balikat niya. Hayun na naman ang kakaibang titig nito na tila nagkaroon ng intensity—o baka malisyosa lang talaga siya. "Hindi ba't sinabi ko sa 'yo noon na lagi akong nandito para protektahan ka? Naaalala mo pa ba 'yon?"

Tumango siya. Ayaw manahimik ng puso niya dahil sa pagkakalapit nila. "Hindi kita ibibigay sa kung sinong lalaki lang." mahina pero mariin ang pagkakabigkas nito sa bawat salitang binitiwan nito. "Kailangang dumaan muna siya sa 'kin. Kapag sa tingin ko ay hindi siya karapat-dapat sa pagmamahal mo, kahit pa gustong-gusto mo siya, hindi kita ibibigay sa kanya. Kung kinakailangang pakasalan kita para hindi ka mapunta sa kanya ay gagawin ko."

Napakurap siya at umawang ang mga labi niya. "S-seryoso ka ba?" Ano ang nakain nito at bigla na lang itong naging concerned sa love life niya? Ang bata-bata pa niya.

"That's my new vow, Isay. Tandaan mong mabuti ang sinabi ko." Kinabig nito ang ulo niya, pagkatapos ay magaan na hinagkan nito ang mga labi niya. "I've just sealed this vow with this kiss," anito at naglakad na palabas ng gate.

Mahabang sandali na napatulala siya. Wala sa loob na hinaplos niya ang kanyang mga labi. Lahat ba ng vow ay dapat na may seal na kiss?

411a65f0040~46

Knight's Sweet Vow COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon