Chapter 20

20.8K 394 1
                                    

NAPAKUNOT-NOO si Miliza nang marinig niya ang pamilyar na busina sa labas ng apartment niya. Sumilip siya sa bintana. Nasa labas nga ang kotse ni Theo. Hatinggabi na, ano kaya ang sadya nito?

Itiniklop niya ang librong pinag-aaralan niya. May quiz sila kinabukasan kaya nagre-review siya. Tumayo siya para pagbuksan ng pinto si Theo.

"Midnight na, ah," bungad niya rito pagbukas niya ng pinto.

"Kaya nga dinalhan kita ng midnight snack. Nahulaan ko na gising ka pa at nag-aaral."

Napatingin siya sa mga bitbit nito—pizza, ice cream, french fries, at nuggets. "Ang dami naman niyan, uubusin ko bang lahat 'yan?" Isinara at ini-lock na niya ang pinto pagpasok nito.

"Uubusin nating dalawa," nakangising sagot nito. "Hindi ako makapag-aral nang matino sa bahay, eh."

"Bakit?"

"Gusto kasi kitang makasama."

Bumungisngis siya. "'Miss mo 'ko?" Dalawang nuggets agad ang isinubo niya at tumatawang nginuya niya iyon.

Pinisil nito ang pisngi niya bilang tugon. Inayos nito sa sahig ang mga pagkain at inilapag nito sa tabi ng mga gamit niya ang mga libro at reviewer na dala nito.

Ilang sandali pa ay seryoso na itong nagre-review habang pasubo-subo samantalang siya ay itinigil muna ang pagre-review. Kumain na lang siya nang kumain.

"Mag-review ka!" Hinila nito nang bahagya ang buhok niya.

Tinabig niya ang kamay nito at itinuloy ang maganang pagkain.

"Ang takaw mo. Ang dami mo nang nakain. saan mo inilalagay ang lahat ng 'yon?"

Nginisihan niya ito at hinagod ang kanyang tiyan. Mayamaya ay para siyang busog na baka na biglang dumighay. Tumawa siya at tinutop ang kanyang bibig. "Excuse me."

Umiiling na tumawa rin ito habang nakamasid sa kanya.

Tumayo siya mula sa prenteng pagkakaupo niya sa sahig para uminom ng tubig sa kusina. Pagbalik niya ay itinuloy na niya ang pag-aaral. Nanahimik na silang pareho.

Pagkalipas ng ilang minuto ay hikab na siya nang hikab. "Kasalanan mo 'to, eh. Kung hindi ka nagdala ng food, hindi ako kakain, hindi ako mabubusog, at hindi rin ako aantukin."

"Sinisi mo pa 'ko. Ang sabihin mo, binibigyan mo lang ng justification ang katamaran mo."

Umingos siya at hindi na niya ito pinansin. Isinubsob niya ang kanyang mukha sa libro na nakapatong sa ibabaw ng coffee table. Hindi rin ito umimik.

Hindi niya alam kung gaano katagal siyang nakaidlip. Namalayan na lang niya na pangko siya ni Theo at akmang ilalapag siya nito sa kama niya. Magkalapit na magkalapit ang mga mukha nila. Disoriented na napakurap-kurap siya rito.

"Theo?"

"Hindi ako bangungot. Huwag mo 'kong titigan nang ganyan," sabi nito.

Napangiti siya. Pinisil niya nang mariin ang pisngi nito. Sa halip na ituloy nito ang paglalapag sa kanya, nanatili siyang pangko nito habang magkahinang ang kanilang mga mata.

"Isay..." tila nahihirapang sambit nito.

Hindi niya magawang bawiin ang mga mata niya rito. Saka niya napagtanto na mabilis ang pintig ng puso niya.

"God, you're going to hate me tomorrow," anas nito.

Namalayan na lang niya na magkalapat na ang mga labi nila. Saglit na nagulat siya, kapagkuwan ay pumikit siya at nagpaubaya sa halik nito. Ilang sandali pa ay tinutugon na niya ang mga halik nito...

ffffM3

Knight's Sweet Vow COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon