Chapter 6

22.6K 448 15
                                    


NAMILOG ang mga mata ni Miliza nang ilapag ni Santi sa harap niya ang bouquet ng fresh flowers. Napatitig siya nang ilang segundo sa mga bulaklak. Nawala sa isip niya ang tatlong equations na mine-memorize niya.

"Ano 'yan?" nagtatakang tanong niya rito.

Nagkamot ito sa ulo bago tumabi sa kinauupuan niya.

Umisod siya palayo rito. "Huwag kang masyadong dumidikit sa 'kin, Santi," reklamo niya. "Tinutukso na nga tayong dalawa, 'tapos ganyan ka pa."

Ipinagkalat kasi ni Swelley sa mga kaklase nila na nag-date sila ni Santi at ipinakita pa nito ang mga picture nila bilang ebidensiya. Salamat na lang at naisipan ni Santi na magbagong-anyo, kung hindi ay siguradong siya na ang hottest chick sa campus—hindi dahil sa kung ano pa man kundi dahil nakipag-date siya sa nerd na kaklase nila. Ngalingaling hilahin niya ang buhok ni Swelley tuwing ngumingiti ito na tila isang demonyita habang nakataas ang isang kilay nito sa kanya.

Ngumiti si Santi. "'Sabi mo, guwapo na ako, 'di ba?" Marahil ay iyon ang masamang epekto ng pagbabagong-anyo nito. Nagkaroon ito ng confidence sa sarili at alam na nito kung paano gamitin ang charm nito. "Ano'ng masama kung tototohanin natin ang love team na—"

"Tigilan mo ako. Sasamain ka sa 'kin," banta niya.

Tumawa ito. "Ang init agad ng ulo mo. Hindi naman para sa 'yo ang bulaklak na 'yan, Zhang. Humingi ka ng pabor last Saturday kaya ako naman ang hihingi ng pabor sa 'yo ngayon."

Kumunot ang noo niya. Ilang segundo muna ang lumipas bago na-absorb ng isip niya ang ibig sabihin nito. "Gagawin mo ba 'kong tulay?"

Ngumisi ito. "Oo sana. Baka kasi hindi pa siya handa, eh. Huwag mo munang sabihin kung kanino galing ang mga bulaklak. Ang gusto ko lang ay malaman niya na nasa paligid lang niya ako. Palagi ko siyang bibigyan ng bulaklak hanggang sa maging handa na siya."

Napatitig siya rito. Isang tao lang ang alam niya na maraming admirers ngunit hindi nito pinapansin ang mga iyon dahil hindi pa raw ito handang magmahal—si Trini iyon. Nagmula ito sa mahirap na pamilya. Para masuklian ang sakripisyo ng mga magulang nito sa pagtataguyod ng pag-aaral nito ay sinabi nito na mag-aaral daw itong mabuti hanggang sa mahasa ang talino at kakayahan nito. Ang isa pang dahilan nito ay para maging deserving daw ito sa makikilala nitong Mr. Right pagdating ng tamang panahon. "Miss Perfectionist" ang bansag nila ni Pam kay Trini dahil nangangarap itong magmahal ng isang perfect man. Napapailing na lang sila ni Pam tuwing naglilitanya ito ng mga katangian ng lalaking pakakasalan daw nito sa hinaharap.

"Huwag mong sabihing si Trini ang..." Hindi na niya itinuloy ang sasabihin niya dahil biglang kumislap ang mga nito at saka nag-blush. "Si Trini nga!"

"Sshh," saway nito. "Matagal ko na siyang crush, Zhang. Wala lang akong lakas ng loob na lumapit sa kanya dahil sa... Alam mo naman na pinagtatawanan ako ng lahat dati, 'di ba? Akala ko nga, habang-buhay na 'kong hopeless nerd pero hindi pala. Hindi mo alam pero nang yayain mo 'ko ng date kahit gano'n ang hitsura ko, naisip ko na may pag-asa pa pala ako. Thanks to you."

Ngumiti siya nang maluwang. "May utang-na-loob ka sa 'kin!" pagbibiro niya, pagkatapos ay sumeryoso siya. "Masaya ako para sa 'yo, Santi."

"Kayong tatlo lang nina Pam at Trini ang tumatawag sa 'kin ng 'Santi.' Hindi ako sanay."

"Masanay ka na. Mas bagay 'yon sa 'yo."

Ngumiti ito at pinisil ang pisngi niya. "Kaya mahal kita, eh. Huwag kang mag-alala, hindi ko ipagkakalat ang lihim mo."

Nabura ang ngiti niya. "Anong lihim?"

"Na crush mo si Theo."

Humalakhak siya. "Hoy! Saan mo napulot 'yon, ha? Best friend ko si Theodore. Kung ano-ano'ng iniisip mo!"

"Best friend? Kaya pala malinaw mong natatandaan ang unang pagtatagpo n'yo eight years ago. Ano na nga 'yong sinabi mo sa confession mo? Ah! 'I didn't know why I miss him when he's not around. Ang mga ngiti niya, ang boses niya, at ang mga kalokohan niya—lahat ng 'yon ay nami-miss ko. Posible bang ma-in love ang isang tulad ko—"

Kinutusan niya ito. Ang mga sinabi nito ang eksaktong isinulat niya sa notebook niya noong minsang vacant period nila at wala siyang magawa. Saan nito nalaman ang tungkol doon? Sa pagkakatanda niya, pagkatapos niyang isulat iyon ay pinilas niya ang pahina na iyon at—

Hinila niya ang kuwelyo ng uniporme nito. "Paano mo nalaman 'yon?"

Ngumisi ito. "Sinabi sa 'kin ng trash can. Ngayong alam ko na ang sekreto mo, kapag hindi mo 'ko tinulungan kay Trini ay ibubuking kita sa best friend mo. So, ano? Magtutulungan ba tayo o—"

"Tutulungan kita. Ibigay mo sa 'kin ang draft ng sinulat ko."

"Kapag ginawa ko 'yon, wala na akong magagamit para i-blackmail ka." Nakangising inilapit nito ang mukha nito sa mukha niya. "Paano, ikaw na ang bahala sa flowers ko, ha?" Inilapit pa nito ang mga labi nito sa pisngi niya pero hindi naman nito iyon idinampi sa pisngi niya. Malakas lang itong nag-"tsup" sa kanya, pagkatapos ay tumatawang iniwan na siya nito roon.

Kung wala lang itong pinanghahawakan laban sa kanya, binugbog na niya ito. Sinisi na lang niya ang kanyang sarili dahil sa katangahan niya. Bakit hindi niya naisip na punitin ang isinulat niyang iyon bago niya itinapon? Iyon tuloy ang napala niya. Mautak talaga si Santi. Nawala ang sobrang kapal na salamin nito pero hindi ang talas ng utak nito. Parang mas gusto niyang hindi na lang ito nagbagong-anyo.

"Kanino galing 'yan?"

Napaigtad siya nang magsalita si Theo mula sa kanyang likuran.

Nang lingunin niya ito ay magkasalubong ang mga kilay nito. Mukhang hindi maganda ang mood nito. "Para kang baliw na ngumingiti nang mag-isa riyan. Sinong corny at malas na nilalang ang nagbigay ng pangit na roses na 'yan?" Base sa anyo nito ay parang gusto nitong ihambalos sa kung saan ang mga rosas.

Bigla niyang dinampot ang mga iyon para maprotektahan sa pagta-tantrums nito. Hindi lang siya malalagot kay Santi kapag hindi nakarating kay Trini ang mga rosas kundi malalaman pa ni Theo ang lihim niya. Kapag nagkataon ay tiyak na pagtatawanan siya nito.

"Ano ba'ng pakialam mo? Eh, sa ibinigay sa akin 'to, ano'ng problema mo?" Iyon na lang ang sinabi niya dahil naiinis siya sa paraan ng pagtatanong nito na para bang wala siyang karapatang makatanggap ng mga bulaklak.

Nang aktong lalapit ito sa kanya ay mabilis na itinago niya sa kanyang likod ang mga bulaklak. "Huwag mo nga akong idinadamay sa bad mood mo, Theo!"

Tumayo siya. Mabilis na sinaid niya ang pineapple juice na iniinom niya at saka nagmamadaling dinampot ang mga libro niya sa ibabaw ng mesa, pagkatapos ay tumakbo na siya.

"Miliza!" malakas na tawag nito.

Napangiwi siya. Tinatawag lang siya nito sa buong pangalan niya kapag naiinis ito o mayroon itong hindi nagustuhan sa ginawa niya. Hindi niya ito nilingon. Saka na niya ito kakausapin kapag naibigay na niya ang mga bulaklak kay Trini. Ang kaligtasan ng mga bulaklak na iyon ay kaligtasan din ng lihim niya.

x47

Knight's Sweet Vow COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon