Chapter 19

21.2K 359 5
                                    


NAGING mabilis ang paglipas ng mga araw para kay Theo mula nang bumalik sa buhay niya si Isay. Kung dati ay nababagot siya sa bawat araw na lumilipas at pumapasok lang siya sa eskuwelahan dahil kailangan niyang tapusin ang pag-aaral niya, ngayon ay masaya na niyang sinasalubong ang bawat umaga. Excited din siyang pumasok at masigla niyang ginagawa ang bawat activity niya. He was back to his old self—the cheerful and inspired Theo.

Noon ay laging itinatanong ng daddy niya kung nasaan na raw ang dating siya. Parang ibang tao na raw ang kasama ng mga ito. Napagtanto niya na tama ang mga ito. Napakalaki ng ipinagbago niya mula nang umalis si Isay. Ngayon ay nagbalik na ang Theo na gustong makita ng mga ito dahil nagbalik na sa buhay niya ang babaeng dahilan kung bakit siya ngumingiti at tumatawa noon.

Si Isay ang dahilan kung bakit gusto niyang maging pinakamagaling, pinakamatalino, at pinakamabait dahil unknowingly, gusto pala niya na nakahihigit sa mga lalaking nasa paligid nito para siya ang makita nitong karapat-dapat na lalaki na maaaring magustuhan nito. Na-realize niya iyon noong gabi na nanood sila ng pelikula sa apartment nito. Tinulugan siya nito at habang natutulog ito, hindi na ang pelikula ang pinanood niya kundi ang payapang mukha nito. Pinilit lang niya ang kanyang sarili na umuwi sa bahay nila nang gabing iyon.

Araw-araw ay sinusundo niya ito sa apartment nito at sabay silang pumapasok sa eskuwelahan. Maaga siya para sa klase niya dahil alas-singko pa ng hapon ang pasok niya pero walang kaso iyon sa kanya basta makasama lang niya ito. Hinihintay naman nito na matapos ang klase niya para sabay rin silang uuwi. Nagdi-dinner muna sila bago niya ito inihahatid pauwi sa apartment nito.

Hindi na lang niya pinapansin ang panunudyo ng mga kaibigan niya. May nag-iba na raw sa kanya mula nang magkita sila ng "long-lost best friend" niya.

Tama ang mga ito dahil tulad noon, si Isay na naman ang naging sentro ng atensiyon niya kaya hindi na niya napapansin ang pagbabago ng mga tao sa paligid niya. Hindi niya napansin na may mga pinoproblema na pala ang mga kaibigan niya.

Si Anthony ang unang nangumpisal ng problema nito. Mahal pala nito ang kaibigan nito na si MJ pero kailangan nitong umalis at iwan ang babae. Dama niya ang paghihirap ng kalooban nito habang nagkukuwento ito. Higit kanino man, siya ang mas nakakaintindi rito dahil halos pareho ang sitwasyon nila.

"Ano'ng plano mo?" usisa niya pagkatapos ng pagkukuwento nito. Hindi pala alam ni MJ ang tungkol sa pag-alis nito.

Huminga ito nang malalim. "Sulitin ang bawat natitirang oras ko sa Pilipinas, bro." Inilahad nito ang tungkol sa espesyal na date ng mga ito.

Nakita niya na parating na sa puwesto nila sa cafeteria sina Matt at Stormy. Bigla siyang may naisip gawin sa weekend.

"Mag-out of town tayong apat, bro. Isama mo si MJ," mungkahi niya.

"Saan tayo?"

"Tagaytay. Mag-overnight tayo sa rest house namin," sagot niya.

Natuwa siya nang kumislap ang mga mata ni Anthony. Tila nabawasan ang bigat sa anyo nito. Pumayag agad ito. Sumang-ayon din sina Matt at Stormy sa plano nila. Mabilis silang nakabuo ng activities na gagawin nila sa rest house nila para hindi mahalata ni MJ na naroon sila para bigyan ng pagkakataon si Anthony na makasama ito nang mas mahabang oras.

Nang magkita uli sila ni Isay ay ikinuwento niya rito ang plano nilang magkakaibigan sa weekend. Nang yayain niya ito ay pumayag agad ito.

Sumapit ang weekend at naroon na sila sa rest house nila. Ang problema, dahil nabanggit niya kay Isay ang tunay na dahilan ng lakad na iyon, wala na itong ginawa kundi obserbahan ang kilos nina Anthony at MJ. Kinikilig daw ito. Kung hindi niya ito ilalayo ay baka makahalata na si MJ. Sapilitan niya itong isinama sa pamamasyal nila nina Stormy at Matt, habang sina MJ at Anthony ay naiwan sa rest house.

Nang umalis si Anthony, bumalik uli sa trio ang barkada nila nina Story at Matt. Nalungkot sila pero kailangan nilang masanay na hindi na ito kasama. Kahit bago lang ito sa barkada nila ay na-miss nila ito nang husto.

Inakala niya na si Stormy ang mas naapektuhan dahil madalas ay tahimik ito ngunit hindi pala. Nang mga sumunod na araw ay ito naman ang naglahad sa kanila ni Matt ng isyu nito sa puso. May isang babae raw na espesyal dito pero komplikado ang sitwasyon. Hindi nito pinangalanan ang babae.

"If you really love her, go after her, bro," payo niya kay Stormy.

"Tama. Huwag mong hayaang makakawala," sang-ayon naman ni Matt.

Pagkalipas ng ilang linggo, hiniram nito sa kanya ang susi ng rest house nila. Hindi na siya nagtanong kung ano ang pinaplano nito. Alam niya na magkukusa itong mag-open up sa kanila. Hihintayin na lang niya na gawin nito iyon.

Knight's Sweet Vow COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon