NAISIP ni Miliza na siguro ay kakampi ni Theo ang negative forces ng universe dahil nang kausapin niya si Drio ay magiliw na tumanggi ito. May nakausap na raw ito na mag-i-interview rito. Humanap na lang daw siya ng iba. Disappointed na nagpasalamat na lang siya rito. Lukot na lukot ang mukha niya nang pumunta siya sa library.
Nagdesisyon siya na si Theo na lang ang i-interview-hin niya. Titiisin na lang niya ang mga pagyayabang nito. Subalit nang kausapin niya ito ay ayaw na rin nitong magpaunlak, sa halip ay itinaboy pa siya nito. Ang haba ng isinumbat nito sa kanya. Doon na lang daw siya sa first choice niya. Dahil mag-best friend daw sila, hindi raw ito magse-settle na maging second best niya .
Napilitan tuloy siyang magsumamo rito. Nang maiiyak na siya sa pagmamakaawa ay saka ito ngumisi. Pumapayag na raw ito. Pinigilan niya ang sarili na sakalin ito hanggang sa lumuwa ang dila nito.
Pumunta siya sa bahay nito at pinaderetso siya sa silid nito. Ngunit mag-a-alas-otso na ng gabi ay hindi pa rin niya ito nai-interview dahil kung ano-ano ang ginagawa nito na alam niyang sinasadya nito para pahirapan siya.
"Theo naman, eh!" hindi na nakatiis na reklamo niya nang sige pa rin ito sa pagte-text. "Ipa-pass ko na 'to bukas."
Bumaling ito sa kanya at ilang segundo na tinitigan siya nito bago ito tumalon sa kama at humiga. Tutulugan siya nito!
"Theo!" Mangiyak-ngiyak na lumapit siya rito at hinila ang braso nito. "Sagutin mo na ang mga tanong ko. sige na naman, o..."
Nang hindi ito tuminag ay napipikong hinampas niya nang malakas ang balikat nito, saka nagmartsa palabas ng silid nito. Makakaganti rin siya. Darating din ang araw na hihingi ito ng tulong sa kanya. Kapag nangyari iyon, hinding-hindi niya ito tutulungan.
Ngunit bago pa man niya mabuksan ang pinto ay napigilan na nito ang braso niya. Masama ang tingin na bumaling siya rito. Ngiting-ngiti naman ito na tila tuwang-tuwa sa pagpapahirap sa kanya. Sa mga ganoong pagkakataon ay napapaisip tuloy siya. Kaibigan ba talaga ang tingin nito sa kanya?
Iniabot nito sa kanya ang isang nakatiklop na bond paper. Nakasimangot na hinablot niya iyon dito, pagkatapos ay binasa niya ang mga nakasulat doon. Mayamaya lang ay napangiti na siya dahil nakasulat na roon ang lahat ng mga kailangan niya para sa essay niya.
Pinisil nito ang pisngi niya bago ito nagtungo sa desk nito at binuksan ang computer. "Dito mo na gawin ang essay mo. Magche-check lang ako ng e-mails ko, pagkatapos ay ihahatid na kita."
Nakangiting tumango siya.
BINABASA MO ANG
Knight's Sweet Vow COMPLETED (Published by PHR)
RomanceKnight's Sweet Vow By Victoria Amor "Nawalan ng kakayahang magmahal ang puso ko mula nang mawala ka." Si Theo Knight ang kahulugan ng "ultimate crush" para kay Miliza, kaya lang ay best friend niya ito. Six years old pa lang siya ay kilala na siya...