"Puwede ba? Lumayo-layo ka sa akin, naalibadbaran ako!" Nanggagalaiti na ako sa galit. Kanina pa kasi ako sinusundan ng kaklase kong si Walter.
As usual, for the umpteent times, lumipat na naman kami ng bahay. Every year na lang siguro, lumilipat kami. Hindi dahil complicated ang trabaho ng magulang ko. Kung hindi dahil sa panay ang utang ng mga ito, at pag hindi nakabayad, 'yun fly away na naman ang peg namin. Kung saan-saan na kami napadpad, makatakas lang sa pinagkakautangan. Sinabihan ko na nga sila, pero ayaw nilang makinig. Kesyo para rin daw 'yun sa future ko.
Ano? May future ba if the karma strikes dahil sa mga pinaggagawa nila?
Buti na lang mag-isa lang akong anak. Kumbaga, hindi mahirap bitbitin. At dahil nga palipat-lipat kami, wala rin kaming gaanong gamit na mabibitbit.
Anyway, dahil nga lahat na ata ng sulok ng Maynila e, napagtaguan na namin, ayun naisipan ng mahal kong ama na sa probinsya na lang kami maglagi. Akalain mo 'yun, may probinsya pala si ama.
Apat na buwan na simula nang lumipat kami. As usual, dito ko na rin pinagpatuloy ang pag-aaral ko, grade 10. Nakakainis, 'di ba? Wala akong matatawag na alma mater dahil nga iba-iba ang mga eskuwelahang pinasukan ko.
Bagong bahay, bagong buhay. Na naman. Bagong school, bagong pakikisama at bagong mga kaibigan. At isa si Walter sa mga bagong kakilala na sana ay hindi ko na nakilala pa.
"Ang sungit mo naman. Sinasabayan ka lang baka kasi may mangloko sa 'yo riyan, lagot sa akin." Labas pa ang gilagid nito sa pagkakangiti.
Napangiwi ako at binilisan na lang ang paglalakad. Hindi naman sa mapanghusga akong tao, pero pinipili ko naman ang mga pinakikisamahan ko. Maarte na kung maarte, maganda, e.
Si Walter para sa akin ay pangit. Singkit nga ang mga mata, natatakpan naman nang malaking bilog na salamin sa mata. Sarat din ang ilong nito at nakalabas pa ang unahang bahagi ng mga ngipin. Kaya kapag ngumingiti o kahit nagsasalita ito, labas ang gilagid. Ang maipagmamalaki lang ata nito ay ang kaninisan ng kaniyang mukha. Maputi at halos walang bukas na pores kang makikita. Pero naman, ayoko pa rin sa kaniya. Halos lahat na ata ng ayaw ko sa itsura ng isang lalaki ay narito na. Tapos, may lakas pa ng loob itong manligaw sa akin?
The nerve!
Ako, si Ronielyn Amber Perez, pinakamagandang estudyante sa Mataas na Paaralan ng Pulang Lupa liligawan lang ng isang... ugh!
"'Di ba may project tayo sa Science? Kung gusto mo partner na..." Binilisan din ni Walter ang paglalakad. Para na tuloy kaming nagwa-walkathon nito.
Tumigil akong bigla at nilingon ko sa kanan si Walter. Nakangiti na naman ito. Maganda lang sa kaniya, palangiti kahit na naiinis ka na sa kaniya. 'Yun nga lang ang maaari mong maipuri sa kaniya.
"Kaya kong mag-isa. Ngayon, kapag sinundan mo pa ako, dudukutin ko 'yang mga ngipin mo at ipangkikiskis ko sa yelo!"
Nawala bigla ang ngiti sa labi ni Walter. Nabigla naman ako sa sinabi ko pero wala akong balak na bawiin iyon. Dapat lang iyon sa makulit na tulad niya.
Isang irap pa at iniwan ko na lang basta si Walter.
"Ronielyn, wait!"
"Sinabi ng..." nawala ang yamot sa mukha ko at napalitan ng ngiti. Si Kit ang nalingunan ko at hindi si Walter.
Nang pasimpleng tiningnan ko si Walter sa likod ni Kit, yuko ang ulong naglalakad na itong palayo. Kahit paano, naapektuhan ako sa pagsasalita sa kaniya ng hindi maganda. Wala namang ginagawang masama ito sa akin.
Siya kasi ang kulit.
"Hey, you're saying?" Nagbalik ang ngiti ko nang magsalita si Kit. Ang guwapong si Kit.