HPNLS 7

124 22 14
                                    

"Ganito ba?" Tanong ni Ronielyn habang nakatalikod sa akin. Hawak ng kaliwa kong kamay ang kaliwa niyang kamay habang nasa beywang niya ang mga ito at ang kanan ko namang kamay ay nasa kanan niyang kamay. Medyo nakaangat iyon at magkasalikop. Nakapaling ang mukha niya paharap sa akin at nagtititigan kami. Ito ang pagtatapos ng aming sayaw.

Halos ang lapit na namin sa isa't isa. Hindi na naman ako makahinga. Nararamdaman ko kasi ang hininga niyang pumapaypay sa mukha ko. Madali naman pala siyang turuan. At hindi totoong hindi siya marunong sumayaw. Marunong naman siya hindi nga lang magaling.

"Oo. At dapat may eye contact tayo sa isa't isa."

"Ah, sige. Ganito ba?" Akala ko tatanggi siya sa suhestiyon ko.

Kaya ngayon, habang pinapraktis namin ang mga tinuro ko kanina, magkalapit ang aming mga katawan at hindi mapuknat ang titigan namin sa isa't isa.

"Magmeryenda muna kayo, Ronielyn." Inilapag ng nanay niya ang plato ng pansit at ensaymada. Pagkatapos, pumasok sa loob at inilabas naman ang softdrink, plato at baso sa tray.

Tsaka lang kami nagkalas ni Ronielyn. Sakto namang tapos na rin ang tugtog.

"Salamat 'nay."

"Salamat po Aling Rose." Halos sabay pa naming sabi.

"Tama ba 'yung binigay mong number kagabi?" Tanong niya habang inaabutan ako ng isang platong pansit na may ensaymada sa gilid.

Napatingin muna ako sa kaniya, bago ko iniabot ang plato.

"Oo naman." Nagsimula na akong sumubo ng tinapay.

"E, bakit 'di ka nag-reply?" Muntik ko nang maibuga ang pansit.

Kung alam lang niya.

"A, e, ano naman ang ire-reply ko?" Nakaupo kami sa salas na may lamesa sa gitna. Uminom ako ng softdrink dahil parang nahihirinan ako.

Nagkibit-balikat si Ronielyn.

"Goodnight?" Sabay subo niya ng ensaymada.

"Bakit naghintay ka ng reply ko?" Seryosong tanong ko, but deep inside nakangiti ako.

"H-hindi, no. Akala ko lang kasi na wrong send ako. Ganoon lang 'yun." Sabay inom niya ng softdrink. Nahirinan din kaya siya?

Tuluyan na akong napangiti, pero napawi rin dahil may naalala ako kagabi.

"Kayo ba ni Kit?" Parang balewalang tanong ko. Ngumuya-nguya pa ako ng ensaymada habang naghihintay ng sagot. Pero parang hindi ko malunok dahil baka oo ang isagot niya.

"Hindi. Nag-selfie lang kami no'n. Maganda kasi ako roon kaya ginawa kong wallpaper. Aminin mo?" Nakangiting tugon niya. Tinudyo pa ako, pero hindi ako natuwa.

"Pero crush mo?" Still, hindi ko binabago ang expression ng mukha ko, para isipin niya na hindi ako apektado.

Wala lang sa akin. As in, wala!

Nagpatuloy kami sa pagkain ng hindi niya sinagot ang tanong ko. Parang walang narinig, a. Pero kung sa akala niya nakalimutan ko, inulit ko ang tanong nang tapos na kaming kumain.

"Kailangan ko bang sagutin 'yan? Akward naman." Tumayo si Ronielyn para ligpitin ang mga pinagkainan namin. Pero alam kong para iwasan lang ang tanong ko.

"No, 'wag mo ng sagutin. Obvious naman ang sagot. Uwi na ako, bukas na lang ulit." Nalulungkot ako. At ang masakit nito, wala naman akong karapatan para maramdaman ang selos sa buong pagkatao ko. Basta ang gusto ko, magkulong sa kuwarto. 'yung malayo muna sa kaniya. Tapos, magpatugtog nang malakas.

"Maaga pa naman. Isang round muna tayo." Napasunod siya sa akin nang lumapit na ako sa pinto.

Eksakto namang lumabas ang nanay niya. Nagpaalam na rin ako. Wala na ako sa mood para mag-praktis.

"Oy, Walter. Mam'ya ka na umuwi." Hinawakan niya pa ang braso ko. Napatingin ako sa kaniya.

"Bukas na pagod na ako. Sige, pakisabi nga pala sa nanay mo, masarap 'yung meryenda." At tuloy-tuloy na akong umalis pagkatapos niyang bitawan ang braso ko.

Dapat sanay na ako, pero bakit lagi na lang akong umaasa.

Umaasa sa wala.

***

Palakpakan ng mga kaklase namin ang nagpabitaw sa amin ni Walter sa isa't isa. Nag-bow rin kami tapos nakangiting umupo.

"Magaling! 'Yan ganiyan dapat kaganda ang gawin n'yo. Mataas ang grade n'yo. Okay, next!" todong-ngiting saad ni Sir.

Sumalang na ang susunod na magsasayaw. Nagtagpo ang mga mata namin ni Walter at nagkangitian. Kiniliti naman ako ni Antonite sa tagiliran.

"Oy, ha. Ano 'yang ngitian n'yo ni Walter? Hmm...kayo na ba?" nakangiting nilingon ko si Antonite. Magsasalita sana ako nang magsalita si Jackie.

"Ano ka ba, Antonite. Siyempre kailangan ni Ronielyn si Walter. Matalino si Walter at magaling sa lahat ng bagay, para hindi ka bumagsak sa mga subjects mo, maging mapamaraan ka." Humagikhik pa ito at pati sila Marianne at Suzette na nakarinig sa sinabi ni Jackie ay sumang-ayon.

"Hindi ganoon, ano ba kayo." Umiling-iling pa ako sa maling akala nila.

"E, ano? 'Wag mong sabihin na sa ganda mong 'yan sa isang gaya lang ni Walter ka mapupunta? Oh, no." Napangiwi ako sa kaartehan ni Sheena. Eh, hindi naman din siya kagandahan.

"Congrats ang galing n'yo. Sabi mo hindi ka marunong sumayaw." Nakangiting si Kit ang tumabi sa akin. Nakalahad pa ang kamay na talagang kino-congratulate ako. Natatawa namang tinanggap ko ito. Pangatlo na ang sumasayaw sa gitna. Nakapalibot ang mga upuan para magkaroon ng espasyo sa gitna na siyang pagsasayawan.

"Baka bukas pa kami ni Kyla. Sayang hindi tayo nagka-partner, no?" Ngumiti lang ako sa kaniya.

Natawa pa kaming pareho dahil hindi namin napansin na naka-shake hands pa rin pala kami. Kinalas na namin iyon nang mapatingin ako sa kanan. Nakasimangot na Walter ang nakita kong nakatingin sa amin. Ngingitian ko sana siya kaso lang bigla siyang tumingin sa mga nagpe-perform.

Anong problema no'n?

***

"February ba birthday mo?" Tumabi ako kay Walter habang may tine-text siya. Nang lumingon siya sa akin, mabilis niyang ibinulsa ang cellphone.

"Bakit?" Dinampot naman niya ang ballpen na nasa ibabaw ng notebook at marahang tinuktok-tuktok ito.

Bored.

"Kasi hindi kita ma-gets. Moody kang masyado. Minsan okay ka, pero madalas naman wala ka sa mood. Galit ka ba?" Tiningnan kong maigi ang mukha niya pero nakatingin lang siya sa blackboard.

"Masyado ka ng nagiging concern sa akin, a. Matakot ka baka iba na 'yan." Imbes na ngumiti, seryoso pa rin ang mukha niya nang sabihin iyon.

"Masama ba iyon? Gusto ko lang naman maging friends tayo," nakangiting sabi ko.

Hindi kita susukuan hanggang pumayag kang maging kaibigan ako. Doon man lang, mabawasan ang guilt na nararamdaman ko.

"Akala ko ba, ayaw mo sa mga pangit na katulad ko? Nagbago na ba kaagad ang taste mo?"

Sabay pa kaming napatingin kay Kit nang tapikin niya ako sa balikat at ngumiti sa akin bago umupo sa upuan niya.

"Diyan na 'yung prince charming mo, puntahan mo na." Binuklat nito ang notebook at nag-drowing na naman ng mukha.

Napabuntong-hininga na lang ako.

Nakakainis na, ha?

Hindi Pangarap na Love Story
jhavril
2018

Hindi Pangarap na Love StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon