HPNLS 8

95 19 14
                                    

Lumipas ang mga araw na naging okay na naman kami ni Walter. Sobrang naging okay nga. Nagsasabay na kaming kumain, kung hindi recess, lunch time. Nakasanayan ko na rin ang pabago-bago ng ugali niya, lalo na kapag nasa paligid ko si Kit.

Nagtutulungan rin sa mga assignments at projects. Ngayon ko napatunayan na sobrang talino niya. Hindi sa OA ako, ha? Pero siyempre napapansin ko 'yun. Parang advance siya sa mga tinuturo sa school. Parang wala ata siyang hindi alam. At ang dami niyang talent. Nakakainis kaya iyon sa tulad kong waley sa talent.

Masarap din siyang kausap at kalog. Mahilig mag-jokes kahit minsan hindi naman nakakatawa, pero ewan ko ba napapangiti pa rin niya ako. Kapag kasama mo siya, hindi ka mabo-bore.

Tambayan namin ang tabing-dagat. Isang oras kaming maglalagi roon. Siyempre, kapag wala kaming assignment o kaya'y walang masyadong gagawin sa school.

Pagkatapos, ihahatid niya ako sa bahay. Kilala na siya ng parents ko mabait naman daw kaya okay lang.

Akalain mo 'yun?

Tapos, lagi pa kaming magka-text. Kung ano-ano lang naman ang mga tine-text namin. Mga bagay na walang kuwenta sa iba pero nagpapangiti sa akin.

Basta masaya ako at alam kong ganoon din siya. Nagtataka na nga sina Antonite at ang iba pang barkada, pero same answer pa rin ang ibinibigay ko sa same question nila. Na kung kami na raw ba?

Hindi naman na in-open ni Walter ang panliligaw. Siguro, na awkward kasi magkaibigan na nga kami. Nakahiyaan na siguro. Pero hindi ko rin alam ang isasagot ko kung sakali. Ayoko naman na paasahin siya tapos, natutuwa lang pala ako pagkasama siya at ang totoo wala naman pala akong nararamdaman sa kaniya.

Alam mo 'yun?

Mabilis lumipas ang araw at dumating ang araw ng sportsfeast. Nagpa-meeting si Ryan dahil doon. Pagkatapos ng meeting, inayos ko pa ang minutes of meeting dahil bibigyan ko sila ng kopya bukas. Hindi ko namalayan, dalawa na lang pala kami ni Ryan na naiwan. Iniligpit ko na ang mga gamit ko at akmang aalis na dahil wala akong balak na magpaalam sa kaniya.

"Galing din nang ginawa mo, a. Kinaibigan mo si Walter. Ano 'yun? Pangtanggal ng guilty?" Kahit hindi ako nakatingin sa kaniya, alam kong nakangisi siya. Huminga ako nang malalim at hinarap siya. Nakangisi nga ang mayabang na si Ryan.

"Wala akong kasalanan kaya wala akong dapat ika-guilty. Diyan ka na." At mabilis na akong umalis.

Narinig ko pa ang pahabol na salita niya na talaga lang ha? Pero hindi ko na siya nilingon pa.

Totoo naman ang ipinapakita ko kay Walter. At hindi dahil sa nagu-guilty ako, dahil sa gusto ko. Siguro nung una oo, pero ngayong mas nakikilala ko na siya nang matagal, gusto ko na talaga siyang maging kaibigan at kasama.

***

Nagsimula na ang sportfeast. Board games ang napunta sa akin. Bukod doon, magbabantay din kami para walang mandaraya.

Nagpalista si Walter sa larong Chess at Scrabble. Wala kasing gustong sumali kaya siya na lang daw. Magaling siya ah, sobra. Nilampaso lang niya ang mga kalaro sa chess. Lalo na sa scrabble, ang iba ngang words doon hindi ko alam na may ganoong words pala. Nag-check pa kami sa dictionary for confirmation. Pareho tuloy nakuha niya ang first.

Tatlong araw ginanap ang sportfeast. Awarding pagsapit ng ikatlong araw. Tapos sa gabi Miss and Mister Sportsfeast. Siyempre kami ni Kit ang kandidato.

Bago ang awarding, tumugtog na naman ang "The Men-Archy" nila Walter. And this time, kasama nila si Mercedes. Nag-duet pa sila ni Walter. Kilala nang magaling kumanta si Mercedes. Kapag nga nabobore ang iba, pinapakanta nila ito.

"UP" ang kinanta nila, ni Olly Murs at Demi Lovato, at ang ganda ng kinalabasan. Plus, ang galing ng banda.

Sigawan ang mga manonood na akala mo may concert na nagaganap sa maliit na stage ng school. Lalo na kapag kumakanta si Walter. Naka-bonet si Walter at bagay naman sa kaniya sinabayan pa ng panalong porma.

Hindi ko alam kung bakit naiinis ako na para silang mag-syota kapag nagpe-perform. May hawak na gitara si Walter at pag-turn na ni Mercedes para kumanta, lalapit pa ito kay Walter at sa harap pa nito kakanta.

Ang taba-taba naman niya!

Pero hindi na napapansin ng crowd ang mga flaws ng mga ito kapag kumakanta na sila sa stage. May naririnig pa akong bagay daw sila. Nang matapos nga, may nagsisigawan pang more, pero hindi na nila pinagbigyan dahil gahol sa oras.

Inalalayan pa ni Walter si Mercedes na bumaba ng stage na todo naman kung makangiti.

Tse!

Sports wear, talent, evening gown at Q and A ang mga pinaglabanan namin. As expected, kami ni Kit ang tinanghal na Miss and Mister Sportsfeast.

Wala kaming maisip ni Kit na puwedeng ipanglaban na talent. Kaya nag-ballroom dancing na lang kami. Magaling din naman magsayaw si Kit, pero mas magaling si Walter. Sigawan ang mga tao, lalo na no'ng binuhat ako ni Kit.

At talagang panggulat namin ang kunwaring muntikan niya akong hahalikan. Kaya sigawan ang mga tao. Pero ang hindi ko alam, sinadya palang ituloy ni Kit ang paghalik. Pero buti na lang naramdaman kong itutuloy niya, kaya ibinaling ko ang mukha sa kanan. Saktong sa pisngi ko lumanding ang labi niya. Napasinghap ako at napabalik nang tingin sa kaniya. Nakangiti siya sa akin habang ang mga mata ko ay nagtatanong kung bakit niya ginawa 'yun. Lalong nagkaingayan ang mga tao.

Kakalas sana ako subalit agad niya akong niyakap. Nagpaubaya na lang ako at baka makadagdag sa points namin.

At hindi sinasadyang nagtama ang mga mata namin ni Walter na nasa gilid ng stage.

Hindi Pangarap na Love Story
jhavril
2018

Hindi Pangarap na Love StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon