Hindi ko alam na napapangiti na pala ako habang nakasandal sa kama. Kung hindi pa ako napatingin sa salamin na nakadikit sa dingding, hindi ko pa malalaman na para akong timang na ngumingiting mag-isa.
Kanina pa kasi replay ng replay sa isip ko ang mga nangyari kanina sa dagat, sa amin ni Ronielyn. Walang espesyal, pero para sa akin, kinikilig na ako sa mga nangyari.
Unang araw pa lang na makita ko siyang pumasok ng gate, nabatu-balani na ako sa kagandahan niya. Mahaba na medyo may kakulutan ang kaniyang buhok, matangkad na sakto lang para sa kaniyang pangangatawan at maputi. Tumibok nang mabilis ang puso ko at parang hindi ako makahinga. Sinundan ko pa siya nang tingin habang papasok sila ng nanay niya sa principal's office. Nababaduyan ako sa mga naniniwala sa love at first sight. Pero nang maranasan ko, masarap pala sa pakiramdam ang maging baduy.
Kasabay noon ay nagdasal akong sana Grade 10 din siyang tulad ko at Siyempre maging classmate kami. At siguro, sa sobrang bait ko, natupad ang hiling ko.
Hindi man kami nagkatabi, ang pakiramdam na nasa isang room lang kami at mga palihim na sulyap ko kay Ronielyn ang nagpapakumpleto sa buong araw ko.
Kaso lang, nang kausapin ko siya sa unang pagkakataong nagkaroon ako ng lakas ng loob, sinopla na kaagad niya ako. Sobrang napahiya ako, dude.
Grabe siya.
Katulad din pala siya ng mga nakilala ko na panlabas na anyo ang gusto sa isang tao. Hindi naman ako manhid para hindi mapansin na iba ang aura niya kapag si Kit ang nakikipag-usap sa kaniya.
Pero imbes na tumigil na, mas lalo pa akong nagpursige at tinangka ko ngang ligawan si Ronielyn. Pero iyon nga, ayaw sa akin.
At nangyari nga ang deal.
Pumayag ako kasi alam ko naman na malaki ang lamang ko kay Ryan. Kaya nagtataka ako kung bakit natalo niya ako.
Pero wala naman sa akin iyon. Totoo namang dahil sa hindi ko na puwedeng kausapin si Ronielyn dahil sa pagkatalo ko ang dahilan ng kalungkutan ko. Kalungkot-lungkot naman talaga iyon.
Kaya sobrang saya ko kanina nang lapitan niya ako at sabihin pang wala na raw sa kaniya 'yung deal.
Resulta?
Gusto kong magtatalon sa tuwa kanina kaso baka pinagtitripan niya lang ako kaya hindi ko na lang pinatulan. Umalis na lang ako kahit pa gusto ko pang tumagal sa tabi niya. Palihim na lang akong ngumiti kahit pa kahit gustong-gusto kong humalakhak sa tuwa.
Habang nakatingin lang kami sa papalubog na araw, iyong walang imikan at tanging tibok lang ng puso ang maririnig mo. Ang sarap talagang maging baduy, hay.
Natigil lang ang pagde-daydream ko ng may kumatok.
"Pasok, bukas 'yan."
Nakangiting si Tita Merla ang nagbukas.
"May bisita ka."
Napakunot-noo ako. Sino naman ang magiging bisita ko? Napasulyap pa ako sa orasan sa dingding: Alas otso y medya na ng gabi.
Bago ko pa man maitanong, sumagot na si Tita Merla.
"Si Ronielyn nasa baba," nakangiting saad ni Tita Merla, alam niya kasi ang tungkol kay Ronielyn.
Pagkarinig sa pangalan ni Ronielyn, dali-dali akong bumaba ng kama at kumuha ng T-shirt sa kabinet. Sanay kasi akong nakahubad kapag natutulog. Bago ko pa buksan ang pinto, pinigilan ako ni Tita Merla.
"Walter, alam niya ba 'yang..." itinuro niya ang mukha ko.
Ha?
Napabalik ako at napatingin sa salamin. Oo, nga pala. Pagkatapos kong kunin ang salamin sa ibabaw ng study table, pinalabas ko na si Tita Merla para sabihin kay Ronielyn na saglit lang. Magbibihis pa kasi ako.