"Hay, narito ka lang pala. Akala ko nawala na kita." Itinali ko muna ang may kahabaan kong medyo kulot na buhok bago mabilis kong kinuha ang speech ko na nakaipit lang pala sa notebook. Magsisimula na kasi ang meeting-de-avance na gaganapin sa open grounds kung saan kami naglulupang-hinirang. Halos naroon na rin ang lahat para marinig ang kaniya-kaniyang panig bago ang botohan bukas. Buti na lang naalala kong hindi ko pala dala ang speech ko. Kinuha ko na rin ang aking baunan ng tubig. Uhawin kasi ako, lalo na ngayong sa sobrang kaba ko ay natutuyuan ako lagi ng laway. Halos kalahati na lang pala ang laman nito. May pagmamadali kong tinungo ang pinto.
"Ayokong matalo, kailangan ako ang manalo bilang Presidente ng eskuwelahang ito."
Natigil ang tangka kong paglabas ng classroom. Umatras ako nang kaunti at nagkubli sa gilid nang nakasaradong pinto pero sapat para marinig ang boses ni Ryan. Nakarinig ako nang yabag na papalapit. Halos hindi na ako humihinga sa kinatatayuan ko.
"Kailan ba tayo pumalpak, Ryan? Dating gawi, aba. Nahanda na namin ang mga fake na balota. 'Yun ang ilalagay natin sa bilangan at 'yung totoo ang itatapon. 'Di ba 'yun ang ginamit natin last year sa kuya mo? Kaya nanalo siya!" Siguro nag-apiran sila o nag-high-five kaya base sa narinig kong tunog ng mga palad.
"Sure ang panalo mo roon kasi puro pangalan mo ang nakalagay sa ginawa naming balota." Kilala ko na ang mga boses na kausap ni Ryan. Dalawa lang naman ang lagi nitong kasama, si Paul at Larry, pareho ring mga hambog.
Ano? Balak nilang mandaya. At kay Walter? Nakakatawa naman, probinsya na nga ang maliit na eskuwelahang ito, may nandaraya pa rin?
"Kung hindi lang malakas ang laban ng gagong si Walter, hindi ko naman ito gagawin."
Dahil sa katarantahan, naibagsak ko ang ballpen at lagayan ng tubig. Napatakip kasi ako sa sariling bibig. Lalo akong kinabahan dahil lumikha iyon tunog na may kalakasan. Napapikit din ako nang mariin dahil sa katangahan ko. Lalo pa akong nagsumiksik sa gilid ng pinto.
"May tao ba sa loob?" Narinig kong sabi ni Paul. Malalim kasi ang boses nito kaya makikilala mo kaagad ang boses niya.
"Hindi ko alam, ang alam ko nasa open grounds na ang mga estudyante at ang mga teachers."
Mabilis kong iniabot ang doorknob at mahinang in-lock ang pinto. Hindi na ako humihinga, lalo na nang gumalaw-galaw na ito.
"Bakit mga narito pa kayo? Ryan, kanina ka pa hinahanap doon," boses ni Sir Ducano, teacher sa MAPEH, ito lang kasi ang baklang teacher sa school.
Saka lang ako nakahinga ng maluwag nang marinig kong yayain ni Ryan ang dalawa. Ilang segundo pa muna ang pinaraan ko bago ko binuksan ang pinto. Sumilip muna ako sa labas at ng masigurong wala namang ibang tao, agad kong dinampot ang lagayan ng tubig at dali-dali lumabas. Hinihingal pa akong nakarating sa open grounds. Agad akong lumapit kay Kit.
"O, nakuha mo ba? Bakit parang ang tagal mo ata?" Mahinang bulong ni Kit.
Nasa ibaba pa sila ng stage. Mauunang magsalita ang grupo ni Walter. Maliit lang ang stage kaya hindi kami puwedeng magsabay-sabay lahat.
"O-oo." Sagot ko habang inililibot ang paningin sa stage. Tinawag na ng MC si Walter, kaya tumayo na ito para magsalita.
"Magandang umaga sa inyong lahat. Ako po si Walter Perrero, nangangakong tutuparin ang lahat ng mga ipinangako ko kapag ako ang nanalong Presidente ng Mataas na Paaralan ng Pulang Lupa..."
Tuwid kung tumayo at may dignidad ang bawat salitang lumalabas sa bibig ni Walter. Kung hindi mo siya kilala, hindi mo papansinin ang panlabas na itsura niya, mababato-balani ka sa paraan ng kaniyang pagsasalita. Mahusay magsalita at lahat ata ng sasabihin niya, mapapa-oo ka na lang. Parang hindi na pang-eskuwelahang presidente ang tinatakbo nito, pang-buong bansa na ata.
Masigabong palakpakan ang nagpagising sa akin mula sa pagkakatingin ko kay Walter. Hindi ko maigalaw ang mga kamay ko para palakpakan siya. Sakto namang napasulyap siya sa gawi ko. Matiim siyang tumitig sa akin bago bumalik sa kaniyang puwesto.
Naguguluhan pa rin ako kung sasabihin ko ba sa kaniya o kahit sa kaninong committee ang tungkol sa gagawing pandaraya ni Ryan
Naalala ko rin kasi ang deal namin ni Walter. Na kapag natalo siya, hindi na niya ako guguluhin, ever. At matutupad iyon kung pababayaan ko na lang na mandaya si Ryan. Dahil sa nakikita kong suporta ngayon kay Walter, tiyak ang panalo niya.
Gulung-gulo na ang utak ko kaya hindi ko napansin na tapos na pala silang lahat sa pagsasalita at kami na ang sasalang. Pero bago iyon, may magpe-perform muna.
"Halika na, kailangan daw nasa likod tayo ng stage para kapag umakyat, sunud-sunod na." Hinawakan pa ako ni Kit sa kamay at hinila. Hindi naman sinasadyang napatingin ako sa stage, nakatingin sa amin si Walter, nakakunot ang noo habang may hawak ng... gitara? Napakunot-noo rin ako.
Pagkarating sa likuran, nagkakaniya-kaniyang praktis ang mga kapartido ko para sa mga sasabihin. Ako naman hindi ko magawang buklatin man lang ang papel ng speech ko. Naguguluhan pa rin ako kung ano ang gagawin dahil sa nalaman kong mandaraya si Ryan.
Napalakad tuloy akong pabalik-balik sa harapan ni Kit.
"Okay ka lang? Kinakabahan ka siguro dahil sa sasabihin mo, no?" Hinawakan niya pa ako sa braso.
Sobrang guwapo ni Kit habang nakangiti sa akin, at ang bango bango pa niya, pero hindi ko ma-appreciate iyon ngayon. Napatingin ako sa kamay niyang nakahawak sa braso ko at sa mukha niya. Tama, sa kaniya ko na lang sasabihin, tutal mabait naman si Kit.
"A, Kit may sasabihin..." Nagulat kaming pareho nang biglang magsigawan ang mga estudyante sa labas, sabay nang pagsasalita ni.. si Walter ba iyon?
"Hello again guys. Meet "The Men-Archy", bandang nahila ko lang. Anyway, para sa inyong lahat ito. Enjoy guys!" At tunog ng gitara at drum ang sunod na narinig kasabay nang sigawan ng mga estudyante.
Napatakbo ako sa gilid ng stage kasunod ang iba pa, para makita kung talagang si Walter iyon.
At siya nga!
"Man on a Wire" ng The Script ang kinakanta niya. At grabe, nakaka-inlove pala ang boses niya.
May hawak siyang gitara, habang kumakanta. Shades na itim ang suot nito at hindi ang malaking reading glasses na ginagamit nito sa araw-araw. Mga kaklase rin pala namin ang tatlo pang kasama nito.
Who have thought I have here by myself.
Who have thought you have for my help
Now I know, now i know I'm just a man on a wire.Nakikisabay ang lahat sa kanta niya. Paborito ko ang kanta kaya masasabi kong ang husay pati pagkaka-gitara niya. Para silang mga professional band.
I feel like I'm walking on tight rope
My heart is in my throat
I'm counting on high hopes
To get me over you...
And I've got my eyes close
As long as the wind blows
I'm counting on high hopes to get me over you, you,
'Cause i'm man on a wire, man on a wire..."Ang ganda pala ng boses ni Walter, nakaka-inlove." Napatingin ako sa dalawang babaeng nasa unahan ko. Namumukhaan ko sila, pero hindi ko kilala sa pangalan. Grade 10 din sila pero ibang section.
Oo nga, ang ganda ng boses niya.
Hindi ko namalayan na napapangiti na ako at nakikisabay na rin sa kanta.
"Ikakapanalo ba niya 'yan? Tsk, grabe." At bumalik na sa likod ng stage si Ryan. Tinawag na rin nito ang ilan, kasama kami ni Kit. Gusto ko pa sanang tapusin ang kanta, kaso hinila na ako ni Kit.
Bahala na. Kailangan malaman ng lahat ang pandarayang magaganap.
Huling sulyap ko pa kay Walter at napagpasiyahan ko na ngang sabihin ang totoo.
Hindi Pangarap na Love Story
jhavril
2018