Simula nang malaman ni Walter na sa kabila ako pumanig, hindi na niya ako pinapansin. Buti nga iyon para natahimik na rin sa wakas ang buhay ko sa araw-araw ba naman na binubuwiset niya ako. At isa pa, naging busy naman talaga kami lalo na ang mga kandidato.
Kaniya-kaniyang paraan ang ginagawa namin para manalo. Dahil hindi naman ako kilala dahil transferee nga ako, gaya nila Kit at Walter, siyempre double-effort para makilala kami ng lahat. Mahirap pero masaya palang maging kandidato kahit pa sa loob lang ng eskuwelahan. Kahit 'yung hindi mo napapansin pag pumapasok ka, kailangan batiin mo para makilala ka nila.
Totoo ngang lumalabas ang kaplastikan pag-oras ng kampanya. Lagi kang nakangiti kahit pa naiinis ka na. Pakitang tao nga, 'di ba? At dahil muse ang tinatakbo ko, dapat lagi akong maganda sa paningin nila.
"Sa tingin ko mananalo ka, mas maganda ka naman 'di hamak doon sa kalaban mo, Ronielyn," saad ni Jackie, maganda naman ito kaso maliit lang, para siyang grade six sa height niya. Kaya ang heels nito, 3 inches para lang umabot sa taas nila pero kapos pa rin.
Kung dati, dalawa lang sila ni Antonite ang magkasama, ngayon, anim na. May mga supporters na nadagdag, mga kaklase lang din naman nila. Okay lang, nakakatulong naman sila sa pagkampanya ko bilang muse.
Naglalakad kami papunta sa classroom ng teacher namin sa Filipino. Kung sa dating inalisan kong school e, teacher ang pumupunta sa classroom para magturo, dito sa Pulang Lupa, estudyante ang pupunta sa room ng subject teacher. Pumila muna kami sa labas ng room dahil may nagkaklase pa. Hiwalay ang pila ng lalake sa babae, pero magkatapat pagdating sa pinto bago pumasok.
"Oo nga. 'Yang si Mia, maganda lang dahil maputi, pero kung umitim 'yan, pangit." Nakaismid na sabi ni Sheena. Nagtawanan naman kami nang mahina, with matching nakatakip pa ang mga kamay sa sari-sariling bibig. Dahil nagagalit si Miss Carmen kapag maingay kami sa labas.
"Wala ka naman mapapala sa pagiging Muse." Napalingon kaming lahat nang magsalita si Walter. Kahit 'yung nasa unahan, dahil nasa gitna kami at katapat ko si Walter, ay napalingon.
"Excuse me?" Naniningkit ang mga matang binalingan ko siya.
"Totoo naman, a. Anong gagawin ng Muse at Escort, rarampa habang nagmimiting. Ikauunlad ba ng eskuwelahan 'yun?" seryosong sabi nito. Prente pa siyang nakasandal sa pader habang nakahalukipkip at matiim na nakatingin sa akin.
"Aba't..." sasagot sana ako nang biglang pumalakpak si Ryan na tatlong estudyante ang pagitan kay Walter.
"Magaling ka Walter, grabe. Palakpakan. Pati pagiging muse at escort pinakikialamanan mo na. 'Yan ba ang taktika mo para manalo?" Nakangisi pa si Ryan habang masama ang tingin kay Walter. Ni hindi lumingon si Walter sa puwesto ni Ryan at nanatiling nakatingin lang sa akin.
Magsasalita pa sana ako nang maglabasan na ang mga estudyante. Inirapan ko na lang siya nang naunang pinapasok ang mga girls.
Ang yabang mo, makikita mo!
Inis na inis talaga ako. Parang sinabi niyang wala naman kaming kuwenta sa organization kung hindi ang magpaganda lang at pumorma.
Patutunayan ko sa kaniyang mali ang ipahiya ang isang tulad ko!
***
"Mag-usap nga tayo." Alam kong nabigla si Walter nang hilahin ko siya sa braso papuntang likuran ng classroom. May puno ng mangga roon na napapalibutan ng mga upuan. Masarap mag-aral doon dahil presko. Pero hindi ko ma-feel iyon ngayon, dahil galit na galit ako sa mga oras na ito.
Marahas kong binitawan ang braso niya pagdating namin doon.
"Bakit? Nanghihila ka pa." Inayos pa nito ang salamin sa mata. Siguro nahulog ng basta ko na lang siyang hinila.
"Tayo nga ay magtapatan. Nagagalit ka ba dahil hindi ko tinanggap ang Vice-President na inaalok mo at Muse sa kabila ang kinakampanya ko ngayon?" Para lang akong nakikipag-usap sa hangin dahil ilang segundo akong nag-antay ng sagot sa kaniya pero nanatili lang siyang nakatingin sa akin.
"Walter, ano ba?! Tititigan mo na lang ba ako. Sabihin mo nga, wala ba akong karapatang maging muse, ha?" Lumapit pa ako sa kaniya na halos isang dangkal na lang ang pagitan namin. Nakatingala ako sa kaniya dahil mataas siya sa height kong 5'4". Napansin kong nagtaas-baba ang adams apple niya. Mukhang naaapektuhan siya sa presensiya ko.
"M-maganda ka. Kaya lang wala ka naman mapapala sa pagiging muse lang mas okay kung nag-VP ka." Pasimple siyang lumayo sa akin at lumapit sa puno ng mangga.
Nainis akong lalo sa sagot niya.
"Wala kang pakialam kung saan man ako may mapapala. Ang dapat mong pakialamanan ay kung paano mo matatalo si Ryan." Taas ang kilay with matching halukipkip pa na sabi ko.
Napatingin siya sa akin mula sa pagkakatingin sa bintana ng classroom.
"Kaya ko siyang talunin sa malinis na paraan," nakatiim-bagang na saad niya.
Feeling ko tuloy, susuntukin niya ako anumang oras. Pero hindi ako natatakot. Lalo ko pa siyang gagalitin dahil sa pagpapahiya niya sa akin kanina.
"Talaga lang, ha? Anong laban mo sa maporma, mayaman at pamangkin ng principal, aber?" Imbes na magalit lalo, natawa pa si Walter sa mga sinabi ko.
"Sa tingin mo, dahil sa mga papuring binanggit mo sa kaniya mananalo na siya? Wala nga ako ng mga iyon, pero lamang ako rito." Itinuro pa nito ang sariling sintido.
"Ang yabang mo!" At mabilis na akong tumalikod para umalis, wala naman akong mapapala sa pakikipag-usap sa kaniya. Pero, naramdaman ko na lamang na hinawakan niya ako sa braso para pigilan.
Aminado naman akong matalino talaga si Walter. Wala pa kaming first grading period pero malalaman mo na siya ang first honor namin dahil sa performance niya. Nangunguna sa mga quiz at hindi pahuhuli pagdating sa recitation. Nangunguna rin naman si Ryan, kung pababaan ng score ang laban. Puro yabang lang kasi ang alam kaya hangin ang laman ng utak.
Magtataka ka nga kay Walter. Hindi mo siya makikitang nagre-review pag may recitation o kaya ay quiz. Habang kami ay nangangarag sa pagre-review, siya nagdo-drawing sa pad paper. Nabiktima na rin nga ako ng drawing niya. Naiwan ko lang saglit ang pad paper ko sa upuan, pagbalik ko may drawing na. Mata, ilong at bibig lang naman. Hindi mo nga maidentify kung babae ba iyon o lalaki, basta 'yun lang ang naka-drawing. Baka hindi natapos kasi nakabalik din ako kaagad. Maganda naman kahit pa ballpen lang ang gamit niya. Basta, iyon lang ang gawain niya. Pero 'wag ka, pagdating ng resulta, siya ang highest score. At kahit sa recitation, siya pa rin ang nangunguna.
Nabigla ako kaya natabig ko ang kamay niya sa braso ko.
"Bakit?"
"Kapag ba nanalo ako, iibahin mo na ang pakikitungo sa akin?" mahinang sabi niya pero sapat para marinig ko.
Natameme ako dahil sa paraan nang pagsasalita niya. Nangungusap at nagmamakaawa?
Lumunok muna ako nang ilang ulit. "Sige. Susubukan kong maging mabait sa 'yo at titiisin ko ang presensiya mo. Pero kapag natalo ka, hindi mo na ako kakausapin, puwera na lang kung kailangan, ever hanggang matapos ang school year," saad ko sa kaniya. Nakangisi ako, dahil alam kong mangyayari na rin sa wakas ang gusto ko.
Napabuntong-hininga siya.
"Ganoon mo ba ako hindi kagusto? Bakit? Dahil ba sa itsura ko? Ang OA naman no'n." Mababanaag mong nalungkot siya sa mga sinabi ko.
"Basta." Tumalikod na ako at iniwan siyang laglag ang balikat. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit naiinis ako sa kaniya. Siguro nga dahil pangit siya. At ayaw kong kinakausap ang isang katulad niya.
Pangit na, mahirap pa.
Kumpansiya naman akong matatalo siya ni Ryan. Kaya ngayon pa lang, natutuwa na akong hindi na ako guguluhin ng isang Walter Perrero.
Hindi Pangarap na Love Story
jhavril
2018