Nasaan ako?
Sakit ng ulo ang una kong naramdam nang idilat ko ang aking mga mata. Puting dingding ang bumungad sa akin at preskong hangin na humahawi sa puting kurtina na nakasabit sa bintana.
"Mabuti naman at gising ka na," Wika ng isang babae na hindi ko kilala.
"Nasaan ako?"
"Nandirito ka sa mansyon ng amo ko. Natagpuan ka naming walang malay sa isang malapit na lawa."
Nawalan ako ng malay? Kailan? May nangyari ba sa akin? Bakit wala akong maalala? At tsaka sino ba itong babaeng 'to?
"Kung wala ka nang katanungan, tatawagin ko na muna ang aking amo upang maipagbigay-alam kong may malay ka na. Maaari mo nang kainin ang inihanda kong pagkain habang naghihintay ka."
May iniabot siyang isang trey sa akin na may isang baso ng gatas, tinapay at itlog. Sinimulan ko itong kainin nang iniwan niya ako. Ilang sandali pa ay may nakita nanaman akong isang babae na di pamilyar sa akin. May bitbit itong dilaw na laruang oso na may kalumaan na at may tastas sa kanang kamay. Ito na siguro ang among binabanggit ng babae kanina.
"Kumusta na ang iyong pakiramdam? Mayroon bang masakit sa'yo?" Tanong nito sa akin.
"Medyo kumikirot ang aking ulo."
Nakita ko ang pagbabago ng ekspresyon niya. Bigla siyang kinabahan sa kinatatayuan niya.
"Naku, kailangan ko bang bumili ng gamot para sa-"
"Hindi na, hindi na. Ayos na din naman ang kalagayan ko. Maraming salamat sa tulong na ibinigay mo."
Mukhang siyang nabunutan ng tinik sa sinabi ko. Agad napalitan ng ngiti ang kaninang takot at pangangamba sa mukha niya.
"Walang anuman," Nakangiti niyang sagot.
"Maaari ko bang malaman kung nasaan ako? Nasaang parte na ba ako ng Edel?"
Nag iba muli ang ekspresyo ng kaniyang mukha. Napalitan ito ng pagtataka.
"Edel? Pasensya na ngunit hindi ko alam ang nabanggit mong lugar. Naririto ka ngayon sa Romina."
Romina? Saang lupalop ng mundo iyon? At papaano ako nakarating dito? Una, hindi ko alam ang nangyari sa'kin. Pangalawa, hindi ko alam kung nasaan ako ngayon.
Malaking problema ito.
"Kung wala kang matutuluyan, ayos lang naman sa akin kung dito ka muna manatili."
Seryoso ba siya? Ayos lang talaga sa kaniya? Pero tama kasi siya. Wala nga akong matutuluyan pansamantala ngunit kailangan ko nang makauwi. Hinihintay ako nila ina.
"Sigurado ka ba diyan?"
"Oo naman," Sagot niya.
"Salamat sa'yo, binibini"
"Elora. Elora ang pangalan ko," Pakilala niya sa kanyang sarili.
Elora...Napakagandang pangalan.
Nakita kong inilahad niya ang kanyang kamay sa akin. Wala akong magawa kundi ang makipagkamay sa kaniya. Nang kinuha ko ang kamay niya, parang may naramdaman akong kakaiba. Hindi ko na lamang ito pinansin. Baka dala lang ito ng sakit ng ulo ko.
"Sebastian," Pakilala ko naman sa aking sarili. Naramdaman ko ang pagpisil niya sa kamay ko. Mayroon din akong naaninag na ngiti sa kaniyang labi.
"Ikinalulugod kitang makilala, Elora."
***
BINABASA MO ANG
Amarilyo
القصة القصيرةIsa, dalawa, tatlo. May mga bula akong nakikita. Apat, lima, anim. Nararamdaman ko ang pananakit ng ulo ko. Pito, walo, siyam. Nauubusan na ako ng hininga. Sampu. Wala na akong maramdaman.