Nasaan ako?
Nilingon ko ang kapaligiran ngunit hindi ako pamilyar sa kwartong kinalalagyan ko. Nang kinusot ko ang mata ko, may nakita akong isang dilaw na sinulid na nakatali sa aking hinliliit.
Ito nanaman? Kapareho ito ng nakita ko kahapon, pero sinulid naman ito ngayon.
Sinundan ko ng tingin ang haba ng sinulid. Nagliliwanag ito kaya madali ko itong nakita.
Nakakapagtaka.
Maalikabok, may mga sapot ng gagamba, at madilim ang paligid. Nakatakip ng puting tela ang mga gamit maliban sa isang malaking salamin na nasa harapan ko. Doon din nakakonekta ang sinulid na nasa aking hinliliit. Nang lapitan ko ito, nagulat na lamang ako nang unti-unti itong nabasag. Lahat ng bubog nito ay dumapo sa akin. Napayakap na lamang ako sa sarili ko at ininda ang sakit.
Pero wala akong naramdaman.
Agad akong napabangon sa aking kinahihigaan. Nandirito na ulit ako sa tinutuluyan kong kwarto sa mansyon ni Elora. Kung ganUn... Isang panaginip lang pala iyon. Dali-dali kong tinignan ang hinliliit ko. Buti naman at wala na doon ang sinulid na nakita ko.
Kahapon ko pa nakikita 'yung dilaw na tali na 'yun. Hindi kaya napuruhan na ang ulo ko at kung ano-anong mga bagay nalang ang nakikita at napapanaginipan ko?
Pero...Bakit pakiramdam ko, nangyari talaga siya sa totoong buhay at hindi lang sa panaginip? Masyado itong makatotohanan..
"Ayos ka lang ba?" Nagulat ako nang biglang may nagsalita. Hindi ko napansin na nasa loob ng kwarto ko si Lila.
Nataranta ako bigla at tinakpan ang sarili ko ng kumot. Hindi ako sanay matulog nang may suot na pang-itaas na damit.
"A-anong ginagawa mo?-"
"Naglilinis ako sa labas ng kwarto mo nang makarinig ako ng ingay sa loob. Akala ko kung ano na 'yung ginagawa mo. Kakaiba kasi 'yung ingay na lumalabas sa bibig mo." Nagsipag taasan lahat ng dugo ko sa pisngi ko. Anong sinasabi niya?! Bakit parang iba 'yung ipinaparating niya?
"H-hindi ako nag-iingay! May napanaginipan lang ako kaya ganun..." Nakita ko ang pagtaas ng kilay niya. Hindi ko gusto ang kalalabasan ng usapang ito.
"Si Binibining Elora ba 'yung napanaginipan mo?-" Agad kong hinila ang kamay niya at saka nilabas siya sa kwarto ko. Parang sasabog yung puso ko sa mga nangyari. Sobrang nahihiya ako kasi baka iba 'yung interpretasyon niya!
Pagkatapos kong mag-ayos, lumabas ako ng kwarto at hinanap si Elora. Magpapaalam ako sa kaniya na mag-isa akong maghahanap ng impormasyon tungkol sa Edel. Ilang araw ko na rin kasing inaabala si Elora. Mas mainam nang lumabas na muna ako mag-isa.
At tsaka, kailangan ko munang mapag-isa ngayon. Sa tuwing kasama ko si Elora, hindi ako makapag-isip nang maayos.
Naabutan ko siyang paakyat ng hagdanan. Bukod sa hawak niyang laruan na oso, may dala-dala itong isang garapon na punong-puno ng barya. Napansin ko naman si Lila sa gilid at nagwawalis. Tumaas bigla ang dugo ko sa pisngi. Naalala ko nanaman 'yung nangyari kanina!
"M-magandang umaga, Elora" Nahihiya kong bati ko sa kaniya.
"Magandang umaga rin, Sebastian" Bati niya pabalik na may kasamang ngiti.
Tahimik kaming pinagmamasdan ni Lila. Hindi ako komportable sa mga titig niya!
"May problema ba?" Nag-aalalang tanong ni Elora.
"W-wala! Wala naman!" Tinignan kong muli si Lila. Umiwas siya ng tingin at nagpatuloy sa pagwawalis. Sinundan din ng tiningin ni Elora si Lila habang palayo siya ng palayo.
"May gusto ka ba kay Lila?"
Nabigla ako sa tanong niya. Saan niya ito galing? Nang tignan ko ang mga mata niya, parang biglang nawala ang kinang ng mga ito. Parang bumigat tuloy ang pakiramdam ko.
"H-Hindi! Wala...May...May nangyari lang kanina...Inasar niya kasi ako kaya naman nahihiya ako sa kaniya. P-Pero bukod doon, wala nang nangyari!"
"Ganun pala..." Parang nabunutan ng tinik ang ekspresyon ni Elora. Natuwa naman ako na hindi na ganun ang reaksyon niya. Tumikhim muna ako bago ibahin ang usapan.
"Para saan ang mga barya? Para sa akin ba?" Biro ko sa kaniya. Tumawa naman siya nang mahina bilang tugon.
"Hindi ano, ikaw talaga. E, ikaw, saan ang iyong punta?"
"Katulad kahapon, magtatanong-tanong."
"Hala! Hindi ko alam na maaga kang aalis. Sandali lamang at ibabalik ko ito sa aking kwarto nang masamahan kita," Tatakbo na sana siya papunta sa kaniyang kwarto nang pinigilan ko siya.
"'Wag na. Mag-isa muna akong mag tatanong tanong. Ilang araw na rin kitang inaabala," Sabi ko habang kinakamot ang batok ko.
"Ganun ba..." Bigla siya nalungkot sa sinabi ko.
Hindi ko alam pero...Ang bilis basahin ng pagkatao ni Elora. Parang sanay na sanay na ako sa kaniya.
"May problema ba?" Tanong ko.
"Nag aalala lamang ako. Hindi ka pa kasi pamilyar sa lugar na ito. Ayaw ko lang mapahamak ka"
Naramdaman ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Hindi ko alam kung bakit, pero natuwa ako sa mga binitawan niyang salita. Hindi ko mapigilan ang ngiti ko. Nilapitan ko siya at saka ko hinaplos ko ang buhok niya. Laking tuwa ko nang kumalma siya.
"'Wag kang mag alala. Walang mangyayari sa aking masama"
Huminga muna siya bago nagsalita. Diretso niya akong tinitigan sa mata. Ngayon ko pa lamang napansin ang napakaganda niyang kulay tsokolate na mga mata. Parang kanina lang noong sobrang tamlay ng mga ito. Ayaw ko na ulit maging malungkot ang mga ito.
"Kung iyan ang nais mo, ayos lang sa akin. Basta 'wag ka lang mag papaligaw, ha? Alam mo naman pabalik dito, hindi ba?"
"Sus, syempre naman. Ako pa," Sagot ko habang inaayos ang buhok ko. Natawa naman siya sa ginawa ko.
Hindi ko maiwasang hindi mapangiti sa pagtawa niya. Sobrang nakakahawa talaga ng mga ngiti at tawa niya. Kakaiba rin ang nararamdaman ko, lalong lalo na sa may bandang tiyan ko. Hindi ko alam pero, sobrang gaan ng loob ko sa kaniya. Parang matagal na kaming magkakilala ni Elora.
Habang tumatawa siya ay may nakita akong dilaw na sinulid sa hinliliit ni Elora. Wala sa sarili kong kinuha ang kamay ni Elora at tinignan ito.
"S-Sebastian?" Natauhan ako nang tawagin ni Elora ang ngalan ko. Doon lang din pumasok sa isipan ko ang ginawa kong katangahan.
"P-pasensya na! Akala ko kasi may sinulid sa nakasabit sa kamay mo. Hindi ako nag iisip. Pasensya na talaga." Hingi ko nga tawad sa kaniya.
Umiwas ng tingin si Elora sa'kin at hinigpitan ang yakap niya sa kaniyang laruan na oso. Parang tinatago niya ang mukha niya sa akin.
"A-ayos lang."
Huminga ako nang malalim bago tumikhim.
"Kung ganun, aalis na muna ako." Paalam ko sa kaniya.
"M-mag iingat ka."
***
BINABASA MO ANG
Amarilyo
Short StoryIsa, dalawa, tatlo. May mga bula akong nakikita. Apat, lima, anim. Nararamdaman ko ang pananakit ng ulo ko. Pito, walo, siyam. Nauubusan na ako ng hininga. Sampu. Wala na akong maramdaman.