"Tanya? Anong gusto mong almusal?" Tanong ko sa kapatid kong nakahilata sa kama.
"Gusto ko po ng pritong palaka. Tsaka po ng gatas para po kay ina," Nakangiting sagot ng kapatid ko.
Lumuhod ako sa harapan niya at hinawakan ang kanyang noo.
"Masama pa rin ba ang pakiramdam mo?"
"Ayos naman po ako, kuya. Mas nag-aalala nga po ako kay ina..." Lumungkot ang mukha ni Tanya. Hinaplos at hinawi ko ang buhok niya na nakaharang sa kanyang pisngi.
"Naku, 'wag kang mag-isip ng ganyan. Baka mas lalong lumala ang kalagayan ni ina. Dapat lagi tayong positibo, ha?"
Nanumbalik ang ngiti ng kapatid ko. Ang sakit tignan dahil kahit sa pagngiti lang niya ay parang nanghihina na rin siya.
"Opo, kuya."
"O siya, sige na. Manghuhuli pa ako ng mga palaka. Ayokong paghintayin ang kapatid kong prinsesa." Tumawa siya ng mahina na may kasamang pag ubo. Agad kong inabot ang panyo para doon niya iluwa ang plema. Ngunit hindi lang plema ang iniluwa niya. May kasama rin itong dugo.
"Mag pahinga ka na muna, prinsesa ko. Babalik din ako agad." Paalam ko sa kapatid ko at hinalikan ang noo niya.
Agad akong nagtungo sa pinakamalapit na lawa sa amin. Doon madalas naninirahan ang mga palaka dito sa Edel.
Sobrang sakit pag nakikita mo ang mga mahal mo sa buhay na may nararamdamang sakit. Hindi ko mapigilang hindi mainis sa sarili ko. Bakit ba kasi ako nalang ang walang sakit sa amin. Kung ako ang nagkaroon ng sakit...Malamang ay maganda ang lagay ni ina at ni Tanya. Hindi sila nakakaramdam ng kahit anong sakit sa katawan.
Bakit ba kasi puro kababaihan lang ang tinatamaan ng sakit na iyon?!
Hanggang ngayon, wala pa ring nakakahanap ng lunas na makakapag pagaling sa mga naapektuhan. Nauubusan na rin kami ng pera kakabili ng iba't-ibang gamot at halaman dahil sa pagiging desperada namin...
Ayaw namin mamatayan ng mahal sa buhay.
Kinalma ko ang sarili ko. Walang mangyayari kung patuloy akong magrereklamo sa buhay.
Dali-dali akong nanghuli ng palaka. Nakahuli ako ng lima pero pakiramdam ko ay kulang pa ito para sa amin. Napagdesisyunan kong humuli pa ng isa. Hindi ako agad nakahanap ng isa pang palaka. Pasuko na ako nang may narinig akong kumokak sa likuran ko.
"Lagot ka sakin, palaka."
Wala na akong sinayang na oras at agad ko itong hinabol. Patalon talon sa mga bato ang palakang hinuhuli ko. Hinanda ko ang patalim na gagamitin kong panghuli dito. Dumaan ang palaka sa malumot na bato at lumipat sa kabila. Sinubukan kong hulihin ito at dumaan sa mga tinatalunang bato nito pero nabigo akong mahuli ito. Siguro dahil na rin sa pagmamadali at sa katangahan ko, dulas ako sa isa sa mga bato. Naramdaman ko ang malakas na pagtama ng aking ulo sa bato at ang pagkalaglag ko sa tubig.
Sinubukan kong umahon pero sobrang bigat ng katawan ko. Hindi ako nakagalaw. Sariling dugo ko na humahalo sa tubig ang huli kong naninag bago ako mawalan ng malay.
Mali.
Mawalan ng buhay.
***
BINABASA MO ANG
Amarilyo
Short StoryIsa, dalawa, tatlo. May mga bula akong nakikita. Apat, lima, anim. Nararamdaman ko ang pananakit ng ulo ko. Pito, walo, siyam. Nauubusan na ako ng hininga. Sampu. Wala na akong maramdaman.