Pagkadilat ko ng mata, nakita ko si Elora na tinatakpan ang labi niya. Umiiyak din siya na parang hindi makapaniwala na kaharap ko siya.
"I-Ikaw si Elora...? Elora na nakakausap ko sa salamin?"
Marahang tumango si Elora sa sinabi ko.
"A-Ako nga..."
Hindi ko napigilan ang mga luha ko. Bigla-bigla na lamang silang tumulo. Hindi na rin ako nag alinlangang yakapin siya nang mahigpit. Matagal ko na siyang hindi nakakausap...Mali...Matagal ko na rin itong hinihintay.
Totoo ito. Totoo siya...At sa wakas ay nakasama ko na rin siya.
"P-Papaano...Hindi ko alam ang sasabihin ko...Hindi ko maintindihan kung bakit kita nakalimutan," Wika ni Elora.
"Dahil iyon ang kinuhang bayad ng matandang salamangkerang tumulong sa inyo," Sagot ng matandang lalaki sa katanungan ni Elora.
"Ang pinaka mahalagang bagay na mayroon ako..." Naalala ko ang sinabi ng matanda.
"Ang alaala ninyo ni Elora"
"Pero bakit pati ako nawalan ako ng mga alaala ni Sebastian?"
"Dahil pareho kayo ni Sebastian na nakinabang sa tulong niya," Maikling sagot ng matandang lalaki.
Pareho kaming nanahimik ni Elora. Kung ganun...Kasalanan ko pala ang lahat kung bakit pareho kaming nakalimot ni Elora.
"Paano mo nalaman ang tungkol dito? Isa ka rin ba sa mag-aalok ng tulong samin?" Hindi ko mapigilang kabahan. Baka kasi may pakay ang matandang ito sa amin na hihingian niya kami ng kapalit. Hindi ko kayang makalimutan ulit si Elora sa pangalawang pagkakataon.
"Ako ang dating kabiyak ni Sylvia, ang matandang tumulong kay Sebastian. Isa siyang salamangkera na lumabag sa isa sa batas ng bawat nilalang at iyon ang mabuhay nang panandalian. Nag-aalok siya ng tulong sa iba't ibang mga tao upang makuha kapalit na ginagamit niya sa kaniya mga enkantasyon upang mabuhay nang mas matagal. Ang dahilan kung bakit nakakaalala kayong muli ay dahil sa isang bagay na kumukonekta sa inyong dalawa."
Wala sa sarili akong napatingin sa hinliliit ko. Ang sinulid na nakakonekta sa laruang oso na ginawa ko.
"P-pero papaanong—"
"Ako ang nagtali niyan. Iniisip ko na baka hindi na magsara ang salamin kung sakaling may bagay na nakakonekta sayo mula sa akin...Baka may posibilidad na nahawakan kitang muli..." Hindi ako matignan ni Elora sa pag amin niya. Marahan kong pinisil ang pisngi niya. Nagreklamo naman siya sa ginawa ko pero hindi ko mapigilan ang sarili ko sa pagngiti.
"Kakaiba ka talaga," Ginantihan ako ni Elora ng isang ngiti.
"Ngunit dahil din sa sinulid na iyan ay napunta ka rito, Sebastian."
"Akala ko po ba—"
"Patay ka na? Hindi. Sa ngayon ay nasa taning ang buhay mo. Kasalukuyang nasa ilalim ng lawa ang katawan mo pero dahil sa sinulid na iyan, naririto ka. Nasa sa iyo kung pipiliin mong mabuhay muli o manatili sa tabi ni Elora" Humawak si Elora sa laylayan ng damit ko. Panandalian akong napatingin sa kaniya at nakita ang nagsusumamo niyang mga mata.
BINABASA MO ANG
Amarilyo
Short StoryIsa, dalawa, tatlo. May mga bula akong nakikita. Apat, lima, anim. Nararamdaman ko ang pananakit ng ulo ko. Pito, walo, siyam. Nauubusan na ako ng hininga. Sampu. Wala na akong maramdaman.