CHAPTER ONE
NAKANGIWING pinagmasdan ni Sheng ang malakas na buhos ng ulan mula sa loob ng kakaparada lang niyang sasakyan. Ipinagpasalamat niyang kahit paano ay hindi iyon ganoon kalakas kaninang bumibiyahe pa siya. Kung hindi, malamang na nadisgrasya na siya. Pataas at pa-zigzag ang mga daan patungo sa Talampas, ang lugar kung saan naroon ang eksklusibong subdivision sa gilid ng Bundok Tagay-Tagay na kinaroroonan ng pakay niyang log cabin. Hindi pa naman siya ganoon kahusay magmaneho. Mabilis siyang mataranta, lalo na kapag may nakakasalubong siyang malalaking sasakyan. Mabuti na lang at sa buong tatlumpung minutong pagbagtas niya sa kalsada mula sa sentro ng bayan ng Tagay-Tagay ay bibihira siyang makasalubong ng ibang motorista.
Kung hindi nga lang siya binalaan ng kaibigan niyang si Alys na kapag weekdays ay kakaunti ang mga tao sa Talampas, malamang na isipin niyang nasa dulo na siya ng walang hanggan sa sobrang dalang ng mga tao at sasakyang nakikita niya.
Apparently, most of the people who own estates and rest houses in Talampas only came on weekends. Mistulang isang malaking mountain resort ng mayayamang nagmamay-ari ng mga lupain at bahay doon ang buong bahaging iyon ng Tagay-Tagay.
And the fact that her quirky friend owned a log cabin in Talampas only proved that although Alys acted like she had a loose screw sometimes, isa pa rin ito sa mga maituturing na royalty ng bayan na iyon. diumano pag-aari ng pamilya ng ina nito, ang mga Navarre, ang halos kalahati sa bayang iyon. At habang pinagmamasdan niya mula sa loob ng sasakyan niya ang malaking log cabin ng kaibigan—na kusang-loob nitong ipinapagamit sa kanya para sa susunod na dalawang buwan—masasabi niyang hindi nga birong halaga ang ginasta ni Alys para maipatayo iyon. Kulang na lang ay snow at mistula na siyang nakamasid sa isang picture perfect na postcard. Lalo pa at napapaligiran ng matataas na puno ang log cabin.
Niyuko ni Sheng ang nasa kandungan niyang alagang gray poodle na si T-Rex. Takot ito sa kulog kaya para mapakalma ang poodle ay kinalong niya ito at pinakinig ng mga kanta ni Toni Braxton sa car stereo niya.
"Nandito na tayo, T-Rex," aniya rito. Ibinigay ito sa kanya ng kanyang ama mahigit apat na taon na ang nakararaan. T-Rex was supposed to be a big, bad, and dangerous Doberman. Iyon kasi ang asong nais bilhin ng ama niya para may makasama raw siya sa bahay niya at higit sa lahat ay maging tagapagbantay niya.
Subalit nang makita niya ang poodle, love at first sight ang naganap sa pagitan nila. Animo nagmamakaawa sa kanya ang cute na aso na ito ang piliin niya. Kaya kesehodang nagmarakulyo ang kanyang ama sa pet shop, desidido siyang ang poodle ang iuwi.
Bilang isang dating pulis bago mapilay ang kaliwang paa nito dalawang taon na ang nakararaan, paranoid pagdating sa seguridad niya ang kanyang ama. Ayon nga sa ina nitong si Lola Filipa, mas nauna pa nga raw yata siyang turuan ng kanyang ama na sumuntok, sumipa, at mag-karate kaysa maglakad o magsalita.
Kung hindi lang niya iginiit sa ama ang kagustuhan niyang magsarili na at hiningi ang tulong ng stepmother niyang si Tita Aying para kumbinsihin itong payagan na siyang bumukod ng tirahan, malamang na hanggang ngayon ay nakapisan pa rin siya kung hindi man sa bagong tahanang binubuo nito at ni Tita Aying ay sa poder ng Lola Filipa niya.
Apat na taon na ang nakararaan nang magpasya siyang bumukod na ng tirahan mula sa bahay ng Lola Filipa niya kung saan sila nanahan ng kanyang ama mula pa noong apat na taong gulang siya. Lumipat siya pabalik sa bahay na binili ng kanyang ama para sa kanyang ina noong ikasal ang mga ito twenty-four years ago.
Dahil sa maagang pagkamatay ng kanyang ina, mahigit apat na taon lang nilang natirahan ang bahay na iyon bago nila iyon nilisan ng kanyang ama. Hindi nais ng kanyang ama na patuloy na manahan doon nang wala na ang kanyang ina. Hindi rin nito maatim na ibenta iyon. Kaya pinaupahan na lamang nito iyon.
BINABASA MO ANG
(COMPLETED) CLOAK AND DAGGER-NOTHING ELSE MATTERS
RomantikAkala ni Sheng ay natagpuan na niya ang isang perfect boyfriend kay North Navarre. He made her smile, laugh, fall in love every minute she was with him and believe in happy ever afters. Mula nang makilala niya ito, pakiwari niya ay mas naging...