CHAPTER 4

1.4K 34 3
                                        


IT WAS a beautiful morning. Ganado si Sheng na mag-jogging lalo pa at sa halip na usok ng polusyon ang malalanghap niya paglabas ng cabin ni Alys ay sariwa at malamig na hangin ang pihadong sasalubong sa kanya. Kahit si T-Rex ay halatang excited sa morning jogging nila. Panay ang tahol nito sa kanya at sa nakapinid na pinto sa harap nila habang itinatali niya ang sintas ng sneakers niya.

"Sandali lang, T-Rex. Masyado ka namang nagmamadali," natatawang sabi niya rito.

Nang matapos siyang magsintas ay ikinabit niya sa leeg ni T-Rex ang leash nito. Sa likot nito, kung hindi niya ito tatalian ay malamang na makaabot ito sa Jolo sa kakatakbo. Binuksan niya ang pinto at akmang hahakbang na palabas nang tumambad sa mga mata niya ang matipunong lalaking nag-i-stretching sa ibaba ng hagdan ng porch.

Bakit ba hindi patas ang mundo? Siya, oras ang binibilang para lang magmukhang presentable sa mundo. Ngunit ito, tila paghihilamos at pagsesepilyo lang ang kailangang gawin pagbangon para magmukhang ganoon kaperpekto. Hindi na siya nagtataka kung bakit marinig lang ng kababaihan sa lugar na iyon na parating ito ay nagkukumahog na ang mga iyon sa pagsugod sa cabin nito upang dulutan ito ng kung ano-ano masungkit lang ang palikero nitong puso.

He was wearing a white muscle shirt and black sweat pants. Simpleng-simple lang kung tutuusin ang gayak nito pero mukha na itong magpo-pose para maging front cover ng GQ.

"Good morning! Nabanggit sa akin ni Alys na mahilig kang mag-jogging tuwing umaga kaya inabangan kita. Puwedeng sumabay sa pag-jogging mo? Ililibot na rin kita sa buong Talampas kung gusto mo," masiglang bati ni North na napalingon sa kanya nang marahil ay marinig ang pagbukas niya ng pinto at ang malakas na pagsinghap niya.

"Hindi naman akin ang kalsada kaya hindi kita puwedeng pagbawalang sumabay sa akin kung gusto mo. Pero, North, hindi mo ako kailangang samahang maglibot dito. Maaabala ka lang," sabi niya bagaman ang malaking bahagi niya ay nais siyang batukan sa pagtanggi niya sa alok nito. Ngunit dahil may kutob siyang isang bagong kalaro lang ang tingin nito sa kanya kaya siya pinagkakaabalahan ng oras, mas mabuting iwasan na lang niya ito. He may be the man of her dreams, pero iyon din mismo ang dahilan kaya ayaw niyang palawigin pa ang pagkakalapit nila. Kaya nga tinawag na "man of her dreams," ibig sabihin ay sa pangarap lang niya ito maaaring makamtan.

Nasaktan siya nang maghiwalay sila ni Pepito, oo. Subalit malakas ang kutob niyang bale-wala ang sakit na naranasan niya sa unang boyfriend niya kompara sa sakit na maaaring iparanas sa kanya ni North Navarre. He was just so much larger than life. Men like him did not take women like her seriously.

"Since technically ay bisita ka ni Alys, bilang pinsan niya, responsibilidad kong i-entertain ka. So consider me your driver, escort, bodyguard, and boyfriend for the duration of your stay here," kaswal na sabi naman nito.

"What? Boyfriend?"

"Ha? Did I say 'boyfriend'? I meant 'best friend.' Pero kung gusto mo, puwede na rin ang boyfriend," anito na pilyong ngumisi. Pinapungayan pa siya nito ng mga mata.

Ngayon niya lang naisip na kung ganoon na ito umakto noong unang beses pa lang niya itong makita, malamang natuklasan na agad niyang kamag-anak ito ni Alys. They both had the talent of looking like innocent lambs despite plotting a thousand mischiefs behind their beautiful dark green eyes.

Napapailing na bumaba na siya ng hagdan ng porch at nag-stretching.

"Sigurado ka ba talaga? Ayaw mo ba talagang tanggapin ang alok ko na doon ka na lang sa cabin ko tumira? Kahit triplehin ko pa ang suweldo mo bilang cook ko?" ayaw paawat na pangungulit nito. Mistula nang refrain sa isip niya ang pangungumbinsi nitong sa cabin na nito siya tumuloy at maging cook nito.

Nang ihatid siya nito sa cabin ni Alys nang nagdaang gabi at tulungan sa pagpapasok ng mga maleta niya ay inanyayahan niya itong sumalo na sa hapunan niya. Sa gayon ay makabawi man lang siya sa atraso niya rito at kabayaran na rin sa pagtulong nito sa kanya. Iisipin ninuman na enggrandeng handa ang ipinakain niya rito kung purihin nito ang niluto niyang siomai at seafood kare-kare. Gusto tuloy niyang isiping niloloko lang siya nito. Pero nang titigan naman niya ito upang arukin ang laman ng isip nito, nakita niya ang sinseridad sa mga mata nito. At nakatatlong servings ito. Iniuwi pa nga ito ang siomai na hindi nila naubos. Aalmusalin daw nito iyon kinabukasan. Apparently, pareho sila nito na mahilig sa siomai pati na sa iba't ibang klase ng seafoods.

Sasagutin sana ni Sheng si North ngunit isang matinis na boses ang biglang sumingit sa pag-uusap nila. Nakita niya ang pagngiwi nito bago nito iyon mabilis naitago sa likod ng isang matamis ngunit halatang pilit na ngiti. Saka ito bumaling sa direksyon ng babaeng papalapit sa kanila. Hindi uso ang gate sa mga bahay doon kaya dere-deretso lang sa kinaroroonan nila ang babaeng kay sakit sa matang tingnan. Parang nangamba ito na hindi mapansin ng mga makakasalubong kaya matingkad na pink ang suot nitong headband, matingkad na orange ang tank top, at matingkad na pula ang short shorts na tila mas mahaba pa ang mga bulsa kaysa sa laylayan mismo ng shorts. Wala pang alas-siyete ng umaga ngunit sa kapal ng makeup nito, pakiwari niya ay nalimutan lang nitong tanggalin iyon mula sa night out nito nang nagdaang gabi.

Kung tingnan nito si North ay kulang na lang kumuha ito ng panyo at ipahid sa mukha ng binata. Kunsabagay, siya man ay ganoon din ang unang reaksiyon nang makita niya ang very hot look ng binata sa suot na white muscle shirt at sweat pants. Hindi niya kailangang manghula nang matagal para masabing isa ang babae sa mga nabanggit ni Alys na naghahabol sa trono ng pagiging Mrs. North Navarre.

(COMPLETED) CLOAK AND DAGGER-NOTHING ELSE MATTERSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon