WALA pang treinta minutos na nagja-jogging sina Sheng at North pero pakiwari ni Sheng ay mayroon na siyang nakahandang lapida sa loob ng isang tagong sementeryo. Iyon ay dahil sa dami ng mga babaeng pakiramdam niya ay maghahati-hati sa pagbabayad sa hitman para maipatumba siya. Salamat sa patuloy na pagpapakilala ni North sa kanya bilang nobya nito sa bawat babaeng nakakasalubong nila.
Kung pagdating niya kahapon ay inakala niyang walang nakatira sa lugar na iyon dahil halos mabibilang lang niya sa isang kamay ang mga nakasalubong niyang tao, ngayon naman ay dagsa ang mga taong nagkalat sa mga kalye ng naturang mountainside subdivision. At ninety-percent ng mga iyon ay kababaihan.
Obviously, hindi eksaherado ang kuwento ni Alys tungkol sa mga babaeng naghahabol sa pinsan nito.
"Saan kayo nagkakilala ni North?"
"Paano ka niligawan ni North?"
"Niligawan ka ba talaga ni North?"
"Gaano na kayo katagal ni North?"
"Mahal mo ba talaga si North?"
"Mahal ka ba talaga ni North?"
Ilan lang iyon sa mga impertinenteng tanong na ibinato sa kanya ng mga babaeng hindi man nila inimbitahan ni North ay nagsisabay pa rin sa pagdya-jogging nila. Mautak din ang mga ito. Dahil unti-unti ay napaglayo sila ng mga ito sa pamamagitan ng pagsingit sa pagitan nila ng binata.
"Kailangan ko ba talaga kayong sagutin? Sorry, no comment. Hindi ko pa naman kayo ganoon ka-close para kuwentuhan ng love life ko," matamis ang ngiti na sabi niya sa mga babaeng ayon sa pakilala ni North kanina ay sina Tina, Rina, Lina, Mina, Dina at Nina.
"Pero hindi puwedeng hindi mo kami sagutin!"
"Oo nga! Karapatan naming malamang hindi mo sasaktan o paglalaruan lang ang damdamin ni North!"
Bago pa niya masagot ang mga babaeng kanina pa niya gustong-gustong pag-uumpugin ang mga ulo, sumingit na si North. Sumiksik ito sa espasyo sa pagitan niya at ni Dina o ni Lina ba iyon?
Malungkot ang anyo at tono na kinausap ni North ang mga babae. Hinawakan pa nito ang kamay niya para hindi sila muling masingitan ng sino man sa anim na babaeng nakapalibot sa kanila.
"Girls, sorry, but we have to leave. Gusto kasi nitong babe ko matapos niya ang pagdya-jogging namin by seven forty-five. By eight kasi tuturuan na niya ako ng karate. Hey, nabanggit ko ba? Black belter siya sa karate, pati na sa judo. Pulis kasi ang dad niya kaya bata pa lang siya talagang hinasa na siya sa iba't ibang martial arts."
Biglang nanlaki ang mga mata ng anim na babae. At kung kanina ay bahagyang naikukubling disgusto at selos ang mababakas sa tingin ng mga ito, ngayon ay nadagdagan iyon ng pagkamangha at ng takot.
At dahil agad niyang nahulaan ang tinutumbok ng sinasabi ni North, siya na ang nagtuloy ng pagkukuwento nito.
"Sabi nga ni North, mabuti na lang at hindi na raw ako ganoon kaselosa ngayon. Kasi noong una may babaeng muntik ko nang mabalian ng buto dahil akala ko interesado at nilalandi niya si North. But who could blame me? Marinig ko ba namang tinatanong siya ng babaeng iyon kung single pa siya! Kaya tinuruan ko siya ng leksiyon! Pinilipit ko ang braso niya, saka ko siya ibinalibag! Pasalamat siya na sa damuhan siya bumagsak. hindi siya nabalian ng tadyang at kahit ng braso, kasi siyempre kinontrol ko rin ang lakas ko," pagsasalaysay niya na may kasama pang pagmumuwestra at sound effects ng tunog ng isang taong ibinabalibag.
Hindi makapaniwalang lumipad ang tingin ng anim na babae kay North. Waring kinukumpirma ng mga ito sa binata ang katotohanan ng sinabi niya. Seryosong tumango-tango naman si North. Ngunit base sa biglang paghigpit ng pagkakahawak nito sa kamay niya at sa pagtatakip ng kanang kamay nito sa kalahati ng mukha nito, pigil na pigil nito ang pagtawa.
BINABASA MO ANG
(COMPLETED) CLOAK AND DAGGER-NOTHING ELSE MATTERS
RomanceAkala ni Sheng ay natagpuan na niya ang isang perfect boyfriend kay North Navarre. He made her smile, laugh, fall in love every minute she was with him and believe in happy ever afters. Mula nang makilala niya ito, pakiwari niya ay mas naging...