CHAPTER 7

1.5K 39 0
                                        


BAGAMAN maingay ang tawanan sa paligid ni Sheng at ang lahat ay kanya-kanya ng rendition ng pumapailanlang na Christmas songs, ang isip niya ay naglalakbay sa iniwan niyang notes tungkol sa revisions na gagawin niya para sa bagong adventures nina Katie the kitten at Eddie the puppy.

Maraming tao sa loob ng malawak na solar ng bahay na pinagdarausan ng Christmas party na inihanda ng pamilya ng nobyo ng pinsan niyang si Ajeanna. Pero pakiramdam niya ay nag-iisa siya at hindi kabilang sa nagaganap na kasayahan.

Hindi sa hindi siya marunong i-enjoy ang nagaganap na Christmas party pero sadyang mas exciting para sa kanya ang mundo nina Eddie at Katie kompara sa party na iyon. Dala ng obligasyon sa pinsan niya kaya siya naroon ngayon at napipilitang makihalubilo sa mga bisitang mangilan-ngilan lang din naman ang kakilala niya.

Isa ring pulis ang ama ng nobyo ni Ajeanna na siyang nagbigay ng party na iyon. Naging kaklase ni Ajeanna noon sa college ang nobyo nitong si Raffy nang kapwa kumuha ang mga ito ng Criminology. Pero sa halip na magpulis ay naging journalist si Raffy, habang si Ajeanna naman ang natuloy magpulis at ngayon ay nakadestino roon sa San Diego.

Personally, hindi siya boto kay Raffy para sa pinsan niya. Pakiramdam kasi niya, hindi seryoso si Raffy kay Ajeanna. Ngunit ang buong pamilya nila ay botong-boto sa relasyon ng mga ito.

Bagaman tulad niya ay hindi rin naniniwala ang ama niya na bagay nga sa pinsan niya si Raffy, malapit naman ito sa ama ni Raffy na si Tito Dolfo. Animo kasi nakakita ito ng panibagong kapatid sa katauhan ni Tito Dolfo.

Alam ni Ajeanna na sa Tagay-Tagay siya tumutuloy ngayon, sa cabin ni Alys. Inimbitahan kasi siya ng lolo nito at ni North na si Lolo Seb, pati na ang ama niya at madrasta na sa Tagay-Tagay nila ipagdiwang ang Pasko kasama ang buong angkan ng mga Navarre. Pumayag naman ang kanyang ama na nakapalagayang-loob na rin ang matandang Navarre.

Doon na rin niya hihintayin ang pag-uwi ni North na ayon dito ay bukas na ng gabi.

Isang oras lang ang ibibiyahe niya magmula sa Tagay-Tagay patungo roon sa San Diego. Kaya hindi pumayag si Ajeanna na hindi siya sumaglit man lang sa Christmas party na inihanda ng pamilya ni Raffy. Kompara sa limang oras na biyahe kung manggagaling siya sa Maynila, mas malapit nga lamang iyon.

Kaya walang rason para hindi siya dumaan sa party. Isa pa, matagal na rin iyong nabanggit sa kanya ni Tito Dolfo at ng kanyang ama. Ang totoo, imbitado rin doon ang kanyang ama at madrasta. Lamang hindi nakarating ang mga ito dahil biglang sumama ang pakiramdam ni Tita Aying.

Mula pa pagkabata ay malapit na sila sa isa't isa ni Ajeanna. Magkaedad sila bagaman mas matanda ito nang tatlong buwan sa kanya. Bagaman magkaiba sila ng mga hilig at ugali, hindi iyon naging hadlang para maging malapit sila sa isa't isa nang higit pa sa tunay na magkapatid. Siguro dahil iyon sa pareho silang napunta sa poder ni Lola Filipa kahit pa may mga magulang pa naman silang maaaring siyang mag-alaga sa kanila. Subalit magkaiba ang rason ng pagkakapunta nila sa poder ng lola nila.

Napunta siya sa poder ni Lola Filipa dahil hindi siya kayang alagaang mag-isa ng ama niya nang maaga itong nabiyudo. Namatay ang kanyang ina noong apat at kalahating taong gulang pa lamang siya. Isa rin itong pulis tulad ng kanyang ama. And the irony of it was, she was not even on active duty when she died.

Napatay ito nang maagaw ng isang kahuhuli pa lang na suspek ang baril ng isang pulis sa loob ng police station na kinaroroonan ng kanyang ina. Isa ito sa limang pulis na walang awang tinadtad ng bala ng suspek bago iyon tumakas. At hindi tumigil ang kanyang ama hangga't hindi nahuhuli ang naturang salarin.

Diumano noong una ay sinubukan ng kanyang ama na umalis sa serbisyo dahil ayaw nitong tuluyang maulila siya sa magulang kung pati ito ay mawawala. Lalo pa at lagi itong nadedestino sa mga hot spot na lugar. Ngunit sadyang nasa dugo nito ang pagsisilbi sa bayan, kaya bumalik din ito sa serbisyo.

(COMPLETED) CLOAK AND DAGGER-NOTHING ELSE MATTERSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon