Pulang Rosas

145 5 0
                                    

———

HAWAK ang pulang rosas sa aking kaliwang kamay ay mabilis kong tinatakbo ang daan patungo sa Writer's Corner, ang bagong tayong coffee house rito sa Makati.

Napapangiti pa ako habang nakikita ang mga tao sa aking paligid, talaga ngang love is in the air. Paano ba naman kasi, amoy na amoy ang bango ng bawat bulaklak sa paligid at dagsa talaga ang mga tao sa pagbili nito. Kahit saan ay makakakita ka ng kapareha na pawang mga nakapula habang nagdi-date.

Ngayon ay Araw ng mga Puso o Valentine's Day, sa mga nagmamahal at umiibig, ito ang araw kung kailan bumibili sila ng regalo para sa taong mahal nila, ang araw kung kailan dagsa na naman ang mga hotels at motels, ang araw kung kailan nagkaka-ubusan ng cards, chocolate, cake, at pati na rin ng condom. Ito ang araw kung kailan ipinagdiriwang ng mga magkasintahan ang kanilang pagmamahalan, pero hindi para sa akin.

"Kainis naman kasi na aksidente 'yon! Late na tuloy ako," sambit ko habang walang pagod sa paglakad-takbo. Alas nuebe na sa umaga, mahigit kalahating oras na akong late sa oras ng aming usapan.

Ako si Yanna San Isidro, dalawampu't-isang taong gulang, sa edad ko na 'to ay ni minsan hindi pa ako nagkaroon ng seryosong relasyon. Hindi naman ako pangit, ngunit hindi rin ako ganoon kaganda, eksakto lang, kumbaga.

Napahinto ako sa pagtakbo nang makita ang coffee house ilang hakbang na lang mula sa aking kinatatayuan, napangiti pa ako nang makita ang itsura nito. Puno ng mga bulaklak sa labas at mga kulay pulang lobo. Mukhang hindi nga kami nagkamali sa lugar na pinili. Agad kong inayos ang sarili at muling itinaas ang pulang rosas na aking hawak,

"Kailangan maging matagumpay ang blind date na ito," nasambit ko sa aking sarili bago nagpakawala ng malalim na paghinga.

Oo, sa mismong araw ng mga puso, katatagpuin ko ang taong nakilala ko lamang sa internet. Kung ang iba ay nakikipag-date sa mga nobyo't nobya nila sa araw na ito, ako naman ay nakikipag-blind date. Kaya sana naman ay maging maayos na ito dahil napapagod na rin kasi akong paulit-ulit na nakikipagtagpo sa lalaking hindi ko naman lubos na kilala.

Hahakbang na sana ako muli nang bigla akong lukuban nang matinding kilabot sa katawan, naroon din ang pakiramdam na parang may mali, may hindi tama sa nangyayari. Napahawak pa ako sa aking batok nang maramdaman ang pananayo ng aking mga balahibo roon, bigla rin akong pinagpawisan ng malamig. Kasabay nang pagbilis ng aking paghinga ang bilis nang pagtibok ng aking puso. Nakaramdam ako nang matinding kaba ngunit mabilis ko rin iyong iwinaksi sa aking isipan.

Hindi ito ang tamang oras para kabahan, nararamdaman ko, ang lalaking katatagpuin ko ngayon ay maaring maging aking "the one". Huminga ako nang malalim at muling humakbang, nang makalapit sa entrance ng coffee house ay muli akong huminto bago iginala ang tingin sa loob, salamin ang pader nito kung kaya't malaya ang kung sino man na makita ang loob ng coffee house mula sa labas. Mula sa pagkakatayo ay aking kinuha ang aking cell phone at muling binasa ang text na ipinadala ni Laurence kanina,

"Hey, Yanna, I'm already here.
Are you okay? You're not answering my calls."

Napangiti ako nang malapad matapos basahin ang text nito. Kahit na ito ang unang beses nang pagkikita namin ay magaan na ang loob ko rito. Nagkakilala kami ni Laurence sa facebook at kalaunan ay naging text at callmates na rin. Nagdesisyon kaming magkita in person matapos ng halos isang buwan nang pagpapalitan ng matatamis na mensahe at tawagan. Dummy account lang kasi ang gamit ko habang si Laurence naman ay ang real account n'ya mismo ang kan'yang gamit kung kaya't nang hilingin nito na magkita kami ay pumayag na ako. Blind date rin ang tawag ko rito dahil hindi naman alam ni Laurence ang totoong itsura ko.

Lumapit ako sa entrance ng coffee house at bago tuluyang makapasok ay muli na naman akong nakalanghap ng sariwang amoy ng dugo. Heto na naman, pinaninindigan na naman ako ng mga balahibo sa katawan. Napalunok ako ng ilang beses nang makaramdam nang matinding kilabot. Ipinagwalang bahala ko na lang iyon at muling inilibot ang aking paningin sa kabuuan ng coffee house. Mula sa aking kinatatayuan ay kita ko ang isang lalaking naka-upo nang mag-isa sa pandalawahang lamesa; naka-polo ito na kulay itim at halata sa mukha na may hinihintay, agad na sumilay ang abot-taingang ngiti sa aking labi.

Espasiyo ng PusaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon