Sunday with Anastasia

53 2 0
                                    

———

"Sa lugar kung saan namumulaklak ang puno ng lila tuwing sumasapit ang tag-init—nakita kita.

Unang araw sa Marso, taon 2015.

Alas otso ng umaga ngunit nanunuot pa rin sa aking balat ang lamig na hatid ng simoy ng hangin. Natatakpan nang makapal na ulap ang haring-araw kung kaya't nananatili ako sa labas habang hawak ang kamera sa aking kamay—patuloy na tinititigan ang nakamamanghang bagay sa aking harapan. Muli kong inayos ang hawak na kamera bago itinutok ang lense nito sa malaking puno ng jacaranda.

Unang kuha, pangalawang kuha, pangatlo, hanggang sa muling umihip ang malakas na hangin na siyang naging dahilan upang matangay ang ilang lila'ng talutot mula sa puno. Napahinto ako sa ginagawa dahil sa nasaksihan, ilang saglit pa'y isang ngiti ang kumurba sa aking labi. "Tila isang cherry blossom sa buwan ng tagsibol," wala sa sariling wika ko, "ngunit mas maganda ang tanawin na ito."

Bumagay sa tanawing aking nakikita ang maliit at may kalumaang ansestral na bahay na nakatayo mismo malapit sa malaking puno ng lila. Kung pagmamasda'y tila isa itong gawang-sining na ipininta ng kamay ng isang tanyag na pintor—kaakit-akit kung ito'y pagmamasdan ng iba. Muli ko na namang itinutok ang kamera, ilang kuha na lang at magiging sapat na ang mga ito para sa aking gagawin na proyekto. Hindi ko inaasahan na sa kalagitnaan ng aking pagkuha'y isang bagay ang aagaw sa aking atensyon.

Pinagmasdan ko ang iyong nakatingalang mukha. Tulad ko'y makikita rin ang pagkamangha sa iyong mata. Hindi ko alam kung bakit naisipan kong kuhaan ka ng isang litrato nang mga oras na iyon. Ang alam ko lang ay mas tumingkad ang iyong taglay na ganda habang ang malamyos na hangin ay manaka-nakang tumatama sa mahaba mong buhok, at napupuno ng mga nalalaglag na talutot ang iyong paligid.

Heto ang ilan sa mga pagkakataon na napagtatanto ng mga lalaking kagaya ko ang tunay na kahulugan ng kasabihang, "pag-ibig sa unang sulyap".

-S. dela Fernando"

Akala ko, since nasa 21st century na tayo, hindi na uso ang mga multo o iyong mga kaluluwang hindi matahimik. Hanggang sa dumating ang araw na makilala ko ang isang taong nagpabago ng paniniwala ko.

Dahil sa hirap ng buhay, napilitan akong lumipat sa isang mas murang dormitoryo malapit sa eskuwelahang pinapasukan. Isang lumang dormitoryo sa Maynila kung saan, open for all ang tinatanggap na mga nangungupahan. Luma man ay malaki naman ito at mura lang ang isang buwang upa, lubhang nakatatakot nga lang tirhan para sa mga taong matatakutin.

Hawak ang isang cup ng espresso sa kamay at bitbit sa kabila ang ilang gamit para sa eskuwelahan, muli kong pinagmasdan ang kahabaan ng pasilyo. Ngumiti ako habang nararamdaman ang kilabot na lumulukob sa katawan ko. Hindi ako ang tipo ng babae na pa-damsel in distress, walang puwang ang pag-iinarte sa akin, kaya naman lumaki akong hindi matatakutin. Mas nakatatakot pa nga ang thesis namin na dalawang buwan na lang mula ngayon, kailangan nang simulan.

Ika-7 ng Enero, Linggo. Nagmulat ako ng mga mata at pupungas-pungas na iginala ang tingin, pilit hinahanap kung ano'ng bagay ang nagpagising sa 'kin, pero wala namang kakaiba sa loob ng silid. Nang lingunin ko ang maliit na bedside table sa gilid ay saka ko napansin ang umiilaw kong selpon. Mabilis ko 'yon inabot at isang mensahe mula kay Tricia, ang best friend ko, ang aking natanggap.

"Hulaan ko, may isang take out ng espresso mula sa Purple Café ang nasa ibabaw ng bedside table mo—"

Kusa akong huminto sa pagbabasa at kunot-noong tumitig mula sa screen ng selpon hanggang sa ibabaw ng bedside table ko, may espresso nga. Napangiti na lang ako sa ka-witty-an ni Tricia.

"I dunno, bes, ha. Pero hindi ba parang nasosobrahan ka na sa kape? Haha. Anyway, try mong tumambay sa Purple Café mamayang gabi. May bago silang barista! Ang guwapo! Mala-Adonis ang kaguwapuhan at posture ng katawan! Just lettin' you know, by the way. Nightshift kasi siya. Ciao!"

Espasiyo ng PusaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon