SA MUNDONG ating ginagalawan, hindi lahat ng tao sa ating paligid ay maiintindihan tayo. Hindi lahat ay magagawa tayong unawain. Hindi lahat, uunahing alamin ang ating tunay na kuwento, bago tayo husgahan. At hindi lahat, magagawang tanggapin ang ating nakaraan.
Muli akong tumitig sa malaking salamin na nasa aking harap at pinagmasdan ang sariling repleksiyon doon. Napangiti ako nang makita ang mga kolorete sa aking mukha. Muli ko pang sinuklay ang mahaba at kulay tsokolate kong buhok bago nagdesisiyong lumabas na ng aking kuwarto.
Hindi ko mapigilan ang ngumiti nang makita ang pagkulimlim ng langit sa labas.
Apat na taon na rin ang lumipas mula nang bumukod ako sa tiyahin kong umampon sa akin noon. Bago pa man ako mapunta sa kaniyang puder, may pamilya ako na masasabi kong maliit man, masaya naman at punong-puno ng pagmamahal.
Ako, ang aking inay at ang aking itay. Mahirap lang kami at nakatira sa isang maliit na lote sa isang squater's area. Si Inay para sa akin, ang pinakamagandang babae sa aming lugar at siyempre, sa buong mundo.
Kahit pa sabihing hindi siya mahilig maglagay ng kung anu-anong kolorete sa mukha, o magsuot ng maiikli at mamahaling damit, makikita pa rin ang kaniyang kagandahan.
Minsan nga noon, naging dahilan pa ng pag-aaway nina Inay at Itay ang mga lalaking laging nakatambay sa labas ng aming bahay. Tunay naman kasi na siya ay maganda, kaya kahit sinong lalaki sa aming lugar ay humahanga sa kaniya. Maamo ang kaniyang mukha at tila isang anghel na bumaba sa lupa.
Isang umaga, nagising na lamang akong wala na si Itay. Ang sabi ng aming mga tsismosang kapitbahay ay nabaril daw ito ng mga pulis nang subukang tumakas mula sa kanila.
Wala akong ibang nagawa noon kundi ang umiyak. Pinagbintangan nilang magnanakaw ang aking itay, pero alam kong hindi iyon totoo. Hindi iyon magagawa ng itay ko.
"Huwag kang makinig sa kanila, anak. Mabuting tao ang tatay mo."
Tandang-tanda ko pa noon ang bawat katagang binibitiwan ni Inay sa tuwing tinatanong ko sa kaniya kung totoo ba ang sinasabi ng ibang tao. Lagi pa siyang ngumingiti sa akin habang marahan na sinusuklay ang aking buhok gamit ng sarili niyang mga kamay.
Sa paglipas ng mga araw, unti-unti nang nauubos ang perang itinabi ni Inay para sa pang-araw-araw naming gastusin. Kaya simula noon, madalas na siyang wala sa bahay dahil sa kaniyang trabaho.
Mula rin noon, halos wala na siyang oras sa akin. Lagi siyang tulog sa umaga at sa gabi naman ay abala siya sa paghahanap buhay.
Simula rin noon, naging tampulan na ako ng tukso.
"Bagay na bagay ang mga magulang mo, Magda! Isang magnanakaw at isang pokpok!"
Sa tuwing umuuwi ako noon mula sa eskuwelahan, laging magulo ang aking buhok at uniporme. Minsan pa, may mga pasa pa ako sa mukha at sa mga braso. Suki rin ako ng principal's office dahil lagi kong pinapatulan ang mga kaklase kong may matatabil na dila.
Hindi ko kasi kayang tumayo lamang habang paulit-ulit nilang pinagsasalitaan ng masasamang bagay ang aking mga magulang.
Mga kuwentong walang katotohanan lamang ang kanilang nalalaman, pero ang totoong kuwento sa likod ng aming mga pangalan, ang totoong kuwento sa likod ng mga bagay na nagawa ng aking inay at itay ay hindi nila alam. At hindi nila kailanman malalaman dahil sarado ang kanilang isipan para sa mga katulad namin.
"Anak, huwag mo na silang intindihin. Huwag kang makikinig sa kanila. Tandaan mo, ang pakikipag-away sa kapuwa ay hindi mabuti."
Alam ko na sa tuwing sinusuway niya ako, na sa tuwing kumukurba sa isang ngiti ang kaniyang mga labi, sa likod niyon ay isang malungkot at nasasaktan ngunit lumalaban pa rin na babae ang nagkukubli.
BINABASA MO ANG
Espasiyo ng Pusa
Short StoryA compilation of one shot stories of different genres. This compilation may include humor, romance, horror, fantasy, fiction and non-fiction short stories. --- Cover by Heynette. Thank you. 💕