The Latin

57 3 0
                                    

———

"Tagu-taguan maliwanag ang buwan, masarap maglaro ng tagu-taguan... "

Kasabay nang pagmulat ng aking mga mata ang pag-ihip nang malakas at malamig na hangin.

"Wala sa likod, wala sa harap, pagkabilang kong sampu, nakatago na kayo!"

Natuon ang aking atensyon sa nakabukas na bintana. Doon nanggagaling ang malakas na ihip ng hangin, nakalimutan ko pala iyon isarado kanina bago ako natulog.

"Isa..."

Natigilan ako nang marinig ang pag-uumpisa ng bilang. "Nagsisimula na siya," wala sa sariling nasambit ko.

"Dalawa..."

Mabilis kong tinungo ang bintana at agad iyon isinarado. Napasandal pa ako sa pader ng kuwarto habang hinihintay na matapos ang pagbibilang nito.

"Tatlo..."

Isang araw. Isang araw na lang at matatapos na ang bangungot na ito.

"Apat..."

Habang naghihintay sa pagtatapos ng kaniyang pagbibilang, hindi ko maiwasang hindi isipin ang araw kung kailan nagsimula ang lahat ng aking bangungot, ang araw kung kailan ako parang pinagsakluban ng langit at lupa, ang araw kung kailan nag-umpisa ang lahat ng kamalasan ko sa buhay.

Taon 2010, ika-16 na araw ng Abril, nang mabuntis ako ng aking nobyo. Labing limang taong gulang pa lamang ako noon kaya hindi iyon natanggap ng aking lola Lara, pero dahil handa naman daw akong panagutan ng aking nobyo, kalaunan ay pumayag na rin si Lola. Noong una ay masaya naman kaming nagsasama ni Gancho, ayos pa ang naging pagsasama namin kahit parehas namin ayaw ang pagbubuntis ko. Hanggang sa lumipas ang dalawang buwan, bigla na lang itong nagbago, hanggang sa naglaho na ito at iniwan ako nang ganoon-ganoon lang.

Wala na akong mga magulang dahil bata pa lang ako ay namatay na sila sa aksidente. Tanging ang aking lola Lara na lang ang nakakasama ko sa buhay, ngunit iniwan din ako nito sa mismong araw kung kailan ko ipinanganak si Choco. Namatay si Lola Lara nang dahil sa sakit nito sa puso. At magmula noon, tuluyan na akong naging mag-isa sa buhay.

Hindi biro ang hirap na dinanas ko, makakain lang kami ni Choco ng dalawang beses sa isang araw. Hindi ko na nga naipagpatuloy ang aking pag-aaral, kinailangan ko pang magtrabaho sa palengke dahil walang tumatanggap sa akin sa malalaking tindahan bilang tindera. Maliban kasi sa menor de edad pa lang ako ay maski high school hindi ko pa natapos.

Lumipas ang halos apat na taon, ganoon pa rin ang sitwasyon naming mag-ina. Hindi rin nakatulong ang maya't mayang pagchichismiss ng aming kapitbahay sa amin.

"Wala kang kuwentang bata ka! Palamunin ka na lang ba lagi, ha? Wala kang silbi!"

Sa halos araw-araw na ginawa ng Diyos, iyon lagi ang eksena sa aming barung-barong na bahay. Walang araw na hindi ko pinaramdam kay Choco ang galit ko, siya ang sinisi ko sa lahat. Kung wala siya, hindi sana ako maghihirap nang ganito. Kung hindi ako nabuntis, maganda sana ang buhay ko.

"Naynay," sa tuwing pinapalo ko siya ay iyan lamang ang maririnig ko mula sa kaniya. Iiyak lang din ito nang tahimik at ni minsan ay hindi ko ito narinig na nagreklamo.

Nagawa ko na rin itong hindi pakainin nang halos isang buong araw dahil sa galit ko sa kaniya nang mabasag niya ang relong huling alaala sa akin ni Lola Lara.

Naging isang masamang ina ako sa aking anak. Itinanim ko noon sa aking utak na kasalanan niya ang lahat, hindi ko matanggap ang naging kapalit ng mga maling nagawa ko noon kaya ibinuhos ko lahat ng galit ko kay Choco. Ni minsan hindi ko siya natawag na anak, hindi ko ito nilambing ni isang beses. Oo't pinapakain ko ito, ngunit ni hindi ko naiparamdam dito kung paano mahalin ng isang ina. Ni minsan nga ay hindi ko ito nasamahan sa paborito niyang laro na taguan.

Espasiyo ng PusaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon