HINDI pangkaraniwan ang kabang nararamdaman ni Casey habang papasok sa College of Arts and Science department kung saan sila magkikita ni Prof. Romualdez. Professor niya ito sa Philippine History at mukhang may plano itong ibagsak siya dahil hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng umalohokan.
Alam niya na hindi siya gaanong matalino. Naniniwala naman siyang hindi siya bobo, dahil nakakaintindi naman siya ng Ingles. Isa pa, wala naman talagang taong bobo hindi ba? Meron lang mga taong tamad mag-aral. Pero hindi nga niya itinuturing na tamad ang sarili niya.
Seven years old pa lang siya ng mamatay ang tatay niya. Ang nanay niya ang nag-alaga sa kanya pero ngayon ay mahina na ang katawan nito dahil sa Diabetes. Hindi naman niya masikmurang pagtrabahuhin pa ito sa kondisyon nito kaya nagmakaawa siya sa nakakaluwag niyang tita na tumulong sa gawaing bahay ng mga ito, kapalit ng pag-aaral niya.
Her aunt was nice enough to take her. Sa private school pa siya nito pinag-aral. Hindi rin siya nito binigyan ng mabibigat na gawaing bahay. Minsan nga ay ayaw na nitong bigyan siya ng trabaho. Siya lang ang nagpupumilit dahil nahihiya naman siya rito at sa mga pinsan niya.
Dahil nga sa trabaho niya, nahihirapan siyang mag-pokus sa pag-aaral. Never niyang naintindihan ang logarithms at hindi niya alam kung ano ang kontribusyon ni Rene Descartes sa mundo. Hindi nga siya natutong mag-add ng improper fractions. Hotel and Restaurant Management ang kinuha niya dahil akala niya ay madadalian siya roon kumpara sa mga kursong may Calculus. Pero meron din palang Math subjects doon at hindi rin birong pag-aralan ang ilang asignatura ng kursong iyon.
Isa ang History sa hindi rin niya masakyang subject. Kaysa kasi kabisaduhin niya kung ilan ang naging girlfriend ng pambansang bayani, naglilinis na lang siya ng banyo ng tita niya. Ang problema lang, kung ibabagsak siya ni Prof. Romualdez, ano'ng sasabihin niya sa tita niya?
Pagpasok na pagpasok niya sa departamento ay nalanghap na agad niya ang nakakasukang air freshener doon. Nakatodo yata ang aircon dahil ubod nang lamig. Bakante ang mesa ng mga professors dahil ongoing pa rin ang ilang klase o dahil umuwi na ang mga ito. Gabi na rin kasi. Sa pinakadulo ng kuwarto sa kaliwa, may kung anong itina-type sa laptop si Prof. Romualdez.
Naninigas ang mga paang naglakad siya palapit sa propesor. Tumikhim siya nang nasa tapat na siya nito. Nag-angat ito ng tingin mula sa tina-type at ngumiti sa kanya. Muntik na siyang mapangiwi. Naiilawan ng laptop at kulubot at maputlang mukha nito. Itim na itim na ang labi at gilagid nito dahil naninigarilyo ito. Ang ngipin nito ay parang mga naninilaw na inverted triangle na basang-basa ng laway.
"Ms. Mendiola," wika nito sa boses na malagkit, naninikit at nakakakilabot. "You're late."
"Pasensiya na po. Late pong nagpalabas iyong huli kong prof."
"Really?" Malaswa ang pagkakatingin nito sa katawan niya. Napayuko siya. "Late siyang nagpalabas?" Mas malaswa ang paraan ng pagkakasabi nito ng mga salitang 'yon.
Tumikhim siya. "Gusto niyo raw po akong kausapin tungkol sa grades ko."
"Oo. Tapos ko na kasi ang mga grades niyo, Ms. Mendiola. At ikinalulungkot ko na ikaw lang ang may gradong singko."
Nakagat niya ang labi niya. Ilang ulit na rin siyang nagka-singko noon. Inulit niya ang mga subjects na iyon. Hindi nga lang niya matatanggap na magka-singko pa siya ngayon dahil graduating na siya.
"Sir, kakapalan ko na po ang mukha ko," aniya. "Wala po ba 'kong magagawa para mapaangat kahit paano ang grade ko? Wala po ba kayong mapapagawang special project?"
"Special project?" pag-ulit nito sa nakakatakot na paraan. Patuloy ang pagtingin nito sa katawan niya. Titiisin na niya ang ginagawa nitong iyon bigyan lang siya nito ng special project. "Well, maybe I can arrange that for you. Because you know what, Ms. Mendiola? I'm a lonely man. A very lonely man. Lagi akong binubuwisit ng asawa ko."
BINABASA MO ANG
Not Just A Pretty Face
RomanceBinansagan si Casey sa kanilang university na "beauty with no brains." Kabilang siya sa tinaguriang "The Loser's Club." Hindi lang niya minsang narinig ang pangungutya sa kanya ng mga tao. Pero hindi na niya ininda ang mga iyon lalo na nang aminin...