para kay Lara L.
marahang lumagpak ang sampatak ng tubig
nang angatin mo ang baso ng serbesa.
dumausdos ang luhang iyon sa kaniyang
salaming pisnging pinagkukulay-kalawang
ng likidong iyong nilalagok.
ang pisngi mo, giliw ko, ay hindi kalawang.
pinababata ka nitóng ambrosiang
nagpapanumbalik sa mapupulang bilot
ng iyong pisngi, tulad noong ika'y bata pa
at hindi pa maalam sa ligayang mayroon
ang serbesa.
sige lang: magpakalasing ka habang
kami nama'y nilalasing mo sa iyong
mahusay na pag-iingles. tumawa rin tayo
nang malakas sa kalsada, iyong ubod nang
lakas hanggang sa hindi na natin marinig
ang busina ng mga nagdaraang sasakyan.
sapagkat bibihira lang ito tulad ng ating
mga pagkikita––dumarating lámang
kapag napapamanhid na ng serbesa.
lumagpak na naman ang sampatak ng tubig,
nga lang ay hindi na sa mesa kundi sa lupa.
hinanap ko kung saan iyon nanggaling:
wala akong basong nakita.
ang naroo'y tanging mapupungay mong matang
kapuwa nagsisisi sa nakalipas, nagdarahop
sa mga pagkakamaling hindi na maitutuwid
ng mga simpleng iyakan at paghikbi.
naroong nais kong pigilan ang kanilang
pag-agos sa takot na bakâ kalawangin
ang iyong pisngi habang sa loob-loob ko:
ang matapang na serbesa'y hindi rin pala
mabuting pampamanhid.
18 Enero 2014 | 2:56 nh
BINABASA MO ANG
sintones (isang antolohiya)
ПоэзияSinasabing sinasalamin ng isang akda ang karampot na katotohanan ng búhay; at sa ganang ito, ng mga akdang naririto, ang búhay at katotohanan ay ipaparis sa isang berdeng sintones. Maasim, bubot, magaspang. At ang kasariwaan, marahil, ay ibibigay na...