tinawag ako ng isang marilag na bituin

1.5K 38 5
                                    

Tinawag ako ng isang marilag na bituin,
nalulunod sa kinang ng mga ilaw-lansangan,
sinasakal ng panggabing kariktan ng lungsod
at mga gusali.


Sa pagsilip ko'y naaninag sa kaniyang
pusikit na liwanag ang isang daigdig—
payak, munti, busilak, mahiwaga.


Doo'y may mga batang nag-aabang
sa pagguhit ng mga bulalakaw, sa
pagmartsa ng pulu-pulutong na konstelasyon,
sa pagkakataong ang gabi'y mailibing
sa alaala at mga salamangka.


Doo'y tanging kalayaan at kaligayahan
ang awiting bumubukal sa bibig,
sa dibdib na kahapon pa lamang
natutong tumibok at sumikdong
waring ang buwan ang may higit.


Doo'y mga panaginip at pangarap
ang tanging búhay at hininga; doo'y
ang pangako at laro ay hindi iisa;
doo'y ang 'ako' ay minsang naging ako
at hindi iba.


Sapagkat naglalakad nang nakatingala
ay nabangga ko ang isang ginang.
Nagalit nga ito pagkat nagmamadali.
Paumanhin, sabi ko at sakâ nagpatuloy.
Gayunma'y umalingawngaw pa rin
nang buong-puso ang isang P—


Muli kong sinilip ang bituin, ang malayong
daigdig na kaniyang ikinukubli,
subalit ikinubli na siya ng mga usok
ng aking lungsod at mga gusali.



20 Oktubre 2015
10:37 ng





sintones (isang antolohiya)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon