lipad, munting ngipingleon*

1.6K 38 4
                                    

sa saliw ng "cherry blossoms" ni Tatsuya Kato


Lipad munting ngipingleon!


patangay ka sa hihip ng aming
mga pangarap,
magwangis kang talà
sa kainitan ng araw, at
maglahong may pangako
ng aming kahilingan


hayo ka, munting ngipingleon!
paroon ka sa mundong
di mararating ng
panaginip-tao—


roon sa lunang may máhiyang dalisay,
kung saan ang bawat epiko'y
tuwinang nagwawakas nang mahinusay


lipad, munting ngipingleon!
kung mahinto't muling madampot,
lipad!


patangay ka sa bugso ng
mga pangarap,
maglahong sabay ng
mga kahilingan sa alapaap. . . .


lipad, munting ngipingleon,
hanggang sa abot-tanaw
ay di ka na maaninag ninuman!



21 Mayo 2015
12:28 nu

___________________

* Usong-uso noong bata pa ako ang dumampot ng mababalahibong buto sa klasrum na kung tawagi'y "wish", pagkat bago hipan sa iyong palad ay kailangan munang lapatan ito ng hiling. Iniisip ko noon kung nakakarating ba sila sa mga mundong engkantado, sa mga bagay na hiwalay sa mundong kilala ko, para padalhan ng gayong mga hiling o kahiwagaan. Naalala ko ito kamakailan lang, at isang tula nga ang ginawa ko upang ikulong siya magpakailanman.



sintones (isang antolohiya)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon