Chapter 9: Pain

27 3 0
                                    


Kasalukuyan noong nasa gilid sa labas ng simbahan si Gin. Sa sandaling ito ay umiinom siya ng softdrinks habang nakasandal sa nakaparada niyang traysikad at nag-aantay ng pasahero. Medyo napagod din siya dahil sa pamamasada. Yung iba kasing pasahero ay may mga dala pa, galing grocery, yung isa pa nga ay predyider ang ikinarga at malayo pa ang pinagdalhan. Wala siyang pag aalinlangang pinasakay ang mortal. Laking ngiti niya dahil kota siya dito. Naisip niyang medyo malaki ang ibibigay ng kanyang pasahero dahil hindi biro ang mga dala nito. Baku baku ang daan at tumawid pa sila ng ilog. Sinisiguro din niyang hindi iyon mahuhulog, panay lingon niya sa karga. Pawisang inilapag niya ang buhat buhat na tatlong appliances ngunit laking pagkadismaya ni Gin dahil binigyan lang siya nito ng sampung piso.

Kuripot naman pala kung nalaman lang niya ay hindi niya na sana ito pinasakay at ito nalang sana ang nagbuhat.

Grabeng sakripisyo ang ginawa niya, naaasar parin tuloy siya kapag naaalala ang matandang kuripot.

Padaskol niyang inihagis sa basurahan ang supot na wala nang laman.

Sa malalim na pag-iisip ay hindi namalayan ni Gin na may nakatayo na sa harap niya. Pag-angat ng kanyang tingin ay nakita niya ang isang lalaki na medyo may edad na. Naka-disenteng kasuotan ito.

"Ba-biyahe ka?" malalim ang boses nitong tanong.

Ini-adjust ni Gin ang suot na sunglasses bago ito sinagot.

"Kung sasakay kayo."

"Sige."

Tumango siya at dali daling pinadyak ni Gin ang traysikad nang makasakay ang lalaki. "Saan ho banda kayo magpapahatid?" tanong ni Gin habang umaandar ang sikad.

"Ahh.. diyan lang sa may dulo ng kalsada d'yan sa may tulay. Ituturo ko nalang sayo kapag malapit na tayo,"

"Saang tulay?" kunot noong tanong ni Gin.

"Dumiretso ka lang at sasabihin ko nalang kapag bababa na ko." sabi pa nito. Hindi na ulit nagtanong si Gin at nagpatuloy nalang siya sa pagpadyak gaya nga ng sinabi ng matanda.

Tahimik lamang silang dalawa at walang kibuan. Ilang sandali pa ay unti unti nang lumulukob ang kadiliman. Nakarating na sila sa lugar at may kalayuan na ito subalit hindi parin kumikibo ang lalaki hanggang sa inangat nito ang kamay at kinalabit siya sabay turo sa eskinitang napakadilim. Ni-wala na ngang kabahay bahay at sobrang sukal pa ng lugar.

Bigla itong nagsalita. "Diretso mo pa ng kaunti toy, intayin mo ako at kukuha lang ako ng pamasahe." tahimik lang na napatango si Gin. Lingid sa kaalaman ni Gin ay bahagyang napangisi ang matanda pagkasabi nito niyon.

Inihinto na niya ang padyak. Bahagyang umalog ang traysikad hudyat na nakababa na ang matandang lalaki.

Ngunit laking pagtataka niya nang silipin ay wala na ito at hindi niya na mahagilap. Lihim na napamura si Gin. Napalingat siya at tanging nagtataasan lang na mga talahib at madilim na kapaligiran ang nakikita niya. Sa bandang unahan ay malawak na palayan.

"Langhiya! Tinakasan pa ata ako ng matanda." Asar na napakamot sa kanyang ulo si Gin.


Malakas ang hampas ng hangin sa paligid. Naging alerto si Gin nang may hindi kaaya ayang amoy ang nasagap ng kanyang ilong. Suminghot singhot siya.. humahalo iyon sa hangin. May naaamoy siyang panganib.

Kaagad siyang nagpalinga linga.

Hindi kaya nalagay sa panganib ang matanda kaya bigla nalang itong nawala? May narinig siyang tila mahinang kaluskos sa paligid.

Akma na sana siyang lilingon nang biglang may humila sa kanya. Sa gulat ay hindi agad siya nakapalag. Kinaladkad siya ng nilalang patungo sa masukal na talahiban. Ipinag-ekis ni Gin ang mga braso upang ipanharang sa kanyang mukha para hindi masugatan sa mga matutulis na bagay na tumatama sa kanya.

Inangat niya ang tingin ngunit hindi niya maaninag ang mukha ng humihila sa kanya. Walang pasubaling malakas siyang ibinalibag nito dahilan para tumama ang kanyang likod sa may puno. Napaigik siya dahil umuntog pa ang kanyang ulo sa kalapit na bato. Agad siyang napasapo sa kanyang ulo at napapangiwing hinilot iyon.

Nakatayo sa harapan ni Gin ang isang nilalang. Inangat ni Gin ang tingin at doon niya nakita ang buong itsura nito. Mabalahibo ang mukha at kamay nito na siyang tanging nakalitaw. Buhaghag ang buhok, nanlilisik ang mga mata, matutulis ang mga ngipin na pawang ngipin ng mga pating. Mahahaba din ang mga kuko na sa tantya ni Gin ay walang pag-aalinlangan nitong itatarak sa kanya.

Nagsalubong ang kanyang kilay nang makilala ang suot nito. Iyon din kasi ang suot nung matandang inihatid niya na inakala pa niyang tumakas.

Dahan dahang tumayo si Gin at hinarap ito.

"Anlakas ng loob mong ibalibag ako. Ikaw! Anong ginawa mo sa matanda?" galit niyang singhal sa nilalang. Umangil lang ito't sinugod siya ng kalmot.

Mabilis siyang tumagilid para umiwas. Ngunit agad din iyong nasundan ng paghiklas sa kanyang kwelyo at balak ulit nitong ibalibag siya. Mabuti nalang at mabilis ang kilos niya. Madali niya lang iyong naiwasan at padaskol itong hinawakan sa likod ng kwelyo kasabay ng pagtadyak niya sa likuran nito. Tumilapon ito at tumama sa puno ng niyog ang mukha.

Galit itong bumangon ng dahan dahan. Habang matalim ang tinging ipinupukol kay Gin. Napaayos naman ng suot na salamin si Gin bago ito binigyan ng mapang uyam na pagtaas baba ng kanyang kilay.

Umalulong ang nilalang.

Nagpaikot ikot sila sa damuhan at nag aantay kung sino ang unang susunggab. Hanggang sa isang iglap ay bigla nalang sumunggab ang aswang. Hinarang ni Gin gamit ang kanyang braso na binalutan ng malabakal na apoy upang doon kumagat ang aswang.

Susuntukin niya sana ito sa sikmura ngunit natumba siya sa batuhan.

Dinaganan siya nito at pilit siyang kinakalmot sa leeg. Sinasalag niya naman iyon gamit ang kaliwang braso. Buong pwersa niya itong itinutulak para makawala dito. Mas lalo nitong idiniin ang sarili upang ikorner siya sa puno at itinatarak sa kanya ang mahahaba nitong mga kuko. Ngunit nagpakawala siya ng direct attack na tumama sa dibdib nito dahilan para tumilapon ito ng patihaya.

Hingal na napabangon si Gin, hindi biro ang lakas nito sa hand to hand combat. Kung ordinaryong tao lang siya ay siguradong patay na siya kanina pa.

Mabilis lang ulit itong bumangon at patakbong sumugod sa kanya. Gamit nito ang physical strength kaya medyo nakukulangan siya ng taktika. Buti sana kung in-distance para may bwelo ang pagpakawala niya ng kapangyarihan ngunit ginagamit nito ang pisikalan. Dyahe kasi kinulang siya sa training. Mas pinalakas niya ang kapangyarihan kaysa sa pisikal na katawan ito tuloy parang nadedehado siya. Ngunit hindi niya iyon hahayaang mangyari.

Susugod na sana ito ngunit inunahan na niya ang nilalang at mabilis na hinablot ang buhok nito pagkatapos ay nagpalabas siya ng apoy na punyal at gigil iyong itinarak sa lalamunan nito na tumagos hanggang sa batok ng aswang. Naglilikot pa ito at pilit na lumalaban. Mas lalong idiniin ni Gin ang pagsaksak dito. Tumagas ang malansa nitong dugo na tila isang gasolinang isinaboy na mas lalong nagpalagablab sa kapangyarihang punyal ni Gin.

Kitang kita ni Gin kung paano tumirik ang mga mata nito bago nagkikisay hanggang sa tuluyan na itong binawian ng buhay.

Nang bitawan niya ito ay kusang natunaw ang buong katawan ng lalaki. Mali ang hinala niyang dinukot ng nilalang ang matandang pasahero, bagkus ay ito pala mismo ang aswang na balak pa siyang gawing hapunan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 20 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

THE SORCERER'S (PLEASE DON'T READ_UNDEREDITING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon