IKAW 03

24 1 0
                                    


IKAW 03

Mula noong nasilayan ko iyong titig at ngiti mo-na hindi naman na bago sa akin, ngunit may naramdaman ako sa aking dibdib. Hindi kaba ngunit malakas na pintig.

Dahil sa makahulugang ngiti na iyon ay nagkaka ganito na ako.

Napapansin ko na ang mumunting galaw mo, mga salitang nasasambit mo. Napupukaw mo na ang mga sistema sa aking katawan.Kahit nga yata ang simpleng pagtayo mo ay napapansin ko na rin. 

Ano ba itong naiidulot mo sa akin at bakit ako nagka kanda ganito?

Segu-segundo na yata akong napapatitig sa iyo at sa mga ginagawa mo. Mas naging malakas ang tibok ng aking puso kahit sa simpleng aksiyon na pinapakita mo. Tila kaswal lamang iyon para sa iyo, ngunit ginagawang malaki na bagay ng aking puso't isipan.

Ilang beses ko ng kinumbinsi ang sarili ko na baka ay ganoon ka lang talaga sa lahat. Siguro ganoon ka lang magpakita ng tingin sa iba nating kaklase. Siguro nga ay ganoon lang iyon... Walang kahulugan.

Isang eksena na naman ang nangyari sa silid. Ang mga tingin mo na naman ang nangingibabaw.

May ginawa tayong isang sulatin tungkol sa ating aralin na tinalakay. Tahimik ang silid, lahat tayo ay abala sa pagsusulat ng eksplenasyon sa iyong gawain.

Nang matapos na ay nagtawag ang ating guro ng isang estudyanteng mag uulat ng sagot sa harap ng klase, swerte namang hindi ako iyong unang tinawag. Siguro ay mga ilang kaklase pa natin ang nakapag- ulat nang naramdaman ko ang kaba ng tinawag ako.

Sabay-sabay kayong nagsitinginan sa akin, pati na rin ikaw. Hindi kita binalingan ng tingin habang ako'ytumayo na at tumungo sa harap ng klase para mag- ulat.

Nakikita ko sa gilid ng aking mata ang mumunting titig na ibinibigay mo sa akin.

Habang hawak ang aking notbuk ay napahinga ako ng malalim hindi dahil sa kaba na nasa harap ako kundi sa mga titig na iginagawad mo.

Hindi mo siguro alam na napapansin ko ang iyong mga titig o alam mo naman iyon ngunit talagang hindi mo inabala na ibaling sa iba ang iyong mga titig.

Nag-umpisa ako sa pagbigkas, ngunit ang ibang kaklase ay natawa nalang sa akin.

"Pakilakasan!"utas ng ating isang kaklase.

Bumaling ako sa bandang likod upang matignan kung sino iyon tsaka ngumiti doon.

Nawawala ang boses ko sa mga oras na iyon. Habang ako'y nasa gitna na iyong pinagmamasdan. Sa bawat pagbigkas ko ay natuon lamang ang iyong titig sa akin. Walang pag-aalinlangan iyong mga tingin mo.

Nauutal man ako minsan sa pagbanggit ng mga salita ay dinadagdagan pa iyon ng kaba sa aking dibdib dala ng iyong mga matang nakapukol sa akin.

Matapos akong magpresenta sa harap ay nagsipalakpakan naman kayo. Nakakahiya man ay ngumiti na lamang ako sa lahat pero hindi pa rin kita binalingan ni pasada lamang ng tingin. Hindi ko yata maatim na tapatan ang iyong matang napakalalim na sa tingin ko'y magbibigay ng dahilan sa akin upang ako'y...

Mahulog...

Nang maghapon na ay maingay ang silid, wala namang nagbago doon. Naka upo lamang ako sa aking upuan at may nilalaro sa aking telepono.

Nakikita ko naman ang mga paggalaw mo, pumupunta ka sa may bandang likuran tapos dadaan sa aking gilid o di kaya'y lalabas ka ng silid sandali at babalik din naman pagkatapos.

Nagtataka man ako sa ikinikilos mo ay hindi ko na ipinahalatang ako'y naguguluhan sa mumunting galaw mo sa hapong iyon.

Naghihintay tayo sa ating guro na wala pa rin. Ganoon ka pa rin, naglalakad, tumatayo o kung ano pa. Napapansin ko iyon kahit hindi ako lumingon sa banda mo, sa tuwing gagalaw ka ay alam ko.

IKAW(COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon