http://www.phr.com.ph/https://www.preciousshop.com.ph/home/
http://www.booklat.com.ph/
"Thesis po ang ginagawa namin ng mga kaklase ko kaya kailangan kong mag-stay sa bahay no'ng isang classmate ko. Doon po namin ipa-finalize ang draft ng thesis namin. Naghahabol kami sa oras, Lolo. Hindi puwedeng mawala ako roon. May kanya-kanya kaming part na gagawin para matapos na 'yon," mahabang paliwanag ni Andrea sa kanyang Lolo Pedrito habang kausap ito sa cellphone.
Naglalakad siya noon patungo sa pinakamalapit na bookstore. Siya na ang nagboluntaryong bumili ng bond paper na gagamitin nila ng kanyang mga kagrupo.
"Kadalaga mong tao, sa kung kani-kaninong bahay ka makikitulog?" argumento naman ng lolo niya.
"Ang totoo po, Lolo, hindi kami matutulog. Sigurado na hindi na po kami makakatulog sa dami ng gagawin namin. At kina Dondi naman 'yong bahay. Intindihin n'yo naman po ako. Hindi namin puwedeng gawin ang thesis sa bahay natin. Unang-una, sira na po 'yong computer natin. Ikalawa, naiilang ako kay Tita Olga na hakutin ang mga kaklase ko para diyan kami gumawa."
"Bakit mo ba siya papansinin? Hindi naman siya ang may-ari ng bahay, ako naman."
"Pero siya ang nagpapakain sa atin, 'Lo."
"Siya lang ang namimili ng mga kakainin natin. Hindi siya ang naghahanapbuhay para kumita ng pambili n'on kundi si Ramir. Isa pa, tama lang na pakainin niya tayo. Nakikitira sila rito sa pamamahay ko."
"Lolo, kung saan-saan na tayo napunta. Ang issue lang naman po, eh, ang pagpapaalam ko sa inyo na mag-stay sa bahay ng kaklase ko para gumawa ng thesis. Pumayag na po kayo, please? Hindi ako papasa sa klase kapag hindi ako nakisali sa pagbuo n'on."
"Bata ka, alam mong hindi ako mapapalagay nang hindi ka matutulog dito."
"Lolo naman, eh," napapalabing reklamo niya kahit hindi siya nakikita nito. "Walang mangyayari sa akin, promise. Pagkatapos na-huh!" Hindi na niya nagawang dugtungan pa ang sinasabi. May mabigat na bagay na dumagok sa likod ng kanyang ulo na nagpabagsak sa kanya sa kalye. Pati ang cellphone na nakadaiti sa kanyang tainga ay lumipad sa kung saan dahil sa lakas ng impact.
Narinig niyang nagkaingay ang mga tao. Hindi niya magawang mag-angat kaagad ng tingin. Hilung-hilo siya. May naaamoy pa siyang hindi maganda. Gayunman sinikap niyang bumangon.
"Let me help you," sabi ng isang boses ng lalaki sa likuran niya.
Naramdaman na lang niya na hinawakan nito ang magkabilang braso niya mula sa likuran.
"Kaya mo bang lumakad?"
"O-oo," sabi na lang niya kahit hilo pa rin siya. Naramdaman niya na iginiya siya nito hanggang mapasandal siya sa hood ng isang sasakyan. Hinawakan niya ang likod ng kanyang ulo. Mukha namang walang bukol iyon. Mabigat lang talaga ang sumalpok sa kanya kaya siya nahilo.
"Sumandal ka muna dito," utos nito at binitiwan na siya.
Nang bumalik ang lalaki saka lamang niya napagmasdan ang hitsura nito. Guwapo pala ito. May pagkatsinito ang mga mata nito na parang palaging nakatawa kahit hindi naman. Matangos ang ilong nito at mamula-mula ang kutis. At napakatangkad nito.
"'Eto ang cellphone at ang bag mo," anito nang iabot ang mga gamit niyang tumilapon. "Okay na ba ang pakiramdam mo? Saan ka ba pupunta? Ihahatid na kita."
"Diyan lang ako pupunta sa bookstore," aniya, sabay turo sa ikalimang stall mula sa kinaroroonan nila. "Hindi ko alam kung ano 'yong tumama sa ulo ko."
BINABASA MO ANG
Braveheart 17 Quinlan Ungpauco (Lost-cause Hero) COMPLETED
RomancePhr Book Imprint Published in 2007 "I still long for you, Andrea. I still long to be able to stare into your eyes. Those expressive eyes that say you still love me as much as I still love you..." Aksidente lang ang pagkikita nina Quin at Andrea. Tin...