3. A Visit

4.3K 110 11
                                    



"Bakit mo pinatay ang cellphone mo?" tanong ni Andrea kay Quin. Tapos na silang kumain ng tanghalian noon. Dinala siya nito sa isang restaurant na sikat sa mga pagkaing Pinoy sa Roxas Boulevard. Nang mga sandaling iyon ay nasa baywalk naman sila sa Manila Bay. Hindi sila bumaba ng sasakyan. May tumawag kanina kay Quin nang patungo pa lang sila roon. Sa hula niya kapatid nito ang tumawag. Ngayon naman ay ang mama nito ang tumawag, na pagkatapos nitong kausapin ay ini-off nga nito ng cellphone.

Magkahalong lungkot at tila paghihirap ang nasa mga mata ni Quin nang sumagot. "Promise me na hihintayin mo ang pagbabalik ko, Andrea. Magsulatan tayo. Sulatan mo ako sa e-mail address na ibinigay ko sa 'yo."

"Quin, hindi kaya sobrang bilis naman nito?"

"Ang alin?"

"Ito. 'Yong malalim agad ang involvement natin sa isa't isa. Quin, kailan lang tayo nagkakilala. At ngayon, magkakahiwalay agad tayo. Baka pareho lang tayong masaktan. Baka pareho lang tayong mahirapan kapag nagkaroon agad tayo ng commitment."

"'Di ba, may feelings ka rin sa akin?"

"Oo, pero feelings lang 'yon, nagbabago. Paano kung dumating ang panahon na makahanap ka roon ng iba? O kaya ako naman ang makakita rito ng ibang mamahalin? Ayokong saktan ka, Quin."

Tumingin ito sa labas ng sasakyan. Sa tingin niya, ngayon pa lang ay nasaktan na nga niya ito.
"Naiintindihan kita," sabi nitong hindi tumitingin sa kanya. "Fine, wala muna tayong magiging commitment. Pero itutuloy natin ang communication natin sa isa't isa. Tatawagan kita palagi."

Nginitian niya ito. "Fine. Hihintayin ko ang tawag mo. At lagi kitang susulatan. Promise ko 'yan."

Humugot ito ng hininga at ngumiti na rin sa kanya. "I suppose I can get my good-bye kiss now?"

Tinawanan niya ito. Ngunit bago pa man ito makakilos ay inilapit niya rito ang kanyang mukha at hinalikan ito sa pisngi. "Till we meet again, Quin." Natawa na naman siya nang makitang nanatili pang nakapikit ito na parang nananaginip. "Ano ba? Naging bato ka na diyan. Hindi naman ako ibong Adarna."

Dumilat na nga ito, naroon na naman ang lungkot sa mga mata. "Yes, Andrea, till we meet again. I hope I can tell you it will be soon."

Nasabi na nito sa kanya na walang katiyakan ang pagbabalik nito sa malapit na hinaharap. Desidido na raw ang mga magulang nito na sa Australia na manirahan. Tiniyak naman ni Quin na kahit daw mag-isa lang ito ay babalik at babalik ito ng Pilipinas.

Sa huli, siya pa ang nagyaya rito na ihatid na siya. Baka mahuli pa si Quin sa flight nito.

Tulad nito, nang maghiwalay sila ay hirap na hirap din ang kanyang kalooban. Sa maikling panahon na nagkakilala sila masasabi niya na mahal na niya ito. Siya mismo ay hindi makapaniwala ngunit iyon ang nararamdaman niya. Napakabilis niyang natutuhan na mahalin ito.

Kaya naman nang bumaba na siya ng kotse ni Quin parang gusto uli niyang bumalik doon. Parang gusto niyang sabihin dito ang eksaktong nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.

Pero nagawa niya na pigilan ang sarili. Alam niyang hindi pa iyon ang panahon.

NAGTAKA si Andrea nang pagpasok niya sa kanila ay walang katao-tao roon. Umikot siya sa buong kabahayan. Natagpuan niya ang kawaksi nilang si Odette na nasa laundry area. Umiiyak ito habang nagsasampay ng mga damit na galing sa spin dryer.

"O, Odette, bakit ka umiiyak? Ano'ng nangyari?"

"Naku, Andrea, s-si Kuya Ramir, naaksidente kanina. Grabe daw ang lagay."

Nagimbal siya sa narinig.

"Nasa ospital silang lahat. Ako nga lang ang naiwan dito sa bahay."

Braveheart 17 Quinlan Ungpauco (Lost-cause Hero) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon