Isang Italian restaurant na hindi kalayuan sa office building ni Andrea ang pinagdalhan sa kanya ni Quin.
Hindi na niya nagawang tumanggi sa pagyayaya nito. Takot siya sa eskandalo. Ayaw niyang makalikha pa ng alingasngas ang biglaang pagsulpot nito roon. Sa kabilang banda, kinakabahan din siya. Paano kung makarating kay Salvador na nakikipagkita pa rin siya kay Quin? Ano na lang ang iisipin ng kanyang asawa?
“Gusto kong ipalagay mo ang loob mo, Andrea,” sabi nito sa kanya. Marahil kanina pa nito nahahalata ang pag-aalumpihit niya.
“Paano ko ipapalagay ang loob ko kung nagwo-worry ako na baka makarating sa asawa ko ang pagkikita nating ito?”
Lumingon ito sa kanan na animo nasaktan. Naaawa rin naman siya rito. Ngunit mas mabuti na nga sigurong ngayon niya ito saktan kaysa lalo pa itong mahirapan kapag nagtagal pa ang ginagawang paghabol at pagsubaybay nito sa kanya. “As far as I’m concerned, wala tayong ginagawang masama sa asawa mo.”
Nagsisimula na namang mag-init ang sulok ng mga mata niya. Palagi na lang ba siyang iiyak tuwing magkikita sila ni Quin? Palagi na lang ba na nakapagitan sa kanila ang panghihinayang sa mga bagay na hindi nangyari?
Tiningnan siya nito nang tuwid sa mga mata. Mahirap palang makipagtitigan dito nang hindi niya ipagkakanulo ang mga kimkim niyang damdamin para dito. “Wala akong balak na pahirapan ka, Andrea. 'Yon ang huling bagay na gagawin ko sa 'yo. Nasaktan lang ako nang sobra kaya nasabi ko ang mga nasabi ko nang huli tayong magkita. Gusto ko lang makiusap sa iyo kung maaari. Gusto kong hingan ka ng tulong.”
“Tulong? Anong tulong naman ang maibibigay ko sa 'yo?”
Ang hitsura nito ay tulad sa isang taong walang mapagpipilian kaya kahit ang kaluluwa ay isasangla sa diyablo. Magkahalong takot at pagpapakaaba ang masasalamin sa mga mata nito. Nakadama uli siya ng kirot sa dibdib. Ang confident at self-assured na Quin noon ay nalipat na lang sa ganitong kalagayan. “Sana... sana kahit hindi na tayo puwedeng magkaroon ng relasyon, payagan mo naman ako na makausap ka kahit bilang isang kaibigan man lang. Nangangako ako na wala akong gagawin para malagay sa alanganin ang relasyon mo sa husband mo... Kailangan ko lang na makita ka palagi. 'Yong makakausap pa rin kita, makakakuwentuhan kahit bilang kagaya na lang nina Dondi.”
Sumagap siya ng hangin upang paluwagin ang kanyang dibdib. Magkahalong awa at pagmamahal para dito ang matining sa kanyang pagkatao nang mga sandaling iyon. Ngunit hindi niya maipapaalam iyon kay Quin. Kahit paramdam hindi niya maaaring gawin dito. “B-baka... lalo ka lang mahirapan.”
“Mas nahihirapan ako sa kakaisip sa 'yo habang hindi kita nakikita. O kung nakikita man kita, hindi naman ako makalapit sa 'yo.”
“Quin, hindi mo ba nare-realize ang maaaring mangyari kapag pinayagan kita? Lalo lang lalalim ang nararamdaman mo sa akin. Lalo kang masasaktan. Isasalang mo pa ang mga sarili natin sa temptation.”
“I promise, Andrea, hindi na ako magbabanggit ng tungkol sa feelings ko sa 'yo. Hayaan mo lang akong makakuwentuhan ka. Kahit mga walang kuwentang bagay lang ang pag-usapan natin, kontento na ako doon. Ang importante, makikita pa rin kita palagi. Baka... kung ganoon ang gagawin ko, baka sakaling makasanayan ko rin na kaibigan na lang talaga kita. Baka sakaling ma-immune na ako sa presence mo at sa katagalan mamanhid din ang feelings ko sa 'yo.”
Napahinga na naman siya sa sinabi nito. Kamuntik na siyang mapailing kung hindi nga lang ayaw niyang ma-offend pa ito. “Wala akong makitang tamang logic sa sinasabi mo, Quin. Problema lang ang nakikita ko sa gusto mong mangyari.”
Ito naman ang nagpakawala ng isang mahabang buntong-hininga. Ang mga pagkain sa harap nila ay halos hindi nagagalaw. Paano nga ba sila makakakain kung ganito kaseryoso ang pag-uusap nila? “Kung ang isang kaibigan mo bang malapit nang mamatay ay hihiling sa 'yo ng isang bagay na kaya mo namang ibigay, ipagkakait mo ba, Andrea?”
BINABASA MO ANG
Braveheart 17 Quinlan Ungpauco (Lost-cause Hero) COMPLETED
RomancePhr Book Imprint Published in 2007 "I still long for you, Andrea. I still long to be able to stare into your eyes. Those expressive eyes that say you still love me as much as I still love you..." Aksidente lang ang pagkikita nina Quin at Andrea. Tin...