Mugtung-mugto na ang mga mata ni Andrea ay ayaw pa ring maampat ang mga luha niya. Matigas ang pasya ng lolo niya na ipakasal siya kay Kuya Salvador.
Wala itong sinabing dahilan kung bakit nais nitong ipakasal siya sa kaibigan nito. Sa hula niya ay dahil iyon sa financial status nila.
Sinabi niya rito na kung dahil lang sa naghihirap na sila kaya siya ipakakasal nito sa lalaking hindi naman niya mahal ay hindi sapat na dahilan iyon. Sinabi niyang kaya niyang magtiis. Na nakahanda siyang huminto sa kanyang pag-aaral para makapaghanap lang ng trabaho. Na makakaraos din silang maglolo.
“Hindi lang 'yon ang dahilan kaya ko naisip na ipakasal ka kay Salvador,” malumanay namang sagot nito kahit alam niyang batid nito na galit siya.
“Ano pa po bang dahilan, Lolo? Hindi ko mahal si Kuya Salvador. Alam ninyo 'yan. Matitiis ba ninyo na habang-buhay akong magdusa sa piling niya? At siya, alam kong hindi rin niya ako mahal. Baka napipilitan lang din siyang pakasalan ako dahil natatakot siyang may mangyari sa inyo kapag tumanggi siya.”
“Gusto rin ni Salvador ang gagawin ninyong pagpapakasal kaya wala kang dapat ipag-alala.”
“Hindi ako naniniwala!” matigas na pahayag niya.
“Andrea, walang makapagdidikta kay Salvador kung ayaw niyang gawin ang isang bagay. Malungkot siya. Matagal na siyang malungkot sa pag-iisa. Bakit hindi ka niya gugustuhing pakasalan? Kaya ngayon pa lang ay pag-aralan mo nang mahalin siya. Dahil hindi na magbabago ang pasya ko na ipakasal kayong dalawa,” maawtorisadong pahayag nito.
Napaiyak na naman si Andrea. “P-pero, Lolo, hindi po ba kayo naaawa sa akin? Habang-buhay akong magtitiis sa piling ng isang lalaking hindi ko mahal at halos ama ko na.”
“Balang-araw, mauunawaan mo rin ako kung bakit ko ginagawa ito.”
Lalo siyang napaiyak sa pinalidad sa tinig ng kanyang abuelo.
Nang gabing iyon halos magdamag siyang gising. Hindi nawawala ang bigat sa dibdib niya. Masamang-masama ang loob niya sa kanyang lolo. At napakaraming katanungan sa isip niya tungkol sa pasya nito ang hindi niya mahanapan ng sagot.
Kinabukasan, hindi pa siya nag-aalmusal ay naroon na naman si Kuya Salvador. “Get yourself ready, Andrea,” anito. “Pasasamahan kita sa sekretarya ko para lakarin ang pagkuha mo ng passport.”
“Aanhin ko naman ang passport?” medyo inis na tanong niya. Ni hindi niya inalok ito na sabayan siya sa pag-aalmusal.
“Sa Hong Kong tayo pakakasal.”
“Bakit naman doon pa?”
“Dahil kung doon tayo pakakasal, kapag hindi ako nakatagal sa pakikisama sa 'yo, puwede kitang idiborsiyo.” Diretsong nakatingin ito sa mga mata niya habang sinasabi iyon.
Saglit siyang nasupalpal sa sinabi nito. Para bang tinatakot siya nito na kung hindi siya magbe-behave ay ididiborsiyo nga siya kapag nakasal na sila at hindi nagkasundo. “Kung hindi mo rin gusto ang pagpapakasal sa akin, bakit pumayag ka na ipilit 'yon ni Lolo?”
“You’re greatly mistaken. Gusto ko ang gagawin kong pagpapakasal sa 'yo. 'Yan ang lagi mong ilagay sa utak mo. Pero may pasensiya rin ako na puwedeng masagad. 'Yon ang mas ilagay mong lagi sa utak mo. Hihintayin kita sa ibaba.”
Tatalikod na ito nang tawagin niya. “Sandali!”
“Bakit?” pormal at tila nagtitimpi na tanong nito.
Nakadama siya ng bahagyang takot dito. Para bang isa siyang paslit at ito ay ama niya na ano mang oras ay magpaparusa sa kanya. “H-hindi ako puwedeng lumabas nang ganito ang hitsura ko. Hindi mo ba nakikita kung gaano kamaga ang mga mata ko?”
BINABASA MO ANG
Braveheart 17 Quinlan Ungpauco (Lost-cause Hero) COMPLETED
RomancePhr Book Imprint Published in 2007 "I still long for you, Andrea. I still long to be able to stare into your eyes. Those expressive eyes that say you still love me as much as I still love you..." Aksidente lang ang pagkikita nina Quin at Andrea. Tin...