6. Moving On

4.2K 114 19
                                    


“Sabihin mo nga sa 'kin, hindi ka ba talaga minamaltrato ng Salvador na 'yon?” parang imbestigador na usisa kay Andrea ni Dondi.

Nagkita rin sila nito. Pinag-enroll siya ni Salvador kaya napilitan siyang magpunta sa school. At dahil nanghihinayang siya sa huling semestre upang matapos na niya ang kolehiyo ay nagpasya siyang tapusin na iyon.

Katakut-takot na interogasyon ang inabot niya kay Dondi. At marahil kung wala lang date si Yessa, malamang na pati ito ay inulan din siya ng mga tanong. Napilitan siyang magkuwento rito.

“Hindi nga. Bakit mo naman nasabi 'yan?”

“Bakit, hindi ka ba nagsasalamin? Tingnan mo nga ang sarili mo. Ang laki na ng ipinayat mo.”

Bumuntong-hininga siya. “Hindi lang ako napagkakatulog lately.”

Umilaw ang mga mata nito sa kapilyuhan. “'Oy, bakit, grabe ba ang appetite niya sa sex?”

Kamuntik na niyang natakpan ang nguso ng kaibigan. “'Yang bibig mo, ano ka ba?”

Irap lang ang iginanti nito sa pananaway niya. “Ano ba ang masama sa sinabi ko? Sa talagang 'yon naman ang ginagawa ng mga magdyowa, ah.”

May respeto siya sa kanyang asawa kaya kahit kay Dondi na best friend niya ay hindi niya maaaring ipagtapat ang totoong sitwasyon nila ni Salvador. “Hindi ang iniisip mo ang dahilan ng pamamayat ko,” sabi na lang niya.

“Alam ko naman, si Quin. Si Quin na hindi man lang tumulong sa 'yo noong panahong kailangang-kailangan mo siya.”

“Dondi, unfair naman yata na sabihin mo 'yan. Hindi alam ni Quin ang naging problema namin ni Lolo. At siya rin ay may problema sa kanilang negosyo sa Australia.”

“'Yon na nga, eh. Nasabi niya na may problema sila roon. Pero ikaw, sinarili mo ang problema mo. 'Yon ang unfair.”

“Dondi, hin—”

“At alam mo ba kung ano ang mas unfair pa doon?” agaw nito sa sinasabi niya. “'Yong hindi mo pagtatapat sa kanya na may asawa ka na.”

Parang maiiyak na naman siya. “G-gusto ko kasing kalimutan na lang niya ako.”

“Paano ka makakalimutan n’ong tao kung nag-iwan ka sa kanya ng mga tanong na hindi nasagot?”

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Ang ibig ko pong sabihin, iniwan mo siyang nakabitin sa ere. Umalis siya rito na MU na kayo kahit wala pa kayong commitment sa isa’t isa. Nagtatawagan kayo at nagsusulatan. 'Tapos, biglang-bigla, hindi mo na sinagot ang mga e-mails niya at hindi na ikaw ang nakakasagot ng mga tawag niya. At ang pinakamasakit sa lahat, sa ibang tao pa niya nalaman na nag-asawa ka na. Gets mo?”

Nasupalpal siya sa mga sinabi nito. May katwiran naman talaga si Dondi. Siya nga talaga ang mali. Napakalaki ng kasalanan niya kay Quin. 

Nang gabi ring iyon ay nagpasya siya na mag-e-mail kay Quin. Sinulatan niya ito. Humingi siya ng tawad sa binata at ipinagtapat niyang pinilit siyang ipakasal ng lolo niya. Halos hindi niya maitipa ang huling bahagi ng sulat. I am now a married person. I hope this will be the last of our correspondence. Let’s just forget we ever met before.

Sumagot si Quin sa e-mail niya. Ngunit tulad ng mga unopened e-mails para sa kanya na huli nitong ipinadala ay hindi rin niya binuksan iyon.

Nang magbukas ang klase ay pumasok nga uli siya. Unti-unti niyang napansin ang madalas na pananahimik ni Salvador. Nagsasalita lang ito kapag tinatanong niya o may itatanong ito sa kanya. Hindi na ito nagkukuwento. Hindi na rin sila nagtatalo. Kaya isang gabi pagkagaling nito sa opisina ay kinausap niya ito.

Braveheart 17 Quinlan Ungpauco (Lost-cause Hero) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon