Malakas ang kaba ni Andrea nang makitang napakalapit lang pala ni Salvador sa kanila ni Quin. Narinig kaya nito ang pinag-uusapan nila ng binata?
“S-Salvador, dumating ka na pala,” nakuha niyang sabihin kahit kinakabahan. Natatakot siyang gumawa roon ng eksena ang kanyang asawa. Ngunit nang batiin at kamayan ito ni Quin ay gumanti rin ito ng pagbati.
“Oo, kaaalis n’yo lang daw ng lolo mo nang dumating ako sa bahay. At dahil may imbitasyon din ako rito galing kay Yuan Ungpauco, naisip kong dumalo na lang. 'Yon pala, makikita ko rin kayo dito.”
Ang Yuan Ungpauco na tinutukoy nito ay ang tiyuhin ni Quin. Tama nga pala ang palagay ng binata. May kakilala roon ang asawa niya. Ang mismong tiyuhin pa nito.
Naputol ang pag-uusap nila nang lapitan sila ng tiyuhin ni Quin. Kinausap nito si Salvador. Ipinakilala naman siya ni Salvador dito.
Kahit saan magpunta si Salvador ay hawak ang kamay niya. Kaya hanggang sa umuwi na sila ay hindi na sila nagkausap pa ni Quin.
“I told you to be discreet with your affairs,” banat kaagad ni Salvador sa kanya nang makapasok sila sa loob ng kanilang silid, galit ang hitsura. Kanina, habang nasa kotse silang tatlo ng lolo niya ay kaswal lang ang pakikipag-usap nito. Nagtitimpi lang pala ito ng galit. “Pero ano’ng ginagawa mo? Nakikipagkita ka sa lover mo in public places.”
“Hindi ko lover si Quin,” pagtatanggol niya sa sarili. “Pinagbigyan ko lang ang imbitasyon niya sa ribbon cutting dahil naaawa ako sa kanya. Dahil may kasalanan ako sa kanya. Kaya nga isinama ko doon si Lolo. Pinoprotektahan ko rin ang reputasyon mo bilang asawa ko.”
“Pero ano naman ang ginagawa ninyo? Nakikita ng lahat kung gaano ka-intimate ang pag-uusap n’yo.”
Napailing siya sa paratang nito. “Bahala ka na kung ano ang interpretasyon mo sa nakita mo. Malinis ang konsiyensiya ko. Wala akong ginagawang masama. Wala akong ginagawang pagtataksil sa 'yo.”
Nag-iinit na ang sulok ng kanyang mga mata. Kahit ano pala ang pag-iingat niya, kahit ano ang pag-iwas niyang magkasala ay mapaparatangan pa rin siya.
“Pero hanggang kailan, Andrea? He was bent on winning you back.”
“Hindi mangyayari ang gusto niya dahil umaayaw ako.”
Hinagod ni Salvador nang marahas ang buhok nito. “Hanggang kailan ka aayaw? Hanggang kailan mo aayawan ang isang bagay na alam natin na gusto mo naman?” Iyon lang at tinalikuran na siya nito. Nagtuloy ito sa banyo.
Siya naman ay tahimik na lumuha na lang. Kailangan na talaga niyang umiwas kay Quin. Napaghihinalaan na siya ng kanyang asawa.
ISANG linggo ang mabagal na lumipas. Araw-araw ay pinangangambahan ni Andrea na baka bigla na naman siyang kausapin ni Quin. May mga pagkakataon kasing sabay silang nagtatanghalian ni Salvador. Kung minsan ay dumadaan ito roon upang magsabay sila sa tanghalian.
Mukhang ginuguwardiyahan siya ng kanyang asawa. Natatakot siyang magpang-abot ito at si Quin. Ayaw niyang magkasakitan ang dalawa.
Umabot sa dalawang linggo na wala siyang naririnig mula kay Quin. Hindi niya maalis sa sarili na hindi mag-alala. Sumasagi na sa isip niya na baka pinababayaan na nito ang sarili. Na baka umalis na ito ng Pilipinas nang hindi nagpapaalam sa kanya.
Isang araw, nang hindi na siya makatiis ay nag-undertime siya sa opisina. Pumunta siya sa bagong tindahan ni Quin. Alam niyang kahit wala roon ang binata ay siguradong alam ng mga empleyado nito kung pumupunta pa ito roon o hindi na.
Kabababa pa lang niya ng taxi ay siya namang paglabas ni Quin sa entrance door ng tindahan. Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag nang makita ito. Hindi pa naman pala ito umaalis.
BINABASA MO ANG
Braveheart 17 Quinlan Ungpauco (Lost-cause Hero) COMPLETED
RomancePhr Book Imprint Published in 2007 "I still long for you, Andrea. I still long to be able to stare into your eyes. Those expressive eyes that say you still love me as much as I still love you..." Aksidente lang ang pagkikita nina Quin at Andrea. Tin...