2. Got To See You Again

5K 127 22
                                    




“Dondi, hindi puwede kay Lolo ang chico. Kino-constipate siya sa prutas na 'yan. 'Yong atis na lang at ponkan ang idagdag natin dito sa grapes. Favorite niya ang mga 'yon,” wika ni Andrea sa kaklase at kaibigan. Nang mga sandaling iyon ay nasa fruit stand sila na malapit sa kanilang eskuwelahan.

Nang umagang iyon, bago siya umalis ng bahay ay nag-abot ang lolo niya ng limandaang piso. Bumili raw siya ng prutas at hindi na bumibili niyon ang Tita Olga niya.

Alam naman niyang may mga prutas sa bahay nila. Ngunit itinatago iyon ng Tita Olga niya sa personal ref na nasa silid ng mga ito. Pinagkakaitan nito silang maglolo. Hindi bale sana kung siya na lang. Pero ang lolo niya ay matanda na. Dapat nga ay ipakain na rito ang lahat ng mga pagkaing gusto nito. Ilang panahon na lang ba ang ilalagi nito sa mundo? Dapat, pinasasaya na lamang nilang lahat ang kalooban ng matanda.

“Hindi ba, favorite din naman ng Lolo Pedrito mo ang chico? Saka hinog na ang mga ito, o,” anito, sabay pindot sa nakatumpok na chico sa fruit stand.

Pasimpleng hinila niya ang manggas ng uniporme ni Dondi nang makita ang matalim na sulyap dito ng tindera. “Dondi, ano ba? Huwag mo nang pindutin. Hindi naman tayo bibili.”

Nanulis ang nguso nito at tumaas ang baba na tila paslit na napagalitan ng ina. “Chorvah!” maarteng irap nito sa kanya.

Natawa siya sa puntong iyon. Lumilitaw talaga ang kabaklaan nito tuwing nagagalit. Binalingan niya ang tindera. “Ate, kukuha pa po kami ng isang kilong atis, kalahating hinog at kalahating hilaw. 'Yong sukli po, ponkan na lang lahat.”

Pumipili na ang tindera ng mga atis nang mapansin niya ang lalaking paparating. Nakatingin ito sa malalaking suha malapit sa tabi niya.

“Quin?” tawag niya rito.

Biglang napalingon ito sa kanya. Halatang nasorpresa rin ito at nspangiti. “Andrea! 'Good to see you again.”

Nginitian niya ito. “Mabuti naman pala, natatandaan mo pa ako.”

Tumawa ito at sumulyap sa katabi niyang si Dondi. “Hindi pa naman ako malilimutin. Kasama mo pala ang boyfriend mo.”

Inirapan ito ng kaibigan niya. “Excuse me, hindi niya ako boyfriend. I’m just her best friend.”

Kamuntik na siyang matawa nang makitang nagulat si Quin. Saglit na napanganga pa ito. “I see. I’m sorry.”

“'Nga pala, Quin, si Dondi, classmate at best friend ko. Dondi, siya 'yong ikinuwento ko sa 'yo na tumulong sa akin nang matamaan ako ng supot ng basura.”

Iniabot kaagad ng kaibigan niya ang kamay nito kay Quin. Nagbatian ang dalawa.

Batay sa pagpapapungay ng mga mata na ginawa ni Dondi kay Quin ay tiyak na naguwapuhan ito sa lalaki.

“Pauwi na ba kayo niyan?” tanong sa kanya ni Quin.

“Oo, pagkatapos naming bumili. Ikaw? Pauwi ka na rin ba?”

“Pauwi na rin ako. Bibili rin ako ng pasalubong sa pamangkin ko at kay Mama. Sumabay na kayo sa akin.” Bumaling ito sa tindera at sinabing bibili ito ng suha, at ng red at green apples.

Isinakay nga sila ni Quin sa kotse nito.

“Noong isang araw, nakita rin kita sa tapat ng bahay ninyo,” sabi sa kanya nito nang pausarin na nito ang sasakyan. Sa front seat siya nakaupo at sa likod naman pumuwesto si Dondi.

“Talaga? Bakit hindi mo ako tinawag?”

“Akala ko kasi, boyfriend mo itong si Dondi. Nakita ko kasing magkaakbay kayong dalawa. Baka alam mo na, mapagselosan pa ako. Mahirap na.”

Braveheart 17 Quinlan Ungpauco (Lost-cause Hero) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon