Ilang mababagal na sandali ang lumipas bago may umimik sa sino man sa kanila.
Si Quin ang bumasag sa katahimikan. "Magandang hapon sa inyo. Pasensiya na kayo kung bigla na lang akong sumulpot dito. I came here straight from the airport. Akala ko, hindi ka busy, Andrea. Gusto sana kitang makausap."
Hindi umimik si Salvador ngunit nakatingin ito sa kanya, obviously ay hinihintay nitong siya ang manguna upang pare-pareho silang makawala sa awkward na sitwasyon.
Napilitan siyang ipakilala ang mga ito sa isa't isa. "Ahm, Salvador, this is Quin Ungpauco, a friend of mine. Quin, si Salvador, a-asawa ko."
Nakita niya ang haplit ng kirot sa mga mata ni Quin. At parang sa dibdib niya lumatay ang kirot na iyon. Parang ang haplit na iyon ang pumukaw sa damdamin na pinatulog lang niya sa kanyang dibdib mula nang maging asawa niya si Salvador.
Nagkamay ang dalawa habang siya ay hindi mapakali. Hindi niya inaasahan na ang muling pagkikita nila ni Quin ay sa harap pa ni Salvador.
Muli siyang kinausap ni Quin. "Are you free tomorrow? Puwede ba tayong mag-usap bukas?"
Ang lakas naman ng loob ng lalaking ito. Sa harap pa ng kanyang asawa hinihiling na makausap siya. Gustung-gusto rin niya iyon ngunit hindi niya alam kung paano sasagot nang hindi masasaktan si Salvador.
Ito na ang sumagip sa kawalan niya ng maisasagot. "Yeah, she's free tomorrow. Bukas ka na lang bumalik."
Napatingin siya sa kanyang asawa. Hindi niya inaasahang iyon ang isasagot nito. Alam niya na kahit wala pa siyang sinasabi nahuhulaan na nito kung sino talaga si Quin sa buhay niya.
"Salamat." Tinanguan ito ni Quin. Pagkatapos ay nagpaalam na ito.
Walang imik si Salvador habang sakay sila ng kotse patungo sa sorpresang sinasabi nito. Nawala ang excitement nito kanina. Naging pormal na ito.
Hindi niya alam kung ano ang iniisip ni Salvador sa biglang pagpapakita ni Quin. Hindi niya alam kung paano huhulaan ang iniisip nito.
Siya ang hindi nakatiis sa pananahimik ng asawa. "Bakit sinabi mo 'yon kay Quin? Bakit pinabalik mo pa siya?"
"Kaibigan mo 'kamo siya, 'di ba? At sabi niya, kadarating lang niya. I presume galing siya ng ibang bansa. Natural lang naman siguro na gusto niyang magkabalitaan kayo. Kaya bakit hindi ko siya pababalikin?"
Manhid ba ito o nagkukunwaring manhid? Hindi na lang siya umimik. Baka masira pa ang gabi nila.
Isang party pala ang pagdadalhan sa kanya ni Salvador. Ang venue ay sa isang napakalawak na flower garden ng isang mansiyon sa outskirts ng Metro Manila. May nga nakakalat na canopied tables sa paligid ng isang malaking gazebo na nagsisilbing center stage.
Ipinakilala siya ni Salvador sa isang Mr. Aguila, business associate nito. Ito raw ang may-ari ng mansiyon.
Nagulat siya sa naabutan nila. May nagpe-perform sa gitna ng gazebo. Isang grupo iyon ng mga batang singers na ang mga boses ay parang boses ng mga umaawit na anghel. Ang mga batang iyon ang gustung-gusto niyang panoorin sa TV tuwing magtatanghal sa iba't ibang programa ng isang kilalang TV network.
Marahil napapansin ni Salvador ang pagkagiliw niya sa mga batang iyon. Kaya nang malaman nito na bisita ang grupo sa party ay naisip nitong isama siya.
Nakangiti na napatingala siya sa kanyang asawa. "Thank you. Salamat na naisip mong isama ako rito. Gustung-gusto ko talaga sila."
Inakbayan siya nito at pinisil sa kanyang punong-braso sabay sa pagkikibit nito ng mga balikat. Pagkatapos ay iginiya siya nito sa isang mesa.
BINABASA MO ANG
Braveheart 17 Quinlan Ungpauco (Lost-cause Hero) COMPLETED
RomancePhr Book Imprint Published in 2007 "I still long for you, Andrea. I still long to be able to stare into your eyes. Those expressive eyes that say you still love me as much as I still love you..." Aksidente lang ang pagkikita nina Quin at Andrea. Tin...