Chapter Nineteen

130 7 0
                                    

Art


Habang papalapit nang papalapit ang anino sa akin ay napansin kong marami itong dala-dala. Kaya naman agad akong tumayo mula sa pagkakaupo ko sa buhangin at bilis-bilis ko siyang nilapitan. Alam kong kapag sinabihan ko pa siyang tutulungan ko siya ay aayaw lang din. Kaya inagaw ko na lang mula sa kanyang kaliwang braso ang isang nakaipit na sleeping bag at ang nakarolyong tent mula naman sa kanang kamay.

Hindi na siya nakaangal sa ginawa kong iyon. Inilapag namin sa buhangin ang lahat ng mga idinala niyang kagamitan.

Sinimulan niyang itayo ang tent habang ako naman ay patuloy sa paggatong ng kahoy sa gutom na gutom na apoy.

Makalipas ang ilang sandali at ay natapos siya sa itinayo niyang tent at ipinasok dito ang mga tutulugang sleeping bag. Dala rin niya ang basket na ginamit rin namin sa taniman ng ubas nitong umaga. Saglit kong naalala ang ginawa niya sa akin.

"Dito talaga tayo matutulog?" Tanong ko sa kanya.

"Eh ano pa? Matatatawag bang camping kung hindi?" Patanong naman nitong sagot sa akin. Salubong ang kilay ko nang tignan ko siya at dahil doon ay napatawa lang siya.

"Dito ka nga umupo sa tabi ko, mabuhangin diyan." Pag-aya niya sa akin dahil nakaupo siya sa bunganga ng tent

"Eh malamang, sa buhangin ako naupo eh." Mahina ko namang pambara sa kanya habang tumatayo. Narinig niya iyon dahil napatawa lang ulit siya.

Nang makaupo ako ay inabutan niya ako ng ubas at nakangiti ko namang kinuha ito. May inilabas din siyang pakete ng marshmallows. Binuksan ito at tinuhog ang ilang piraso nito ng mahabang stick. Inilapit niya ito sa tumitilamsik na apoy upang gawing s'mores.

Tahimik kami pareho at habang nakatingala ako sa mga bituin na kumakain ng ubas ay naamoy ko ang iniaabot niya sa akin mula sa tapat ng mukha ko.

"Oh. Ang lalim ng iniisip mo ah." Pag-aya niya sa akin ng ginawa niya. Dalawa pala yung hawak niyang stick na may nakatuhog na s'mores kaya inabot ko ang isa nang nakangiti.

Napansin kong may kinakapkap siya sa kanyang bulsa at doon ko lamang nakita ang inilabas niyang telepono. Binalot ng puting liwanag ang kanyang mukha na nagmumula sa kanyang telepono. Nagtagal pa ang kanyang mga tingin doon nang biglang may lumabas na tugtog dito.

Nilingon niya ako at saka tinapunan ng matamis na ngiti. Nginitian ko rin siya pabalik at saka ipinagpatuloy ang kinakain ko. Habang tumatagal ay doon ako mas naliliwanagan sa kung anong uri ng musika ang kanyang pinapatugtog.

Jazz, at mula sa pagkakadinig ko, sa tingin ko'y si Michael Bublé ang umaawit. Masarap pakinggan. Banayad sa tainga. At mas nagiging masarap sa pakiramdam ang gabing ito.

Habang kinakain ko ang ibinigay sa akin ni Joaquin ay napagdesisyunan kong basagin ang katahimikang kanina pa namumuo sa aming pagitan.

"Joaquin." Pagtawag ko sa kanya. Hindi siya sumagot ngunit nilingon niya ako.

"Bakit?" Dagdag ko.

"Hmm? Anong bakit? Ayaw mo ba nung tugtog? Yung pagkain ba? Anong—" Sunod-sunod nitong balik sa akin na tila naguguluhan ngunit agad din akong nagsalita.

"Bakit mo 'ko hinalikan?"

Hindi siya nakasagot dahil nanatili lamang siya sa pagtitig sa akin. At ako naman ay nagpatuloy na lamang sa pagsasalita.

"Bakit ba ayaw mong pigilan yung nararamdaman mong pagka-akit sa'kin Joaquin? 'Yun ang sabi mo eh. Bakit ba ang hirap para sa'yo na sundin yung bagay na 'yun para sa'kin?" Tanong ko sa kanya.

Enchanted to Meet You (BoyXBoy) [√]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon