Chapter Twenty-Two

71 4 0
                                    

Art

“Saan nga ulit tayo pupunta?” Tanong ko kay Joaquin habang abala siya sa pagmamaneho. Kanina pa kaming nasa biyahe ngunit ngayon ko lang siya naisipang tanungin dahil parang ang layo ng aming pupuntahan.

“We’re here!” Sambit naman agad nito sa akin. Agad kong sinuri ang lugar ngunit parang hindi ko makita kung anong espesyal sa lugar na ito. Hindi naman sa nag-iinarte ako pero, sige nag-iinarte nga ako ngunit hindi ko makuha kung bakit kailangan pa naming bumiyahe nang ganun kalayo para lang makakita ulit ng dagat? Eh hindi ba’t dagat na nga yung nasa likod ng bahay nila?

Binigyan ko siya ng tingin na tila naguguluhan ngunit binalewala niya lang iyon. Lumabas siya ng sasakyan at tumungo sa aking pintuan upang pagbuksan ako. Hindi pa rin ako umimik nang bigla niyang abutin ang aking kamay, “Tara na!” Sambit nito sa akin.

Wala naman akong nagawa kundi ang sumunod na lamang sa kanya. Sa totoo lang, wala naman akong problema eh, ang kaso ay hindi ko lang talaga maintindihan. Pero kahit saan pa man kami mapunta, mapa-dagat man yan, bundok o kabukiran basta’t siya yung kasama, tiyak na buong-buo na ang kaligayahan ko.

Hinayaan ko lamang siyang hilain ako patungo sa kung saan, hindi ko malaman dahil ayaw nga niyang sabihin. Kung ikukompara ko naman ang dagat na ito doon sa nasa likuran ng bahay nina Joaquin ay hindi maikakailang mas natatangi ang kagandahan nito.

Hindi ganoong ka-puro ang buhangin dito ngunit putting puti at siguro’y binubuo ito ng mga maliliit na kabibi at mga patay at basag-basag na mga koral. At kung mas pagmamasdan naman ang tubig ay napakalinaw nito. Banayad lang ang paghampas ng bawat alon, masasabing maganda ang ihip ng panahon ngayon.

Pabilis nang pabilis ang aming paglalakad hanggang sa tumatakbo na nga kami ngayon. Ngunit bigla siyang huminto upang habulin ang kaniyang paghinga. Hindi na nga namin mapigilan ang aming mga sarili at tuluyan na lamang kaming nagtawanan dahil para kaming mga batang nakawala mula sa mahigpit na hawak ng mga magulang at nakipaglaro sa ibang bata. Na kung tutuusin ay parang ganun nga talaga ang nangyayari ngayon.

Tinitigan niya lamang ako at kung ako lang ang masusunod ay gugustuhin kong huwag nang umalis pa ang mga titig na iyon. Manatili na lamang sa piling ni Joaquin at patigilin ang pagpatak ng bawat oras. Gugustuhin ko na lamang titigan ang napakaganda niyang mukha kahit araw-araw pa. Hinding-hindi ako magsasawa.

Naglakad siya patungo sa aking likuran at sinundan ko lamang siya ng tingin. Inilagay niya ang kaniyang mga kamay sa aking ulo at dahan-dahan niya itong ipinihit sa tanawing nasa aming harapan. Medyo malayo ang natanaw ng aking mga mata kaya’t hindi ko napigilang mamangha. Gumuhit sa aking mga labi ang ngiting siya lamang ang nakakapagdulot. Ang mga ngiting iyon ay unti-unting bumuka hanggang sa ngayon na ako na’y naka-nganga.

Natanaw ng aking mga mata ang isang lumang parola. Isa na naman sa aking mga hiling ang kaniyang natupad. Matagal ko na kasing gustong makakita ng parola. May pagka-malalim kasi ang ibig sabihin nito para sa akin at isa pa ay mayroon ako noong isinulat na kwento tungkol dito. Hindi ko lang alam kung naikuwento ko na iyon kay Joaquin kaya niya ako naisipang dalhin dito. Ngunit kahit ano pa man ay labis ang kasiyahang nadarama ko sa mga oras na iyon.

“Uy, bakit? Ba’t ka umiiyak?” Tanong nito nang humarap siya sa akin at dahan-dahang ipinahid ang kanyang hinlalaki sa aking pisngi.

“W-wala, wala. Sorry.” Tugon ko na parang natatawa.

“Are you sure?” Tanong ulit nito sa akin, tila hindi nakumbinsi sa aking naging tugon.

“Oo, masaya lang talaga ako.” Sambit ko.

“Masaya? Eh may masaya bang umiiyak?” Saglit akong napasinghal sa sinabi niya at tinapunan siya ng ngiti.

“Seriously. Masaya lang talaga ako Joaquin,” mahinahon kong panimula. “It’s just that, you never cease to surprise me.”

Enchanted to Meet You (BoyXBoy) [√]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon