Pokus ng Pandiwa
Ang POKUS NG PANDIWA ay isang relasyong pansemantika sa paksa o simuno sa pangungusap. Ito ay naipapakita sa pamamagitan ng taglay na PANLAPI ng pandiwa.
PITONG (7) URI NG POKUS NG PANDIWA
1. POKUS SA AKTOR O TAGAGANAP- ang paksa ang tagaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na “sino?”. Ang mga panlaping maaaring gamitin ay mag-, um-, mang-, ma-, nag-, maka-, makapag-, maki-, at magpa-.
Halimbawa: Si Ian ay humingi ng payo sa kanyang kapatid tungkol sa kanyang suliranin.
2. POKUS SA LAYON O GOL- ang paksa ang layon ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na “ano”?. Ang mga panlaping maaaring gamitin ay -in-, -i-, -ipa-, ma-, at -an.
Halimbawa: Binili ni Rosa ang bulaklak.
3. POKUS SA LOKATIB O GANAPAN- ang paksa ang lugar na ginaganapan ng pandiwa sa pangungusap. Ito ay sumasagot sa tanong na “saan”?. Ang mga panlaping maaaring gamitin ay pag-, -an, -han, ma-, pang-, at mapag-.
Halimbawa: Ang tindahan ang pinagbilhan ni Rosa ng bulaklak.
4. POKUS SA BENEPAKTIB O TAGATANGGAP- ang paksa ang tumatanggap sa kilos ng pandiwa. Ito ay sumasagot sa tanong na “para kanino”?. Ang mga panlaping maaaring gamitin ay i-, -in, ipang-, at ipag-.
Halimbawa: Ibinili ni Rosa ng bulaklak ang Mahal na Birhen.
5. POKUS SA INSTRUMENTAL O GAMIT-ang paksa ang kasangkapan o bagy na ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa. Ito ay sumasagot sa tanong na “sa pamamagitan ng ano”?. Ang mga panlaping maaaring gamitin ay ipang-, at maipang-.
Halimbawa: Ipinanghambalos niya ang hawak na tungkod sa magnanakaw.
6. POKUS SA KOSATIB O SANHI- ang paksa ang nagpapahayag ng sanhi ng kilos ng pandiwa. Ito ay sumasagot sa tanong na “bakit”?. Ang mga panlaping maaaring gamitin ay i-, ika-, ikina-, at ikapang-.
Halimbawa: Ikinatuwa namin ang pagluluto ng masarap na ulam ng aming nanay.
7. POKUS SA DIREKSYUNAL- ang paksa ang nagsasaad ng direksyon ng kilos ng pandiwa. Ito ay sumasagot sa tanong na “tungo saan/kanino”? Ang mga panlaping maaaring gamitin ay -an, -han, -in, at -hin.
Halimbawa: Sinulatan niya ang kanyang mga magulang.