"Isang araw na palugit lamang ang maibibigay ko sa'yo, ineng. Kapag hindi niyo pa nabayaran ay baka kunin ko ang inyong lupa." Humigpit ang kapit ko sa strap ng aking bag dahil sa sinabi ng babae sa akin."Nagkasakit nga ho ang aking kapatid at nagamit ho namin ang pera. Ginagawa naman ho nina mama at papa ang lahat para mabayaran namin kayo." Saad ko ngunit tumawa lamang ang matandang babae.
"Bakit hindi ka parin nagkasakit?" Tanong nito na ikinakunot ng noo ko. Sa ngayon pakiramdam ko ay sasabog ako anumang oras. Hindi marunong umintindi ang isang ito, palibhasa ay iniwan ng mga anak at asawa dahil sa pangloloko niya.
"Bakit ho kaya hindi kayo ang magkasakit at maghirap?" Gustuhin ko mang isumbat sa kanya pero naisip ko sila mama at papa dahil hindi ako maaaring maging dahilan para mawala ang tanging pamana ng kanilang mga magulang. Kinalma ko ang aking sarili at sumagot.
"Sana ho ay maintindihan niyo kami. Babayaran ho namin iyong 30k na ipinahiram niyo. Bigyan niyo lang ho kami ng palugit kahit ho mga dalawang linggo." Saad ko. Sa una ay mukhang napilitan lamang ito ngunit sumangayon din sa aking sinabi.
"Sige. Sa loob ng dalawang linggo ay dapat mabayaran niyo ako." Tumango ako at nagsimulang maglakad palabas ng bahay nila.
Nakita ko si Janine sa labas ng bahay ng kanyang lola na parang humihingi sa akin ng tawad. Tumango ako rito at ngumiti. Hindi naman sila pareho ng lola niya at wala naman siyang kasalanan sa akin, isa pa ay kaibigan ko siya.
Habang naglalakad ay parami nang parami ang gumugulo sa utak ko. Hindi ko maintindihan kung bakit nagkaganito ang pamilya namin. Maayos naman kami dati. Kung tutuusin ay nakakakain kami ng higit sa tatlo sa loob ng isang araw at may maayos namang trabaho sila mama at papa. Nagbubukid si papa at may grocery store naman si mama. Nagkataon lamang na naoperahan ang aking kapatid kung kaya't malaking pera ang aming nagastos.
Biglang nag-ring ang phone ko kaya kinuha ko ito sa aking bulsa.
Mama calling...
Sinagot ko agad ang tawag at pinara ang paparating na tricycle.
"Hello po, Ma?" Saad ko.
"Saan ka, neng?" Rinig kong tanong ng driver. Humarap ako sa kanya at sinabi kung saan ako bababa.
"Kuya, sa may San Vicente lang."
Binalik ko kay mama ang atensiyon ko at kinausap siya habang nilalakbay ko ang daan papuntang boarding house namin.
"Kumusta na anak?" Tanong ni mama.
"Ayos lang naman po ako mama, pauwi na po ako ngayon."
"Mabuti naman. Si papa mo ang kasama namin dito ni Liyah sa atin. Tumawag na ba sa'yo ang kuya mo?"
"Hindi pa po, mama. Baka po mamaya siya tatawag."
"Kamustahin mo nga iyon at sabihin mo ay tumawag din dito pagkatapos dahil ako'y may sasabihin kamo sa kanya."
"Sige po, Mama."
"Nakausap mo na ba si Aling Josephine? Pasensiya na anak at ikaw ang napagutusan ko, napakalayo kasi niyan dito."
"Okay lang po yon, Ma. Ako po'y nakihingi ng dalawang linggong palugit para sa nahiram nating pera."
"Ay siya sige at gagawa kami ng papa mo ng paraan."
"Si kuya po ba mama?"
"Sa isang buwan pa magpapadala ang iyong kuya, siguradong hindi iyon aabot."
"Basta po ma kapag may pera ako dito ay ibibigay ko po sa inyo pangdagdag."
"Naku, ay huwag na at kailangan mo iyan. Pagigihan mo nalang ang iyong pag-aaral at wag mo na kaming isipin dahil ayos lang naman kami."
"Opo, Ma."
Huminto ang tricycle at inabot ko ang bayad ko bago ako bumaba.
"Kumain na po ba kayo?"
"Hindi pa. Maya-maya raw sabi ni papa mo."
"Ah, okay po." Binuksan ko ang gate at kinuha ang susi ng bahay mula sa bag ko.
"Nandiyan kana sa boarding house?"
"Kararating lang po, Mama."
"Ay siya sige at papatayin ko na itong tawag. Wag mong kakalimutang umuwi sa Sabado ah? I love you, nak." Tumango-tango ako kahit alam ko namang hindi makikita ni mama ang ginagawa ko. Narinig ko sa kabilang linya si Liyah at narinig ko lamang ang sinabi niya nung nilapit niya ang mukha niya sa phone ni mama.
"I love you ateeeee."
"I love you too po, Mama at Liyah. Pakikumusta na lang po ako kay papa. Kain na rin po kayo. Ingat po kayo lagi."
"Sige anak, magiingat ka rin diyan."
Nang natapos ang tawag, ibinaba ko ang bag ko sa kama ko. Humiga ako at naghanda sa pagtulog. Wala naman na akong klase mamaya, itutulog ko nalang muna ito.
Bago ko maipikit ang mata ko ay nagvibrate ang phone ko. Sinulyapan ko ito at nakita ang notification na may nag-add sa rpa ko.
Krystal added you.
accept|delete requestInaccept ko ito bago patayin ang phone ko. Ayoko muna ng istorbo dahil pakiramdam ko ay pagod na pagod ako at tulog lang ang tanging kailangan ko.