***
It was raining again. I've been waking up to damn August rain for most of August. I like the rain but only at night. I especially do not like waking up on it.
After cursing the constant downpour that's out to destroy the roof, I rolled from the smelly bed and got up. Basa ang paanan ng higaan. Mapupuno na rin ang kalapit na lababo ng tumutulong tubig. Apaw ang mga planggana, lata, at timba na nakakalat sa masikip na silid. May tubig nang gumagapang sa maruming semento.
Dumiretso ako sa maliit na puting kabinet sa sulok at kumuha ng isang lata sa pyramid ng de-lata. Iniangat ko ang takip, kumuha ng plastik na kutsara, at direktang sumandok doon.
This is how my day always starts. Today's breakfast is tuna. Lunch will be tuna. Dinner will be tuna. Since I still have some bills left for spending, today's schedule is to sleep.
If I could live my life constantly sleeping, I would. Pero minsan, kailangan ko ring magtrabaho at mamili ng kakailanganin ko para mabuhay. Minsan, kailangan ko ring maligo. I'm not a hygiene freak but I don't like being too smelly. It's unbecoming for a girl.
Idinighay ko ang lansa ng tuna kahit na hindi pa naman talaga ako nakakaramdam ng kabusugan. I snatched up the bread next and ate while listening to the rain's rage on the roof. Parang may amag na pero lasang tinapay pa naman.
Kailan kaya titigil ang ulan? Kailangan ko nang lumabas bukas o isa sa mga araw na 'to para mamili.
Pero bahala na. Kakain at matutulog lang ako ngayon.
***
Nagising ako sa mahihinang ingay. May liwanag pang nasasangga ang kurtina sa bintana. Base sa gutom ko, malayo pa ang gabi. Pero tumigil na ang ulan. Kaya siguro may mga pakialamerong pakalat-kalat sa ospital.Pinakinggan ko ang mga ingay. May kumikiskis na bakal. May mga paang naglalakad. May naaapakang bubog. May mga tangang nagtatawanan at nagtutuksuhan. Mas maraming lalaki kaysa babae. Mahirap hulaan kung ilan. Nasa ikalawang building pa lang siguro sila ng ospital.
Napahikab ako. Hindi naman sila aabot sa'kin. Pinakadulo ang psychiatric ward kung nasaan ako. Parang maze din ang istruktura ng abandonadong gusali. Kung mamalasin na makarating sila sa'kin… saka ko na iisipin.
Kalahati na ng kama ang basa ng ulan. Buong semento na rin ang ginagapangan ng tubig. Namaluktot ako sa higaan at natulog uli.
***
Gabi na nang magmulat ako uli. Maiingay ang malalapad na kokak ng palaka na hindi naman talaga tunog-kokak.Nakiramdam ako sa paligid. Bukod sa kutson na umabot na ang basa sa hita ko kahit nakabaluktot ako, may naaamoy rin akong tustado. Mabahong tusta.
Nagsunog pa yata ang mga naglamyerda sa ospital bago umalis. Pilit kong inamoy ang sunog bago bumangon.
Umabot na sa sakong ko ang tubig sa semento. Malamig at malagkit iyon. Hindi ako sigurado kung kulay putik dahil wala pang bukas na ilaw saanman. Nangapa ako sa dilim hanggang umabot ako sa lababo. Kinapa ko ang nakasabit na maliit na bag sa nakausling pako roon bago kapkapin sa loob ang flashlight ko.
Naaamoy ko pa rin ang sunog.
Lumabas ako sa silid at sinusog ang mabahong amoy gamit ang kapos na liwanag ng flashlight. Kapag malas, puwedeng may apoy pa rin na aabot sa'kin at pahihirapan akong huminga bago ako tustahin uli. Kapag suwerte, puwedeng wala nang apoy at naabala lang ako sa pagtunton.
Sinusog ko ang hanay ng madidilim na silid ng Psychiatric ward at lumiko sa Neuro ward. Ilang liko pa at…
Pinatay ko ang flashlight at itinago sa loob ng kamiseta ko. Pumantay ako ng tayo sa column sa pasilyo. Hinigit ko ang hininga ko habang pinakikinggan ang paggalaw ng isang anino sa malapit na silid.
May bumubuhos na tubig. May pinapagpag na… damit? At bumubulong ang taong umaapula ng maliit na apoy.
Sumilip ako nang kaunti at nakita sa papanipis na liwanag ng apoy ang mukha ng lalaking nag-aapula nito. Sandaling-sandali lang. Hindi sapat para matandaan ko pero sapat para masiguro kong totoong tao at hindi multo ang nilalang. Nang parang lilingon siya, bumalik ako sa pagsandal sa column.
"May tao ba diyan?" tawag niya sa papadilim na gusali.
Kinagat ko ang labi ko para hindi makagawa ng anumang ingay.
Nawala ang liwanag sa tuluyang pagkamatay ng apoy. Maingat pero mabigat ang yabag na palapit. Maingay ang tilamsik ng tubig sa sahig.
Itinakip ko ang palad ko sa bibig ko at maingat na humakbang sa karugtong na pasilyo papunta sa ibang ward.
"May tao ba diyan?" ulit niya.
Tumigil ang yabag. Nagpakiramdaman kami. Nagsindi ang isang maliit na liwanag sa dilim pagkatapos ng isang klik. Lighter siguro.
"May tao ba?" ulit pa.
Sino'ng siraulo ang mag-iisip na may tao sa abandonadong ospital? Walang basta nagpupunta roon kahit araw dahil malayo sa mga bahayan. Lalong walang nagpupunta sa gabi dahil nakatatakot. The hospital is made for nightmares and horror movies. It has cobwebs, rust, and maybe ghosts.
Ah, siyempre, may nagsimula ng sunog. Baka akala nitong lalaki, nag-overstay ang gumawa ng apoy.
"Hello?" tawag pa rin niya.
Tahimik akong naghintay sa paulit-ulit na klik at sindi ng liwanag hanggang sa maubos ang curiosity niya. O hanggang sa magsimula siyang matakot sa gusali.
Hindi ba siya natatakot dito?
"Kung sino ka man…" aniya, " 'wag kang magsunog dito. Nadaanan ko lang ang apoy habang nagmo-motor."
Hindi ko naman tinatanong. At hindi naman ako ang nagsimula ng apoy.
"May combustible materials pa sa paligid."
Alam ko naman 'yon.
"Sa susunod, tatawag ako ng pulis o bumbero."
'Yon naman ang dapat na ginawa niya kaysa nakialam at sinugod ang apoy sa gusali.
"Maulan lang ngayon kaya malakas ang loob ko."
Hindi pa rin siya tumitigil sa pagsasalita.
Tiningala ko ang bahagyang pagtutulo na kisame sa pasilyo at pinigil ang sarili kong bumuntonghininga.
"Aalis na 'ko."
Nailing ako. Nagpaalam pa talaga? Hindi kaya dumaldal lang siya para kumbinsihin ang sarili niyang may tao siyang kausap kaysa multo? Takutin ko kaya? Puwede akong… wala. Wala nga pala akong alam na anumang panakot.
Sayang.
Kalmado ang mga yabag na palayo ng napadaang pakialamero. Nanatili akong nakatayo sa dilim hanggang sa mawala ang lahat ng tunog.
Babalik na sana ako sa kuwarto ko pero sinilip ko muna ang silid kung saan nagkasunog. Tustado ang dalawang higaan sa isang shared ward. At may isang leather jacket na naiwang nakasalampit sa pangatlo.
Kinuha ko ang leather jacket. Basa iyon sa labas pero hindi sa loob. May bahid ng amoy ng panlalaking pabango at usok. Kinuha ko.
Pagbalik ko sa kuwarto ko, kumain uli ako ng isang latang tuna at may amag na tinapay bago mamaluktot sa higaan. Ikinumot ko sa akin ang jacket.
Mas mainit na. Hindi ako manginginig sa magdamag.
Kailangan ko ng maraming pahinga para sa trabaho kinabukasan. ++0310h/08252018