***
"Patay na yata si Totoy."
Si Anelyn yata 'yong nagsasalita. Ang bigat-bigat ng mata ko. Hindi ko maimulat. Tapos ang lamig-lamig ng sahig at ng buong paligid. Gusto kong magpaalaga sa Loli ko. Kaso wala siya.
"Buhay pa. Humihinga pa nga, o."
Si Tony yata 'yon.
May tumusok sa may kamay ko. Tapos sa pisngi ko. Tapos may humawak sa may noo ko. Ang lamig-lamig ng kamay niya.
"Ang init ni Totoy. Ano'ng gagawin natin?" si Anelyn.
"Ano ba yan. Wala naman tayong panggamot diyan, eh. Wala nga tayong pagkain, eh." Si Pol. "Ano ba kinain n'yo kagabi? Baka nalason?"
"Eh 'di dapat, patay na 'yan kung nalason. Si Monching, namatay agad no'ng nalason," si Tony.
"Ano nga gagawin natin? Baka mamatay si Totoy 'pag hindi nagamot," si Anelyn.
Gusto kong sumali sa pinag-uusapan nila pero lamig na lamig ako. Nanginginig ako. May nagkumot sa'kin ng mabahong damit. Tapos may nagtakip ng karton yata.
"Eh 'di mamatay siya. Hindi naman natin siya kapatid," si Pol.
"Makikita siya ng pulis 'pag namatay siya rito. Tapos paalisin tayo rito," si Tony.
"At kawawa naman siya," si Anelyn.
Hindi naman ako kawawa. Puwede naman akong mamatay... kahit nakakatakot. Ang sabi ni Loli dati, 'pag namatay raw ang mababait, napupunta sa langit kung nasa'n si Hesus. Nagsasama-sama raw 'yong mga nagmamahalan sa langit. Mabait naman ako kaya 'pag namatay ako, baka makikita ko si Hesus. Tapos, mahal ako ni Loli kaya makakasama ko siya ro'n.
'Pag kasama na namin si Hesus, tatanungin ko Siya kung bakit lagi akong gutom kahit na mabait ako. Baka ituturo niya sa'kin kung saan maraming pagkain. Baka pakakainin na niya kami ni Loli. Tapos sasabihin ko sa kanya na 'wag kaming ipakita kay nanay para walang magagalit sa'kin. Sasabihin ko rin sa Kanya na bigyan ng maraming anak si Ma'am Eleanor. At bigyan ng maraming pagkain si Benben. At maraming bibili kay Aling Marites. At maraming magbibigay ng pera kina Pol, Tony, at Anelyn.
Hindi naman nakakatakot mamatay kung makakasama ko naman si Hesus. Sabi ni Loli ko, maraming pagkain sa langit. Mabango ang higaan. Mababait ang mga tao. Kaya nga nagbabait ako. Para kahit magutom ako ngayon, 'pag nasa langit na 'ko dahil mabait naman ako, makakakain na 'ko.
"Ano'ng sinasabi mo, Totoy?" tanong ni Anelyn. Bumulong siya sa tainga ko. Mainit ang hinga niya. Masarap sa pakiramdam.
Lamig na lamig ako. Gusto ko ng maraming kumot. Gusto ko si Loli ko.
Gusto ko nang pumunta sa langit.
"Ano'ng ginagawa n'yo na naman diyan? Nawala lang kayo ng isang linggo do'n sa may tulay, dito lang pala kayo lumipat?" sabi ng isang matandang boses.
Narinig kong may nagtakbuhan. Iniwan yata nila 'ko.
Lamig na lamig na 'ko.
"May sakit si Totoy. Dalhin natin sa ospital," sabi ni Anelyn.
Hindi siya umalis.
"Sino'ng totoy?"
May mabigat na kamay na pumatong sa noo ko.
"Ang taas ng lagnat nito. Nasa'n nanay nito?" tanong ng lalaki.
"Hindi ko alam kung sino'ng nanay niyan, eh. Patay na yata," si Anelyn.
Hindi naman si nanay ang patay. Baka si Loli.
"Ano'ng patay?"
"Dalhin natin sa ospital. Kawawa naman siya."