The hen and her nest

2.2K 224 21
                                    

***

May dugo uli. Batid ko kahit na hindi ko pa tinitingnan. Inuudyok ng palala nang palalang pananakit at pagsisikip ng puson ko.

Six weeks pa lang ang baby ko. Gusto kong kahit papa'no man lang ay marinig ang heartbeat niya. At least a heartbeat. Pero dalawang ulit na akong nagbuntis. Iisa ang kinahahantungan ng sakit, ng pag-aalala, at ng paghihintay—sa wala.

"Eleanor?" tawag ni Nando sa kabahayan. "Nandito na 'ko."

Napasapo ako sa sinapupunan ko bago itulak ang sarili ko palayo sa kinakapitan kong mesa. Dahan-dahan akong lumakad patungo sa banyo. Kailangan kong makasiguro. Bakasakali… bakasakaling mali ako at ang mga pananakit. Bakasakaling masyado lang akong nag-aakala. Bakasakaling walang dugo.

Sa iilang hakbang ay sumaksak ang sakit sa puson at likod ko. Mahina akong umusal ng panalangin.

"Eleanor, nandito na ang pinabibili mong pagkain. Baka gutom na ang baby."

Masigla pa ang boses ni Nando. Hindi ko pa idinadaing ang pamilyar na pananakit; ang pamilyar na mga sintomas.

Nanginginig ang mga kamay ko nang buksan ang seradura ng banyo. Huminga ako nang malalim para pahupain ang padaklot at pasuntok-suntok na sakit sa puson ko.

Bakasakali.

Alalay kong itinukod ang kamay ko sa dingding. Pero bago pa 'ko tuluyang makaupo sa inidoro ay naramdaman ko ang pagkalas ng sakit sa sinapupunan ko. Nalaglag iyon sa panloob ko, kasunod ang pag-agos ng mainit na dugo.

Ibinaba ko ang panloob ko at nanghihinang naupo sa inidoro. Nasa kakarampot na tela ang maliit na laman ng dapat ay anak ko. Umaagos na parang ihi ang dugo sa pagitan ng hita ko.

Matagal ko nang nalaman kung bakit 'nakunan' at 'nalaglag' ang tawag sa pagkawala ng pagbubuntis. Nakunan, dahil may kinuha. Nalaglag, dahil sa pakiramdam.

"Eleanor?"

Bumungad si Nando sa banyo. Basa na sa luha ang mukha ko nang mag-angat ako ng tingin sa kanya.

Humuhupa ang pananakit ng katawan ko. Pumapalit ang panghihina at panghihinayang. Pero hindi ito ang gusto ko.

Handa akong magtiis ng sakit ng katawan—kahit na ilang buwan—kung siguradong may mayayakap akong bata na galing sa aking sinapupunan. Madaling idaing ang sakit na may bunga. Pero ang sakit sa kalooban, ang pagbitaw sa pag-asa sa pagbuo ng isang pamilya, naghuhukay ng kahungkagan na hindi mapupunuan ng anumang konsolasyon.

Kung ang pagkakaroon ng anak ang halaga ng isang babae, tatlong ulit na akong nawalan ng silbi.

Tatlong ulit.

"I'm sorry," sabi ko kay Nando. "Okay pa naman ako kanina pag-alis mo. Pero biglang sumakit… nagtuloy-tuloy… at hindi na tumigil. Hanggang ito…"

Bumaba ang mata niya sa maliit na laman sa panloob ko; sa bakas ng dugo sa kinauupuan ko. Nakita ko nang lunukin niya ang nagbabantang pagtangis; nang luminaw ang bakas ng luha sa mga mata niya.

"Ayos ka lang ba?" malumanay na tanong niya. "Hindi ka nahihilo? Kailangan ba kitang dalhin sa ospital?"

Umiling ako. "Hindi na."

Inabot niya ang likod ko at hinagod.

"Ipag-iinit kita ng tubig," aniya.

Tumungo ako at tahimik na umiyak. ++522h / 04162019

The VOIDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon