The rabbit and the moon

3.8K 334 33
                                    


***

What does it take for anyone to be happy? Tingin ko, kasama ro'n ang pasensiyang hintayin, panoorin, at alagaan ang mga bagay na puwedeng magdala ng ligaya. Kasama ro'n ang paniniwala na may darating; na may hinihintay. Kasama ro'n ang tapang na ipaglaban ang anumang darating.

Wala na 'kong gano'ng paniniwala, pasensiya, at tapang.

Mas payapa ang mundo ko nang walang hinihintay at walang inaasahang pagdalaw ng kaligayahan o ng pagmamahal. Dahil kung hihintayin ko at kung darating, ang kasunod kong aabangan ay ang pag-alis.

Walang bagay na hindi natatapos. Walang tao na hindi umaalis. At walang pagmamahal na nananatili.

Ang pagmamahal ay kasingrupok at kasinghina ng tao. Kung aasa ako, masasaktan lang ako. Natutunan ko nang ilayo ang sarili ko sa sakit mula nang umalis ako sa poder ni Rina.

Mas payapa sanang mabuhay nang hindi nasasaktan ni nananakit. Masaya sana kung magagawa ko 'yon.

Pero hindi naman ako makapamimili ng sitwasyon. Naniniwala si Hansen sa nararamdaman niya. Naniniwala rin siyang hindi siya mapapagod. Ako ang walang paniwala.

Kaya kailangan kong umalis.

Siguro karuwagan ang pag-alis at pag-iwas. Pero hindi ako sa ligaya lumalayo kundi sa sakit na kakabit nito. Hindi ako tumatanggi sa pagmamahal kundi sa katapusan nito. Hindi ko inililigtas lang ang sarili ko—inililigtas ko rin siya.

Ito ang tamang gawin.

"Ticket mo?" untag ng konduktor sa tumatakbong bus.

Nakatungo ako nang kunin sa bulsa ng hoodie ko ang wallet ni WPT. Kinuha ko ro'n ang ticket at nakatungo pa ring iniabot sa konduktor.

"Malapit na 'tong tumigil sa terminal," ang sabi pa.

Tumango lang ako. Nang ibalik sa'kin ang ticket, inayos ko ang ilang plastik ng mga gamit na bitbit ko galing sa ospital. Karamihan do'n ay bigay ni Hansen kaya hindi ko maiwan.

Ito ang tamang gawin. Mamayang gabi, darating si Hansen sa isang abandonadong gusali. Nag-iwan ako ng note sa kanya at isang plato ng pansit Malabon.

Iilan lang ang salitang isinulat ko para sa kanya.

     Umalis ako para hindi ka mag-alala.
     Huwag ka nang maghintay o bumalik.
     Salamat sa mga bagong pakiramdam.

++751g / 09192018

The VOIDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon