The rabbit in the dark

4K 346 21
                                    

***

Nakasalampak ako sa maruming sahig ng panibago kong silid, pinakikinggan ang maliliit na pagkilos ng lalaki sa silid na inalisan ko. Ano na naman kaya ang iiwan niya ngayon? Ano ang maaari niyang sabihin o itanong?

Ilang araw na mula nang malaman niya ang pangalan ko. Not that I was expecting him to, but he didn't comment anything.

Ayokong isiping nagtitiwala ako sa kanya kaya ibinigay ko ang pangalan ko. Lalong ayokong isipin na komportable na ako sa kanya kaya hindi man lang ako nag-aalala, kahit na iilang pinto lang ang layo niya sa akin. Normally, I would hide. Puwede siyang sumilip sa'kin anumang oras niya gustuhin. Puwede siyang makialam. Somehow, I just know that he wouldn't. Inirerespeto niya ang walang salitang mga pagbabawal at paglilimita ko.

Tinanaw ko ang maputlang liwanag ng street light na babahagyang umabot sa basag na salamin ng bintana ko. Nakikipaglaban iyon sa dilim ng abandonadong ospital. Ilang sandali pa, siguradong aalis na rin ang lalaki. He shouldn't stay longer or else ay aabutan siya ng—

Mangilan-ngilan muna ang malalaking patak ng ulan sa bubungan, bago dumami at bumuhos. Napatingala ako sa mamantsang kisame. May ilang sira at butas iyon na siguradong gagapangan papasok ng tubig bago tumulo sa buong silid. Sana naman ay hindi umabot nang husto sa higaan. The cold tires me out.

Kung bakit naman kasi panay pa rin ang ulan. May bagyo kaya? I couldn't watch television nor read news to stay updated. At paano ang lalaking nandito sa ospital? Ngayon lang siya inabutan ng ulan dito.

Is he going to stay? Is he leaving anytime?

Sinubukan kong pakinggan ang mga ingay sa building. Mahirap. Naghintay ako ng ilang sandali pero patuloy ang paglunod ng ulan sa lahat ng posibleng tunog.

Tumayo ako mula sa sahig at lumabas sa silid. Sisilipin ko lang kung nakaalis siya o hindi. Hindi niya malalaman na nanunubok ako.

I walked lightly and slowly. Huminto ako sa column sa pasilyo bago ang dati kong silid at sumandal doon. I counted in my head. Sampung bilang bago ako sumilip.

One. Two. Three. Four...

"Hello?" tawag ng lalaki sa pasilyo. Mas malapit ang boses niya kaysa sa distansiya ng silid sa haliging sinasandalan ko.

Napalunok ako.

Nag-klik ang isang bagay sa dilim bago magkaroon ng maliit na liwanag.

"Inabutan ako ng ulan. Hindi ako makakaalis agad," sabi niya.

Itinikom kong mabuti ang mga labi ko para hindi magkamaling magsalita. I already gave him my name. That was enough. I shouldn't talk.

"Magpapatila lang ako ng ulan bago umalis," dagdag niya.

Nawala ang matamlay na liwanag sa pasilyo. Puwede na akong umalis sa pagkakasandal at bumalik sa silid ko pero pinigilan ako ng katahimikan.

There was something about that kind of silence. Parang may kamay na pumipigil sa'king gumalaw at tuluyang umalis. Parang may kapangyarihang paghintayin ako.

Sa isang klik ay sumindi ang matamlay na liwanag at gumawa ng mga anino. Nanatili akong nagtatago sa haligi.

Tumikhim ang lalaki.

"Ako nga pala si Hansen."

Hindi ko naman itinatanong ang pangalan niya.

"Hansel dapat 'yon sa Hansel and Gretel. Alam mo 'yong kuwentong 'yon?"

Who wouldn't know about Hansel and Gretel? Kung hindi kilala 'yong mismong magkapatid, pamilyar ang kuwento ng dalawang batang balak patabain ng isang witch para kainin. Mas famous ang bahay na gawa sa kendi.

Every child would love a house like that.

"Kailan ko lang nalaman 'yong kuwento."

Seryoso ba siya?

"Bagay sa'kin 'yong Hansel."

Kakainin din siya ng witch? O iniligaw rin siya sa gubat?

Gumalaw-galaw ang matamlay na liwanag sa gusali bago namatay. Makapangyarihan pa rin ang katahimikan sa pagitan namin. Maingay pa rin ang ulan.

"Magpapatila lang ako ng ulan. Motor lang ang dala ko rito. Kahit magsuot ako ng kapote, mababasa ako."

Mas mahaba at makapal ang katahimikan pagkatapos niyon. Hindi na rin muna niya sinindihan ang lighter niya.

"Masyadong malayo 'to sa ibang bahayan. Kung hindi lang may shortcut sa malapit dito do'n sa pinupuntahan ko, hindi siguro ako makakadaan dito. Hindi ko rin mapapansin na may nakatira kung hindi nagkaroon ng maliit na sunog."

Patuloy pa rin siya sa pagsasalita. Mas malapit na siya. Mas komportable na rin ang boses niya. He must be really thinking that I was listening.

Well, I was indeed listening. Hindi na yata ako dapat na makinig.

"Marami ring natatakot sa ospital na 'to. Alam mo ba kung kailan 'to isinara?"

I have no idea.

"Apat na taon na 'tong isinara. Walang makapagsabi kung nalugi o ano. Naiwang abandonado. Dati, may mga matitino pang gamit na naiwan dito—maaayos na kama, kabinet—pero kinuha ng squat. Pati bakal dito, pinag-interesan. Palibhasa walang nagbabantay.

"No'ng may inupahang magguwardiya, sandali lang nakatagal. Tinatakot kasi ng mga squat at mga kabataan. Nagpalit-palit ng mga guwardiya hanggang sa bumalik sa pagiging abandonado.

"May mga tumira rin dito. Pero naging notorious 'to sa mga katatakutan kaya 'ayun, umaalis din."

Niyakap ko ang sarili ko at kiniskis ang mga braso ko. Nagsisimula nang gumapang ang lamig ng haligi sa balat ko. I really hate the cold. Hindi naman ako puwedeng hindi sumandal. Nakakangalay.

" 'Yong pabahay diyan sa malapit, alam mo kung kailan nawalan ng tao?"

Hindi ko rin alam 'yon.

"Magdadalawang taon pa lang umalis ang mga nakatira ro'n. Resettlement area dapat 'yan pero naging tapunan ng mga nakatira ang kalapit na estero. Kapag tag-ulan, umaapaw at nagbabaha. Mas mababa ang lupa ro'n kaysa rito sa kinatatayuan ng ospital."

Kaya pala mabaho lagi ang paligid kapag maulan.

"Mataas ang krimen dahil walang kabuhayang maituturing ang mga inilipat. Dumami ang magnanakaw, snatcher, drug pushers. Malimit ang patayan. Kalaunan, 'yong mga matitinong nakatira, umalis. 'Yong mangilan-ngilan na naiwan, hindi rin natagalan ang baho at apaw ng estero; wala na ring mapagnakawan kahit sa mga kalapit na pabahay.

"Nitong nakaraan lang nagkaroon ng mga volunteer para maglinis. Pero hindi mapulido dahil nagiging pugad ng mga puta at snatcher ang mga abandonadong bahay kapag nagdidilim."

Kaya pala may napapansin akong mga naninigarilyo at mga humahalinghing kapag pauwi ako sa trabaho.

"Delikado sa lugar na 'to."

Alam pala niya, bakit nandito pa siya?

"Delikado rito, Irene."

Natigilan ako sa pagtawag niya sa pangalan ko. Nagtagal ang kawalan ng salita sa pagitan namin hanggang sa huminto ang ulan.

Aalis na siya. Alam kong aalis na siya. Pero walang pagkilos mula sa kanya at walang salita mula sa'kin.

Ilang sandali pa, narinig ko siyang bumuntonghininga.

"Tumila na ang ulan. Uuwi na 'ko."

Kiniskis ko lang ang mga braso ko para gumawa ng init. Narinig ko ang paghakbang niya nang ilan bago tumigil.

"Naisip ko..."

Naghintay ako ng iba pang salita.

"—bukas pagbalik ko, kung okay lang... tatambay pa 'ko nang ilang minuto. Gaya ngayon."

Ano'ng ibig niyang sabihin?

"Ano... aalis na 'ko."

Hindi pa rin ako makaalis sa haligi kahit puwede na.

"Ingat ka rito, Irene."

Nang marinig kong humakbang pa siyang palayo, maingat akong sumilip sa haligi at nakita ang anino niya sa pag-alis. ++732g / 09172018

The VOIDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon