***
"Good morning. Nandito na ang pagkain," narinig kong sabi ni Nando pagpasok niya sa silid. "Kumusta ang pakiramdam mo ngayon?"
Sasandali akong sumulyap sa kanya at sa tray na dala niya bago bumaling sa malaki kong bintana.
Kumusta ako ngayong araw? Katulad din ng ibang mga araw na pinalilipas ko ang pagtanggap sa katotohanang nawalan kami ng anak.
Pumipintig pa sa sakit ang puson ko at patuloy pa rin ang pagdurugo. Nanghihina pa rin ako sa pagkakahiga pero hindi dahil sa sama ng katawan kundi sa pagluluksa.
Pangatlong ulit na ito.
Wala nang ginhawang maibigay ang malambot na higaan sa malaking silid. Wala nang bago sa rason kong gumaling at lumakas. Walang konsolasyon ang kawalan ko ng kakayahang magalit sa nangyari.
Nanghihinayang ako, oo. Nahihiya, oo. Nagagalit, hindi. Ang sama ng loob ko ay sa insulto ng pagpapagaling, na para bang hindi pagbubuntis ang pinanggalingan ko kundi isang malalang sakit.
Kailan pa naging isang karamdaman ang subuking maging ina?
Tiniis ko ang lahat ng sakit sa iilang linggo—ang mga pagdurugo; ang biglaang pagsigid ng lamig; ang kawalan ng gana sa pagkain; ang pagkahilo; ang paninikip ng tiyan, likuran, at sinapupunan; ang lagnat; ang pagpapabalik-balik sa doktor sa kabila ng kawalan ng lakas—dahil handa akong maging isang ina.
Handa ako, ngunit hindi yata handa ang katawan ko.
"Ano'ng iniisip mo?" untag ni Nando na hinaplos ang buhok ko. Masuyo at magaan ang palad niya.
"Sorry," mahinang sabi ko nang tumingin ako sa kanya. Sa kanya ako pinakanahihiya. "Alam kong excited kang magkaanak."
"Ikaw rin naman. I'm sorry, too. Pero hindi naman natin hawak ang nangyari. Diyos ang nagkaloob, Diyos din ang kukuha."
Tumango ako. "Hindi masama ang loob mo?"
"Masama. Pero sino tayo para husgahan ang plano ng Maykapal? Simula pa lang ng pagbubuntis mo ay lagi ka nang may dugo. Lagi ring masama ang pakiramdam mo. Papaano kung kaysa nawala ang bata ay may masamang nangyari sa'yo?"
Mahigpit kong ginagap ang kamay ni Nando. "Fernando…"
Tumingin siyang mabuti sa akin.
"Gusto kong magalit minsan sa Maykapal," mahinang sabi ko. "Normal ba kung hindi ako nagagalit man lang?"
Matipid ang naging pagngiti niya. "Gusto mo bang magalit tayo?"
"Minsan… gusto ko."
"Pero?"
Alam niyang may pero. "Pero… perpekto ang pagkakagawa Niya sa sistema ng tao, hindi ba? Sinasala ng katawan natin ang marumi. Inilalabas ng katawan ang masakit. Ginagamot ang karamdaman. Perpekto ang pagkakagawa Niya sa sistema ng tao. Siguro—siguro lang—ay hindi pa tayo dapat na magkaanak. Baka ako ang may problema. Baka hindi ako deserving bigyan ng pagpapala Niya. Kaya kung gano'n man… sorry."
Tumiim ang pagkakalapat ng labi ni Nando. Humigpit din ang kamay niya sa akin. "Laging sinasabi ng Tatay, 'di ba? Hindi natin alam ang panukat ng Maykapal. Ni hindi natin dapat sabihing alam o nauunawaan natin ang panukat Niya."
"Baka lang kasi…"
"Magiging mabuti kang ina…" Mahina ang boses ni Nando. "Sigurado ako dahil mabuti kang tao. Mabuti kang babae. Mabuti kang anak. Magiging mabuti kang ina. Alam ng Maykapal 'yon."
Nilunok ko ang namumuong bikig sa lalamunan ko, pero hindi niyon napigil ang pagbagsak ng luha.
Sa pangarap namin ni Nando, mabubuti kaming magulang. Kaya bakit hindi pa kami magkaanak? Ano'ng mali sa'kin?